• HEADING-1 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-2 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-3 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-4 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-5 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE

Wednesday, April 7, 2004

SAWIKAAN 2004: Canvass


ni Randy David

Hindi lamang dahil nagkaroon tayo ng eleksiyon nitong 2004 kundi dahil naging malawak ang papel ng “dagdag-bawas” sa nakaraang eleksiyon, kung kaya ang salitang canvass, para sa akin, ang pinakamainit na salita sa taong ito.

Mas kilala ito ng mga Filipino na may isang “s” lamang. Sa ganitong anyo, tumutukoy ito sa isang uri ng magaspang na tela na ginagamit bilang trapal na panakip, o kambas para sa isang ipinipintang larawan.

Hindi natin alam kung ang canvass na may dalawang “s” ay may koneksiyon din sa magaspang na tela, subalit kung ang pagbabatayan ay ang kasalukuyan nitong gamit sa politikang Pinoy, tila kagaspangan din ang ipinahihiwatig nito.

Bukas sa sari-saring gamit ang salitang canvass na may dalawang “s”. Kung ika’y may binibili, mas mabuting mag-canvass ka muna upang makatiyak na ang mabibili mo ay ang pinakamahusay sa pinakamababang presyo.

Pagka-canvass din ang tawag sa pag-aalok ng isang produkto o serbisyo sa mga mamimili o kliyente. Halimbawa: Sinasabi ni Keanna Reeves, ang seksing aktres na dating nagtrabaho bilang “escort girl,” na siya raw ay nakapagcanvass na sa Kongreso.

Sa larangan ng politika, may dalawang tampok na kahulugan ang salitang canvass. Canvass ang tawag sa pangangampanya ng isang kandidato o ang pag-akit at paghingi ng mga boto. Ngunit ang pinakalaganap na kahulugan ng canvass sa eleksiyon ay masusing pagkilatis ng mga dokumentong naglalaman ng resulta ng eleksiyon. Sa ganitong gamit, ang kaugnay na salitang dating naririnig sa panahon ng eleksiyon, ayon kay Dr. Bienvenido Lumbera, ay “iskrutinyo” (scrutiny).

Kapag ang isang mamimili ay nagka-canvass ng mga bilihin, hindi lamang ang presyo ang kaniyang sinisiyasat kundi ang kalidad at kaangkupan nito sa mga espesipikasyong kaniyang hawak. Dapat lamang asahan, kung gayon, na ang masinsinang pagkilatis ay lalo pang bahagi ng proseso ng canvassing sa eleksiyon. Wala akong intensiyon na itakda ang buod ng salitang ito, sapagkat sang-ayon ako sa sinabi ni Wittgenstein na ang kahulugan ng isang salita ay nasa gamit nito. Gayunman, mainam na balikan ang iba’t ibang kahulugan nito upang ating maunawaan ang mga kontradiksiyon ng ating buhay politika.

Sa kasalukuyang takbo ng ating politika, mapapansin ang unti-unting paglalaho ng isang kahulugan ng canvass na dati nang bahagi ng lumang gamit nito: ang masusing pagsisiyasat at pagtatalo ukol sa katotohanan ng mga dokumento ng botohan. Ang kahulugang pumalit at nangibabaw ay pagsusuma, pagtatala, o paghahanay ng mga boto, na dati nang wala sa mga kahulugan ng salitang ito.

Nitong nakaraang eleksiyon, pagkatapos tingnan kung kompleto ang mga pirma at kung malinaw ang pagkakasulat ng mga resulta sa “certificates of canvass,” isa sa mga miyembro ng Congressional o National Canvassing Committee ay nagsabing, “I move to canvass.” Malinaw sa ganitong gamit na ang katumbas ng salitang canvass para sa kanila ay pag-tabulate o pagsusuma.

Sa pananaw ng Kongreso, ang canvassing ay “ministerial” na gawain lamang—isang mekanikal o administratibong gampanin na hindi kailangang pag-aksayahan ng panahon. Ministerial nga marahil ito—maaaring ipagkatiwala sa isang abang clerk o calculator kung ang tinutukoy ay paglilista lamang ng mga bilang. Ngunit ang pagtiyak kung ano ang nararapat isama sa huling bilang ay hindi gawaing mekanikal. Nagpapahiwatig ito ng masusing inspeksiyon at pagpapasiya ukol sa katotohanan ng mga dokumento.

