• HEADING-1 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-2 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-3 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-4 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-5 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE

Friday, April 7, 2006

MGA SALITANG LARAWAN NG MUNDO


ni Romulo Baquiran, Jr.

     Nailalarawan ng mga bagong salita ang mga kontemporanyong realidad.  O ang realidad ba ang lumilikha ng mga bagong salita?  Ano’t anuman, magkatalik ang salita at realidad. At natatandaan natin ang mundo—ang ating mundo—sa pamamagitan ng mga popular at mabebentang salita.

     Halimbawa ng mga ganitong salita ang “metrosexual” at “blingbling”.  Ngayon lang nailahok ang mga ito sa bokabularyong Amerikano-Ingles.  Nitong nakalipas na ilang taon, tanging mga propesyonal na lalaking puti lang ang nakakikilala sa metrosexual at mataginting lang ang blingbling sa mga mahilig sa hiphop. Sa mga hindi nakakaalam, ang “metrosexual” ay isang lalaking hindi nababahalang ipagmalaki ang kaniyang pagkahilig sa postura at pananamit. Ang mga “blingbling” naman ay mga nakasisilaw na abubot sa katawan.

     Ganito rin kakulay ang mga bukambibig ng mga Filipino.  Hindi na halos maiwasan ng mga kabataan ngayong budburan ng mga salitang tsika, tsugi, at jolog ang kanilang usapan.  At paano naman ang mga medyo tumatanda na?  Dapat nilang ipagmalaki ang kanilang naimbentong mga walang-kupas na salitang “astig,” “hanep,” at “bangag.”

     Sa isang subkultura muna umiinog ang mga bagong salita bilang ekspresyon ng identidad nito.  Kung mabenta talaga ang salita, kakalat ito. Sa mga bagets nag-umpisa ang tsika noong kalagitnaan ng 80s na ang ibig sabihi’y “maikling pakikipag-usap.” May ganoon pa rin naman itong kahulugan  ngayon pero lumawak ang konotasyon nito at naisama pati ang “mang-aliw,” “hindi pagseryoso sa  isang gawain,” “pagkumbinsi ng isang tao sa pamamagitan ng mga boladas,” “pagiging miyembro ng isang social group,” atbp.

Nakakasakit ka na, Pre!

     Magtampo ka kapag sinabihan kang tsáka, tsápter, o mas masahol pa, tsúgi.  Iba’t ibang anyo lang ang mga ito ng pang-uring pangit.  At ang talagang ibig sabihin ay “Ang pangit-pangit.”  Naaalala mo ba ang sikat na kantang “I Feel For You” noong 1980s?  Si Chaka Khan ang kumanta nito sa MTV.  Tikwas-tikwas  ang  buhok niya, maga ang mga labi, kumikintab ang kaniyang kaitiman at taglay niya ang lahat ng mga katangian ng isang negra, na para sa mga nagkakatuwaang Filipino ay hindi kailanman puwedeng tawaging maganda.  Ito ang etimolohiya ng tsáka.  Binagong ispeling naman ng chapter ang tsápter.  Kapag dumikit sa isang tao ang ganitong bansag, ibig sabihin, wala na siya sa eksena.  Tapos na ang tsápter niya sa isang mahabang salaysay.  Malamang na onomatopeic ang tsúgi dahil kagaya ito sa tunog ng  pagbagsak ng talim sa sangkalan.

     Madalas na nagtatagal ang mga salitang tumutukoy sa isang mahalagang karanasang panlipunan.  May puwang na ang astig (binaligtad na “tigas”) sa ating wika.  Kasinsigasig pa rin ng mga jeproks ang mga kabataan ngayon sa paggamit sa salitang ito. Maging kasinghaba kaya ng buhay ng “baduy” ang “jolog?” O susunod ito sa yapak ng bakya na halos limot na ngayon.

     Sa ngayon, namamayagpag ang ukay sa pang-araw-araw na  buhay ng mga Filipino.  Mula sa mga salitang hukay at halukay, tumutukoy ito sa pamimili  ng mga mayaman at ng mga kapos sa pera ng mura, imported, at pinaglumaang mga gamit.  Pinasikat pa ito lalo ng isang commercial ng sabong panlaba na nagpauso sa eupemistikong bersiyong “Made in UK”.

