• HEADING-1 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-2 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-3 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-4 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-5 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE

Saturday, April 7, 2007

SAWIKAAN 2007: Press Release


“Party List, “telenobela” at “miskol,” napiling nominado sa 2007 Salita ng Taon

Napili na ang walong salitang nominado sa Sawikaan 2007:  Mga Salita ng Taon
(Pambansang Kumperensiya sa Wika at Pagpili ng Salita ng Taon), isang proyekto ng Filipinas Institute of Translation, sa pagtataguyod ng National Commission for Culture and the Arts at ng Blas Ople Foundation.

Napili ang “party list,” “telenobela,” at “miskol” dahil sa matingkad na epekto ng mga ito sa kamalayan ng bayan, lalo na sa aspektong politikal at sosyal sa mga Filipino sa nakaraang mga taon.

Ang iba pang salitang may katulad na halaga at katangian ay “videoke”, “extra judicial killing,” “make over,” “friendster,” at “roro.” Roro ang pinaikling roll on-roll off o ang sistema ng transportasyon sa mga pulo na inaasahang makapag-ambag sa pambansang ekonomiya.

Mahigit sa limampung salita ang isinumite pero ang walo lamang ang pumasa sa pamantayang itinakda ng FIT.

Noong 2004, “canvass,” isang salitang kaugnay ng eleksiyon ang napili ng mga hurado. Noong 2005, tinalo ng “huweteng” ang ibang salita kabilang ang “blog” at “tsunami.” Noong 2006, “lobat” ang naging salita ng taon, nakaungos sa “spa” at “botox.”      

Noong nakaraang taon, tinanggap din ang mga nominasyon mula sa mga probinsiya. Isinunite ang “chacha” mula sa Visayas at “meningococcemia” mula sa Baguio. Para sa taong ito, reserbado ang apat na papel para sa mga salita mula sa rehiyon.

Ang mga nagsumite ng napiling papel ay sisimulan nang sulatin ang kanilang mga paliwanag at argumento para basahin sa Agosto 2-3, 2007 sa Pulungang Recto, Bulwagang Rizal, College of Arts and Letters, University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

Ang mga panauhing pandangal sa taong ito ay ang mga iskolar na sina Florentino Hornedo at Ruth Elynia Mabanglo na tatalakay sa paksang “Ang Wikang Filipino Bilang Wikang Global.”  Kasama ring magsasalita ang mga lingguwista mula sa ibang bansa, na magpapaliwanag naman kung paano nabuo ang kanilang pambansang wika. Layunin nitong magbahagi ng mga kaalaman sa pagsusulong ng Filipino. Imbitado sa taong ito ang tagapagsalita mula France at Mexico.

Bukas ang kumperensiya sa mga guro, estudyante, at iba pang interesado sa wika. Kontakin lamang sina Ms. Eilene Narvaez (9244747) o Prop. Romulo P. Baquiran, Jr. (9221830), Filipinas Institute of Translation, Rm. 2082, Bulwagang Rizal, College of Arts and Letters, University of the Philippines, Diliman, Quezon City, o mag-email sa filipinas.translation@gmail.com.

SAWIKAAN 2007: Press Release (Final)


Contact Person:
Romulo P. Baquiran, Jr.
0919-6384488
jbaquiran@gmail.com


Mga Diplomat ng Mehiko at Pransiya, panauhing tagapagsalita sa
Sawikaan 2007: Mga Salita ng Taon

Ang Embahador at Unang Kalihim ng mga embahada ng Mehiko at Pransiya
sa Filipinas ang ilan sa pangunahing tagapagsalita sa Sawikaan 2007:
Mga Salita ng Taon na idadaos sa Pulungang Recto, Bulwagang Rizal,
Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman,
Lungsod Quezon sa 2-3 Agosto 2007.
Tatalakayin nina Embahadora Erendira Araceli Paz Campos at Unang
Kalihim Georges-Gaston Feydeau ang dinamikang lingguwistiko at
panlipunan-politika ng mga wikang Mehikano at Pranses.
Naglingkod si Ms. Paz Campos bilang Pangkalahatang Kalihim sa United
Nations hanggang maitalaga sa kasalukuyang posisyon sa Maynila noong
Marso 2005. Nahirang na siya sa iba't ibang kapasidad kabilang ang
pagiging Konsul sa Konsuladong Mehikano sa Texas, USA.
Si G. Feydeau ay eksperto sa diplomasyang pangkultura, konsular,
politikal, economiko, at militar. Mula 2001, Diputado siya ng
Embahador sa Filipinas at nangangasiwa sa mga palihan, kumperensiya,
at ugnayang konsular. Naglingkod na siyang direktor sa Hapon,
Indonesia, Somalia, at Gran Britanya. Sa presentasyon ni G. Feydeau,
tutulungan siya ni Bb. Alix Lavaud, ang linguistic attache ng
Embahada ng Pransiya.