Canvassing, kung gayon, ang tawag sa proseso ng maingat na pagsiyasat sa dokumento upang matiyak na ito nga’y tunay. Canvassing din ang tawag sa talakayang nagaganap bilang bahagi ng pagtatasa sa katunayan ng mga dokumento. Ang kahulugang ito, na tuluyan nang nawawala, ay may mga bakas pang naiwan sa ating mga batas. Makikita ito sa mga salitang “authenticity” at “due execution” na parehong binabanggit kaugnay ng proseso ng canvassing. Sa canvassing na naganap nitong nakaraang eleksiyon, nauwi ang prosesong ito sa botohan sa loob ng komiteng nagsagawa ng canvass. Iniwasan ang pagbubukas ng mga resultang galing sa mga presinto na dapat sana’y magpapatunay sa nilalaman ng mga municipal, provincial, at city certificates of canvass. Ang bawat pagtutol o pagpuna sa ayos ng mga certificates of canvass ay binara ng isang maikling “noted” ng tagapangulo ng komite. Binigyang-pansin subalit di sineryoso. Hindi raw ito, anang mayorya, ang tamang forum para magsiyasat ng dokumento.

Sa ating panahon, kung gayon, maaari kang manalo sa botohan at matalo sa canvassing. Hindi ito ang lugar para ipaliwanag kung paanong nangyari ito. Sapat nang sabihin na dumating na nga tayo marahil sa panahong tinutukoy ni Jean Baudrillard: “The era of simulation is inaugurated by a liquidation of all referentials.” Pinasisinayaan ang pagkukunwa sa pamamagitan ng paglipol sa mga sanggunian. Bilang kongklusyon, ang aking masasabi ay: Wala tayong nahalal na pangulo nitong nakaraang eleksiyon. Mayroon tayong presidenteng nailusot sa mga butas ng magaspang na canvas(s).

SAWIKAAN 2004: Terorista at Terorismo


ni Leuterio C. Nicolas

Masasabing isang malaking himala kapag ang mga salitang terorista o terorismo ay hindi nabanggit sa bawat araw na daraan sa ating buhay. Basahin natin ang mga diyaryo. Pakinggan natin ang mga radyo. Panoorin ang mga balita sa telebisyon. At tunghayan maging ang mga balita sa Internet.

Pero ang totoo, talagang matagal-tagal nang panahon na paulit-ulit nating naririnig ang mga salitang ito. Kahit noon pang panahon ng nakaraang diktadura, ang mga salitang ito ay malimit nang itambal ng pamahalaan sa mga pangalang Moro, Muslim, at NPA. Kaya noon pa ay mayroon na tayong Moro o Muslim terrorists, at NPA terrorists. Ganoon sila kung tawagin ng mga kontroladong midya ng gobyerno noon.

“Mga terorista! Mga manliligalig! Mga kaaway ng lipunan!” At naging kasingkahulugan nga ng salitang terorista ang “mga pasimuno sa paghasik ng lagim at kaguluhan.” Sa paglipas ng panahon, lalong naging mas bukambibig ang mga salitang terorista at terorismo. Ito’y pagkatapos ng sunod-sunod na pambobomba na naging sanhi ng pagkasugat at pagkamatay ng maraming tao sa iba’t ibang panig ng daigdig. Ito’y pagkatapos din ng di-mabilang na pagdukot at pagpatay hindi lamang sa mga prominenteng tao kundi maging ng mga inosenteng sibilyan.

At dito sa Filipinas, ang giyera at kaguluhan sa Mindanaw, sampu ng hostage-taking sa mga dayuhang kinabibilangan ng mag-asawang Burnham, ay ikinakawing sa mga terorista partikular sa grupong Abu Sayaf, na kasama diumano ng mga MILF, at iniuugnay rin sa mga dayong Jamaya Islamiyah at Al Qaeda.

