Canvass (2004), huweteng (2005), lobat (2006), miskol (2007), Jejemon (2010), wangwang (2012), at selfie (2014)—mga salitang itinanghal na Salita ng Taon sa taunang Kumperensiya ng Sawikaan. Ano kaya ang pinakabagong salitang namamayani sa diskurso sa lipunang Filipino? Halina’t makipulso! Magsumite na ng nominasyon!
Ano ang Sawikaan?
Isang masinsinang talakayan para piliin ang pinakanatatanging salitang namayani sa diskurso ng sambayanan ng nakalipas na taon.
Ano ang mga salitang maaaring ituring na “Salita ng Taon?”
1) bagong imbento;
2) bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika;
3) luma ngunit may bagong kahulugan, at;
4) patay na salitang muling binuhay.
Sino ang maaaring lumahok sa “Salita ng Taon?”
Maaaring magsumite ang sinumang interesado o makawika ng salitang sa tingin niya ay karapat-dapat na kilalaning Salita ng Taon.
Paano lalahok sa Sawikaan?
- Magsumite ng isang pahinang panukala na naglalaman ng 1) etimolohiya o pinagmulan ng salita, 2) mga tiyak na gamit ng salita, at 3) mga dahilan kung bakit dapat kilalaning “Salita ng Taon” ang inilalahok na salita.
- Ipadala ang panukalang lahok sa/o bago ang 15 Disyembre 2015 sa tanggapan ng Filipinas Institute of Translation sa Silid Blg. 2082, Bulwagang Rizal, kolehiyo ng Arte at Literatura, Faculty Center, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon o sa pamamagitan ng email: fitsawikaan2012@gmail.com o sa filipinas.translation@gmail.com. Maaaring magpadala ng higit sa isang lahok.
- Pagpapasiyahan ng Lupong Tagapagpaganap ng Filipinas Institute of Translation, Inc. kung alin sa mga panukalang salita ang karapat-dapat na piliin bilang mga nominado para sa Salita ng Taon. Makatatanggap ng liham na nagpapabatid na natanggap ang lahok mula sa pamunuan ng FIT.
- Ang mga pipiliing panukalang salita ay bubuo ng isang ganap na papel na nagbibigay ng katwiran kung bakit ang ipinanukalang salita ang dapat na itampok na Salita ng Taon. Kailangang maisumite sa/o bago ang petsang 28 Pebrero 2016.
- Magkakaroon ng presentasyon ng mga nominadong salita sa Pambansang Kumperensiyang Sawikaan na gaganapin sa Agosto 2016.Magiging pangunahing batayan ng pagpili ng Salita ng Taon ang 1) lawak ng saliksik, 2) bigat ng mga patunay, 3) linaw ng paglalahad at pangangatwiran, 4) presentasyon.
- Pipili ng una, ikalawa, at ikatlong “Salita ng Taon.” Magkakaroon din ng espesyal na gantimpala para sa may pinakamahusay at pinakamalikhaing presentasyon. Lahat ay makatatanggap ng gantimpalang salapi mula sa FIT.
Para sa dagdag na impormasyon hinggil sa Sawikaan, basahin ang aklat na Sawikaan: Isang Dekada ng Pagpili ng Salita ng Taon ni Eilene Antoinette G. Narvaez na mabibili sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Tampok dito ang sampung taong kasaysayan ng pagpili ng Salita ng Taon, proseso ng paglahok at pagpili ng mananalo, ang 86 na salitang naging nominado sa Sawikaan at ang pitong nagwagi. Makakukuha rin kayo dito ng tip kung paano idedevelop ang inyong lahok na salita!
Maaari ding basahin ang artikulo ni Tsanselor Michael L. Tan na http://opinion.inquirer.net/88576/evolving-filipino-2 hinggil sa pag-unlad ng wikang Filipino.