Inaasahang ang kaalamang makukuha ng mga kalahok sa panayam ng Mehiko
at Pransiya ay magpapalawak sa kanilang pananaw sa wika at
makatutulong sa pagtataguyod ng kilusan para sa wikang Filipino.
Pawang kahanga-hanga rin ang mga panauhing Filipino. Bubuksan ang
kumperensiya ng kauna-unahang babaeng pangulo ng Unibersidad ng
Pilipinas, si Dr. Emerlinda R. Roman. Tatalakayin naman ng mga iskolar
na sina Dr. Florentino Hornedo at Dr. Ruth Elynia Mabanglo ang tema ng
kumperensiya "Ang Wikang Filipino Bilang Wikang Pandaigdig."
Propesor sa Pamantasang Ateneo de Manila si Dr. Hornedo na eksperto sa
kulturang Filipino, bantog na kritiko, at awtor ng maraming libro,
kabilang ang tungkol sa kulturang Ivatan. Si Dr. Mabanglo ay kilalang
peministang makata at kasalukuyang puno ng programa sa wikang Filipino
sa University of Hawaii.
Sa ikaapat na taon ng Sawikaan, ang librong Sawikaan 2006, antolohiya
ng mga papel sa nakaraang tao, na inedit nina Galileo S. Zafra at Roberto
T. AƱonuevo, ay ilulunsad sa tulong ni UP Diliman Chancellor Sergio S.
Cao. Ang mga ilustrasyong ginamit sa libro, magagandang print na likha
ni Pandy Aviado, ay itatanghal sa galeriya katabi ng pulungan.
Napiling mga salita sa taong ito ang "party list," "telenobela," at
"miskol" dahil sa matingkad na epekto ng mga ito sa kamalayan ng
bayan, lalo na sa aspektong politikal at sosyal sa mga Filipino.
Ang iba pang salitang may katulad na halaga at katangian ay "videoke",
"extra-judicial killing," "make-over," "friendster," "safety," at "roro." Roro
ang pinaikling roll on-roll off o ang sistema ng transportasyon sa mga
pulo na inaasahang makapag-ambag sa pambansang ekonomiya.
Mahigit sa limampung salita ang isinumite pero ang siyam lamang ang
pumasa sa pamantayang itinakda ng FIT (Filipinas Institute of
Translation). Para sa taong ito, reserbado ang apat na papel para sa
mga salita mula sa rehiyon, kasama na ang "oragon" ng Bikol at "sutukil" ng Cebu.

Itinaguyod ng National Commission for Culture and the Arts at Blas
Ople Foundation ang Sawikaan 2007, at pinangangasiwaan naman ng
Filipiinas Institute of Translation.

Bukas ang kumperensiya sa mga guro, estudyante, at iba pang interesado
sa wika. Kontakin lamang sina Ms. Eilene Narvaez sa (02) 9244747 o Prop.
Romulo P. Baquiran, Jr. sa (02) 9221830, o sumulat sa Filipinas Institute of Translation,
Rm. 2082, Bulwagang Rizal, College of Arts and Letters, University of
the Philippines, Diliman, Quezon City, o mag-email sa
filipinas.translation@gmail.com.

SAWIKAAN 2007: “Miskol” ang salita ng taon ng 2007


            “Miskol” ang salita ng taon. Nanguna ito sa labing-isang iba pang entri sa Sawikaan 2007: Mga Salita ng Taon, isang kumperensiyang ginanap sa UP Diliman nitong Agosto 2-3, 2007. Pinili ito ng mga iskolar sa wikang Filipino, delagadong guro, at mag-aaral kasama ng pumangalawa at pumangatlong “roro” at “friendster.”

            Nasa ikaapat na taon na ang Sawikaan. Mga nakaraang salita ng taon ang canvass (2003), huweteng (2004), lobat (2005).

