Muling idaraos ng
Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT) sa pakikipagtulungan sa Komisyon
sa Wikang Filipino (KWF), National Commission for Culture and the Arts (NCCA),
at UP Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) ang “Sawikaan 2014: Pagpili ng Salita ng Taon” kasabay ng “Pambansang Kumperensiya sa
Pagpapayaman ng Wikang Filipino” na may temang “Wika ng Kahandaan, Kahandaan sa Wika” na gaganapin sa
25 – 27 Setyembre 2014, 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, sa Pulungang Recto, Bulwagang Rizal, Faculty
Center, UP Diliman, Lungsod Quezon. Ang nabanggit na okasyon ay tinatangkilik
din ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at ng Commission on Higher Education
(CHED).
Ang Sawikaan ay isang
mahalagang proyektong nagtatampok sa pamimili ng pinakamahahalagang salita na
namayani sa diskurso ng mga Filipino sa nakalipas na taon. Ilan sa mga
itinanghal nang Salita ng Taon ay ang canvass
(2004), jueteng/huweteng (2005), lobat (2006), miskol (2007), jejemon
(2010), at wangwang (2012). Para
sa darating na Sawikaan 2014, napiling nominado ang mga salitang “bossing,” “Filipinas,” “hashtag,” “imba,” “kalakal,” “endo,” “PDAF,” “selfie,” “whistle blower,”
“storm surge,” “riding-in-tandem,” “CCTV,”
at “peg.” Mga salita itong dulot ng
nauusong laro at teknolohiya; naging laman ng telebisyon, mga social network, at
balita; o iniluwal ng sumabog na kontrobersiya sa politika at matinding
kalamidad. Saksihan kung paano ito bibigyang pakahulugan at ipagtatanggol ng
mga kalahok para maging Salita ng Taon 2014! Naniniwala ang FIT na ang
proyektong ito ay isang malikhain at mabisang estratehiya para mapatampok ang
dinamismo ng wikang Filipino.
Bukod sa pagpili ng
salita ng taon, may inimbitahan ding mga respetadong edukador, administrador,
at iskolar sa wika na magbibigay ng panayam hinggil sa napapanahong
isyung pangwika. Sa taong ito, tema ng kumperensiya ang “Wika ng Kahandaan,
Kahandaan sa Wika,” na nakatuon sa gamit ng wika sa iba-ibang larang ng buhay
tulad ng edukasyon, kalamidad, at social media. Magkakaroon din ng
pakitang-turo na inaasahang makapagbibigay ng mungkahing paraan ng
inter-aktibong pagtuturo ngayon sa wika na angkop sa implementasyon ng K to 12
ng DepEd. Sa huli, magkakaroon din ng Workshop upang mailatag ng mga guro ang
kanilang mga pangangailangan, sariling ebalwasyon, at pangangailangan sa
pagtuturo na maaaring irekomenda sa DepEd para matugunan nila sa lalong
madaling panahon bilang paghahanda sa nalalapit na implementasyon ng programang
K-12 sa mga susunod na taon. I-download ang programa para sa inyong gabay: http://tinyurl/Sawikaan2014TentatibongProgram
Bayarin sa rehistrasyon: P3000.00 (non-refundable, para sa registration
fee, am/pm snack, tanghalian, handout, kit,
conference bag, ID, sertipiko, aklat ng Sawikaan)
Kinakailangang
magpatala bago ang 14 Setyembre 2014 upang maibilang kayo bilang opisyal na
delegado. Kung makapagbabayad sa o bago ang Setyembre 19, makakukuha ng 10% deskuwento. Mangyaring magpatala sa
online registration sa http://tinyurl.com/Sawikaan2014 o
i-download ang reply slip sa http://tinyurl.com/Sawikaan2014Reply-Slip.
Para sa iba pang
detalye, maaari kayong makipag-ugnay kay Dr. Edgar C. Samar sa Tel. No. (02) 547-1860
o Mobile no. 0925-7102481 o sumulat sa fitsawikaan2012@gmail.com.
Ched Memo: http://tinyurl.com/SawikaanCHEDMemo
DepEd Advisory: http://tinyurl.com/Sawikaan2014DepEdAdvisory
Imbitasyon: http://tinyurl.com/Sawikaan2014Imbitasyon