-
HEADING-1 GOES HERE
DESCRIPTION GOES HERE -
HEADING-2 GOES HERE
DESCRIPTION GOES HERE -
HEADING-3 GOES HERE
DESCRIPTION GOES HERE -
HEADING-4 GOES HERE
DESCRIPTION GOES HERE -
HEADING-5 GOES HERE
DESCRIPTION GOES HERE
Friday, April 7, 2006
SAWIKAAN 2006: “Lobat” ang Salita ng Taon
Matagumpay na idinaos ang Sawikaan 2006 noong 3-4 Agosto 2006 sa Pulungang Claro M. Recto, Bulwagang Rizal, Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon.
Itinanghal na salita ng taon ang “lobat” sa Sawikaan 2006: Pambansang Kumperensiya sa Wika at Pagpili ng Salita ng Taon, ang taunang kumperensiya sa wika na itinataguyod ng Filipinas Institute of Translation, National Commission for Culture and the Arts, at ng Blas F. Ople Foundation.
Tumuon ang Sawikaan 2006 sa development ng Filipino bilang pambansang wika at binigyang pansin ang mga bagong salita na naging popular sa kaligirang panlipuna at pangkultura sa nakaraang taon.
Isang artikulong isinulat ni Jelson E. Capilos, propesor sa Ateneo de Manila University, pinili ng mga kalahok sa kumperensiya ang “lobat” na isa sa limang finalist na kinabibilangan ng “botox,” “toxic,” “spa,” at “orocan.” Nahirang na ikalawa ang “botox” ni Dr. Luis Gatmaitan at ikatlo ang “toxic” ni Michael Andrada na isang instruktor sa UP.
Napili ang “lobat” bilang salita ng taon dahil sa interesante at makabuluhan nitong saliksik, malinaw na presentasyon, at naiibang kongklusyon na ang mga Filipino sa kasalukuyan ay halos katulad na ng cell phone—ang munting makinang simbolo ng modernidad—na nakasalalay sa maliliit na bateryang mabilis maubusan ng enerhiya. Nalolobat ang mga Filipino dahil sa mga kahingiang personal, sosyal, at global.
Isang brand ng toxin ang “botox” na iniiniksiyon sa mukha ng mga kliyente para mawala ang
mga kulubot na palatandaan ng edad. Ito ang naging ikalawang salita ng taon dahil naging popular sa mga Filipinong mahilig magpaganda at may pambayad sa mahal na lason.
Tumutukoy ang “toxic” sa mga oras kung kailan napakaraming natatanggap na tawag ang mga nagtatrabaho sa mga call center. O puwede rin itong paglalarawan sa alinmang nakaiiritang tao, bagay, o karanasan.
“Spa” ang kailangan ng mga taong nakaranas ng “lobat” o “toxic.” Ang “orocan,” ang brand ng mga produktong yari sa plastik, ay nangangahulugan ng pagiging plastik o mapagpanggap.
Ang tanging entri mula sa Mindanao, “kudkod,” ay tawag sa pag-chat sa internet, lalo na ang uring layuning makahanap ng partner sa cyberspace. Kabilang sa iba pang kandidato para sa salita ng taon ang “chacha,” “birdflu,” “meningococcemia,” “karir,” at “payreted.”
Napili naman si Rachelle Joy Rodriguez bilang pinakamahusay na presentor para sa salitang “karir.”
Bukod sa pagpili ng salita ng taon, ginanap din sa Sawikaan ang dalawang mahalagang panayam—una ang kay Dr. Isagani Cruz, dating opisyal ng CHED hinggil sa hindi katanggap-tanggap na patakaran ng administrasyong Arroyo kaugnay ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa edukasyong Filipino; ikalawa ang kay Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario ukol sa kalagayan ng edukasyong Filipino ngayon; at ikatlo ang kay Dr. Ana Isabel Reguillo ng Instituto Cervantes-Manila hinggil sa sitwasayong pangwika ng Espanya.
Nasa ikatlong taon na, isinasagawa ang Sawikaan sa Unibersidad ng Pilipinas at dinaluhan ng mga guro, lingguwista, at mga estudyante mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Angkop na pagdiriwang ito sa Buwan ng Wika.