• HEADING-1 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-2 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-3 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-4 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-5 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE

Wednesday, April 7, 2004

SAWIKAAN 2004: Dagdag-Bawas


Ni Romulo P. Baquiran, Jr.

Sinasabi na pinadadaloy ng matematika ang mundo. Lahat ng kilos natin, sa totoo lamang, ay nakabatay sa prinsipyo ng matematika. Kasama sa kakayahan ng sibilisadong tao ang kakayahang magbilang nang tama, makakita ng kaugnayan ng bahagi sa kabuuan, at makakita ng padron sa mga pangyayaring naoobserbahan sa paligid. Samakatwid, mahalaga ang matematika upang maunawaan ang daloy at kalikasan ng mundo. Kasama na rito ang pag-unawa sa lipunan.

Nais ng tao na marating sa at mapanatili ang kaayusan. Dito nakabatay ang kaniyang lipunan. Kapag nakakita siya ng anomalya at hindi niya ito makompone, nagugulo ang kaniyang konsepto ng kaayusan at kagandahang-asal.

Kapag may dagdag-bawas a inaasahang normal, hindi siya mapakali. Alam niyang may mali. Saan mang larang ng kaniyang buhay kapag nangyari ito, dapat na may gawin siya para maiwasto ang lumilihis na mundo.

Ang eleksiyon na pangunahing ekspresyon ng demokratikong lipunan ay itinuturing na sagrado. Sa pamamagitan ng eleksiyon ay naipapahayag at naririnig ang boses ng bayan. Dito niya naipapaalam ang kaniyang pagpapasiya kung sino ang kakatawan sa kaniyang pampolitikang kapangyarihan at karapatan, kung sino ang magsasakatupran sa kaniyang kontribusyon sa pagpapadaloy ng lipunan.

At sa sektor ng mga kasangkot sa politika, alam nilang ang eleksiyon ang instrumento upang makapaglingkod sa bayan. O kaya ay magkamit ng kapangyarihan. At gagawin ng may ambisyon ang lahat para makuha ang kapangyarihang ito.

Sa eleksiyon ng mga senador, malas ng kandidatong mapupunta sa ikalabintatlong puwesto. Kasi labindalawa lamang ang kasama sa magic circle. Kapag panlabintatlo ka,

tsugi ka. Noong 1995 senatorial elections, si Aquilino Pimentel ang panlabintatlo. Panlabindalawa si Juan Ponce Enrile. Nagreklamo si Pimentel na biktima siya ng sistemang dagdag-bawas. Batay sa matematika, biktima siya ng bawas.

Pero siyempre, kailangan ng ebidensiya. Ito ang mahirap hanapin at patunayan. Sino ba ang gustong mahuli sa pandaraya? Wala. Sino ang gustong mahuli ang mandaraya? Pangunahin na iyong nadaya. At sa prinsipyo ng extension, higit na nadaya ang mga mamamayang bumoto sa karapat-dapat na kandidato.

Sabwatan ang nangyayari sa dagdag-bawas. May badyet na malaki para sa mga opisyal ng Comelec na makikipagkutsabahan sa mayamang politiko. Milyon ang usapan. Sa rehistrasyon pa lamang ay pinapalamanan na ng kasangkot na opisyal ang bilang ng botante. Inilalagay sa listahan ang mga yumao na at ang mga wala sa gulang para bumoto. Nagbabayad ng mga flying voter at double registrant para dumami ang bilang ng tao sa isang distrito. Dagdag iyan. Sa araw naman ng eleksiyon, marami ang nadidisenfranchise. Bawas iyan. Tapos, magbabayad ng mga maton para manggulo sa araw ng bilangan na balota. Kapag nagtakbuhan ang mga tao, pasok naman ang magdodoktor sa certificate of canvass. Ang gulo. Ito ang politika sa Filipinas at parang karaniwan na para sa maraming Filipino.

Sa pagtutuos, 2.5 porsiyento ang bilis ng ating pagdami ng populasyon. Pero may mga distrito sa Mindanao na lumalaki nang hanggang 70 porsiyento ang dami ng populasyon. Kaya madaling makita ang mga distritong may nangyayaring dayaan. Kailangan lamang ihambing ang mga registered voter at dami ng boto sa CoCs (certificate of canvass) para makita ang mga di-pagtutugma.

Pero sa dinami-dami ng mga kaso ng dagdag-bawas na isinampa sa korte, isa lamang ang napatunayang totoong nangyari. Ito ang kaso ng isang canvasser sa Pangasinan na nahuling nagbawas ng 5,000 boto mula sa nakuha ni Senador Aquilino Pimentel noong 1995. Nasentensiyahan siya ng anim na taong pagkabilanggo noong 2000, limang taon pagkaraan ng pagbabawas na ginawa niya. Ang tagal ng resulta. Hindi na naipagpatuloy ang ibang kaso. Natatakot din kasi ang mga huwes na masangkot sa mga kasong ganito. Mainit at delikado.

Pero ang sabi nga, kung walang maglalakas-loob na labanan ang sistemang ito na sinasabing nariyan na sa loob ng tatlong dekada mula pa noong dekada 1970, walang mangyayaring pagwawasto sa malaganap na korupsiyong ito.

Isang pasimula at patunay ang kaso sa Pangasinan na maaari namang mahuli ang mga kasangkot sa dagdag-bawas. Kapag hindi ito pinursigi, sadyang hindi maigagalang ang ating politika. Kundi may dagdag, may bawas. Hindi natin maisasakatuparan ang tunay na demokrasya kung ganito nang ganito ang mangyayari. Kaya napakahalaga ng salitang dagdag-bawas para palagian nating maaalala ang pagsisikap ng bayan na maisakatuparan ang ideal ng demokratikong lipunan at buhay para sa Filipino.