Paniniktik sa mga salita

     Sa Estados Unidos, ilang dekada nang nagmamasid sa mga salita ang  American Dialect Society (ADS).  Taon-taon, nagkikita-kita ang mga miyembro nito sa isang asamblea para pag-usapan kung ano-anong mga salita mula sa nakaraang taon ang makapaglalarawan sa diwa ng panahon.  Mula sa mahabang listahan, pumipili ang mga miyembro kung alin ang puwedeng lumaban para sa titulong “Word of the Year”.  Nanalo kailan lang ang “metrosexual”, “blingbling”, at “shock and awe”.

     Dahil sa gawaing ito ng ALS, ang Filipinas Institute of Translation (FIT), sa pakikipagtulungan ng UP Institute of Creative Writing, Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at ng Ople Foundation ay naengganyong mag-isponsor ng SAWIKAAN:  Salita ng Taon.  Naganap ang unang forum para sa “Salita ng Taon” noong Agosto 2004.  Nagkaroon muna ng pre-event selection--kinonsulta ang mga eksperto, iskolar, at matuwain sa wika para tukuyin ang mga potensiyal na salita ng taon at ikampanya ang mga ito para mapili.  Popular dapat ang salita ng kalahok at nagpapahayag ng mahahalagang karanasan mula sa nakaraang taon.

Demokrasya at “canvass”

     Sa SAWIKAAN na ginanap noong Agosto 2004 sa Bulwagang Rizal, tinalo ng ‘canvass’ ang 14 pang lahok.  Iprinisinta ni Randy David ng UP Departamento ng Sosyolohiya ang isang papel na nagpapaliwang sa halaga ng canvass sa paggarantiya ng pag-iral ng demokrasya sa bansa.  Ang “úkay-úkay” na sinulat ni Dr. Delfin Tolentino ng UP Baguio ang nanalo ng ikalawang gantimpala samantalang nagsalo sa ikatlong gantimpala ang “tsúgi” ni Dr. Roland Tolentino at “tsíka” ni Ate Glow (Rene Facunla).  Tumanggap ng higit sa P20,000 ang mga nanalo.

     Nasorpresa ang mga estudyante, mga guro, at mga matuwain sa wika sa samutsari at mayamang talakayan tungkol sa mga salitang itinuturing na karaniwan at pangkanto.

     Gaya ng inaasahan, pinakakuwela ang presentasyon ni Vim Nadera.  Pinangatawanan niya ang pagiging aktuwal na representasyon ng mga suki ng úkay, nagsabit siya ng kung ano-anong abubot na nahagilap sa nagkalat na mga tindahang segunda-mano.  Naitampok din ang mga salitang salbakuta, tapsilog, dagdag-bawas, terorista, jolog, at fashionista; ipinaliwanag ang mga ito para sumalamin sa buhay-buhay at panahon, sa sikolohiya, sa politika, at sa pananaw ng mga Filipino.  Ipinapahayag ng mga salitang ito ang diwa at puso ng karaniwang tao.  Nakaisip na ng makabuluhang proyekto ang FIT para itaguyod ang Buwan ng Wika.

     Matagumpay ding naisagawa ang SAWIKAAN 2005. Nagwagi bilang Salita ng Taon ang “huweteng” na sinundan ng “pasawáy” at “tibák/T-bak.”  Inisponsor ito nina Roberto T. Anonuevo, Dr. Patrick Flores, at tambalang Salvador Biglaen at April Jade Imson. Naging interesante rin ang presentasyon sa mga popular  na salitang wire-tapping, caregiver, blog, tsunami, coño, networking, atbp.

    Naghahanda na ang FIT para sa SAWIKAAN 2006: Mga Salita ng Taon.  Hinihimok ang mga iskolar at mga matuwain sa wika na magmasid ng mga potensiyal na salita at magpasa ng mga nominasyon kasama ang isang angkop na sanaysay.  Para sa mga tanong at paraan ng pagsusumite, mangyaring mag-email sa filipinas.translation@gmail.com.

     Ipagpapatuloy ang bagong komponent na idinagdag sa Sawikaan 2005.  Magbibigay ng panayam ang mga iskolar mula sa Espanya at Malaysia ng karanasan ng kani-kanilang bansa sa pagdevelop ng  pambansang wika.

     Malapit nang maisalibro ang mga binasang papel sa Sawikaan 2005. Pinamamatnugutan ito nina Dr. Galileo Zafra at Prop. Michael Coroza at ilalathala ng University of the Philippines Press. Inaaasahang mapapaangat nito ang kamalayan sa halaga ng mga salita sa pamamagitan ng mga talakay ng 12  manunulat na lumahok sa kumperensiya. (Salin mula sa Ingles ni Salvador Biglaen)