            Sinabi ng propesor ng Ateneo de Naga na si Adrian Remodo, ang sumulat ng papel sa miskol, na ang missed call sa New York ay ibang-iba sa miskol ng mga Filipino. Ang missed call ay simpleng di-naasikasong tawag, samantalang nakaugat sa sikolohiyang paramdam ng mga Filipino ang miskol. Ang sandaling tunog ng pagtawag sa cell phone ay nagsasabing “Buhay pa ako. Magparamdam ka naman.”

            Katulad ng “lobat” ng 2005, lumaganap ang miskol dahil sa pagkahumaling ng mga Filipino sa komunikasyong cell phone. Pero inangkin na natin ang bagong teknolohiya at ginamit ito sa ating sariling paraan. Mahalaga ang papel ng wika sa pangkulturang pandarambong na ito. Sinasabi nating “Miskulin mo ako” para mairehistro ang bagong numero, makita ang naiwaglit na cell phone, o ipagyabang ang bago at magandang ringtone.

Naging pangunahin din ang mga kasunod na salitang roro at friendster. Roro ang pinaikling roll on-roll off o ang sistema ng pinagdugtong-dugtong na biyahe sa mga pulo na inaasahang makapag-ambag sa pambansang ekonomiya. Ayon kay Kristian Cordero, ang Bikolanong manunulat, makabuluhan ang roro dahil mahigpit na kaugnay ng kasaysayan ng ating bansang arkipelago at ligid ng dagat. Kaugnay rin ito ng politika dahil itinatampok ng administrasyong Arroyo bilang kampanyang pangkaunlaran. “Magpapaloko ba tayo sa bangkang roro ni Gloria?,” tanong ni Cordero.

            Isa pang penomenong lumaganap sa mga Filipino nitong mga nakaraang taon ang Friendster, ang personal site sa cyberspace na nag-uugnay sa mga magkakaibigan at potensiyal na kaibigan. Orihinal na programang panghanap ng kasintahan, inangkin ito ng mahigit sa 5 milyong Filipino bilang pamalit sa aktuwal na pagkikita at pagsakop sa hadlang ng layo at panahon. Sabi ni Boom Enriquez ng Ateneo de Manila, ang Friendster at iba pang cyperspace interlink ay lumilikha ng “third space” para sa mga pagod na yuppies at iba pa. Maitatanghal sa third space ang tunay o inimbentong identidad para malimutan ang pang-araw-araw at bulgar na realidad.

            Kabilang sa iba pang salitang naging makabuluhan sa Filipino sa nakaraang mga taon ang sutukil (pinaikling sugba-tula-kilaw), videoke, make over, telenobela, extra judicial killing, party list, abrodista, oragon, at safety.

            Naging kapaki-pakinabang din ang talakayan sa Filipino bilang wikang pandaigdig nina Prop. Florentino Hornedo ng Ateneo de Manila University at Ruth Elynia  Mabanglo ng University of hawaii. Gayun din naman ang panayam hinggil sa development ng wikang Mehikano at Pranses nina Ambasador Erendira Araceli Paz Campos at First Secretary Georges-Gaston Feydeau. Maraming natutuhan ang mga delegado sa mga talakaya at inaasahang magagamit nila ito sa pagtataguyod sa Filipino bilang wikang pambansa.

            Ang mga papel na binasa noong nakaraang taon, kabilang ang nagwaging lobat, ay isinaaklat na bilang Sawikaan 2006 (Roberto T. AƱonuevo and Galileo Zafra, editors. Quezon City: University of the Philippines Press, 2007) at inilunsad ito sa kumperensiya. Dinaluhan ito ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario, UP Diliman Chancellor Sergio S. Cao at ilustrador/pintor na si Pandi Aviado. Binuksan din nila ang eksibit ng mga ilustrasyong ginamit sa libro na itinanghal naman sa katabing galeriya.

            Itinatampok ng Sawikaan 2007 ang pangunahing papel ng wika kung paano tinitingnan at iniuunawa ng Filipino ang kasalukuyan niyang daigdig. Pinatunayan ito ng listahan ng mga salitang tinalakay sa kumperensiya. Itinaguyod ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Blas Ople Foundation ang Sawikaan 2007, sa pangangasiwa ng Filipinas Institute of Translation (FIT). Naging tagapagtaguyod din ang U.P. President’s Office, U.P. Diliman Chancellor’s Office, at U.P. College of Arts and Letters. Para sa higit pang impormasyon, bisitahin ang www.sawikaan.net.