Nang pasabugin ng mga hijacker, sa pamamagitan ng inagaw na mga pampasaherong eroplano, ang kambal na gusali ng World Trade Center noong Setyembre 11, 2001 na ikinamatay ng libo-libong mga sibilyan, nakita ng buong mundo na hindi biro ang implikasyon ng tinatawag na terorismo. Sangkot dito diumano si Osama bin Laden, Sadam Hussein, Jamayah Islamiyah at Al Qaeda, at marami pang iba.

Hanggang ang Estados Unidos ay maglabas ng talaan ng MGA TERORISTA AT TERORISTANG ORGANISASYON AT BANSA SA DAIGDIG. Inampon naman ng European Union ang listahang ito. Kaya base sa pakahulugan ng Estados Unidos, ibinibilang na mga terorista ang mga indibidwal na tulad ni Osama bin Laden, Sadam Hussein, Muamar Khadaffy, Jose Maria Sison at iba pa. at ng mga grupo at organisasyong gaya ng Abu Sayaf ng Filipinas, Jamayah Islamiyah at Al Qaeda. Kabilang din dito ang National Democratic Front (NDF), Communist Party of the Philippines at New People’s Army (NPA), habang binansagan bilang mga “teroristang”  bansa ang Hilagang Korea, Palestine, Iran, Syria, Afganistan, Iraq at Lybia. Subalit hanggang sa ngayon, hindi pa rin maliwanag sa marami sa ating mga Filipino kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng mga salitang ito.

Pero ano-ano nga ba ang kanilang ipinakakahulugan sa mga salitang terorista at terorismo? Sa Sentinyal Edisyon ng Diksyunaryo ng Wikang Filipino, ang terorista ay nangangahulugan ng “taong nananakot, nanggugulo, pumapatay dahil sa galit sa nakatatag na pamahalaan.” Samantalang sa Collins Webster Contemporary English Dictionary, ito ay “systematic use of violence and intimidation to achieve some goal.” Ayon naman sa Estados Unidos, batay sa Title 22, Section F (d) ng US Code, ang “terrorism” ay “pre-meditated politically initiated violence, perpetuated against noncombatant targets by sub-national groups or clandestine agents, usually intended to influence an audience”. At dito naman sa Filipinas, sa Section 3, (3) ng panukalang batas na Anti-Terrorism Act of 2003 kung saan ay kasamang may-akda si Cong. Imee Marcos, kabilang sa mga kahulugan ng terorismo ay “threatening to cause serious interference with, or actually causing disruption of a public transport or utility or an essential service, facility or system, whether public or private, except in the furtherance of a legitimate protest, grievance or advocacy.”

Ngunit may pagtingin ang mga progresibong grupo, kabilang si Atty. Jayson Lamchek ng Public Interest Law Center, na ang salitang terorismo at terorista ay simpleng ipinapakahulugan ng Amerika sa sinumang indibidwal, grupo at bansang tuwirang kumakalaban sa kaniyang mga patakaran at sumasalungat sa kaniyang mga interes. Ang Filipinas ay di maitatatwang isang nakapamasunuring “alalay” ng Amerika kaya hindi tayo kabilang sa binansagang “teroristang” bansa bagaman at sinasabi ng Amerika na dito sa atin nagsasanay at naglulungga ang maraming terorista.

Pero talagang nakagugulo at talagang nakakalito pa rin. Halimbawa, ano ba ang kaibahan ng terorismo sa mga lehitimong protesta ng mamamayan? Terorismo ba ang Welgang Bayan na kalimitang may kasamang mga pagbabarikada at pagparalisa sa transportasyon at mga pampublikong serbisyo at pasilidad? (Ito’y kung pagbabatayan ang panukalang Anti-Terrorism Bill.)

Ano ba ang kaibahan ng samahang terorista sa mga kilusang rebolusyonaryo? Ano nga ba ang dapat itawag sa mga Arabong dumukot kay Angelo dela Cruz? Hindi ba’t militante kung tawagin sila ng ating gobyerno sa panahon ng negosasyon sa kaniyang pagpapalaya habang terorista naman kung tawagin sila ng mga kasapi ng Coalition of the Willing? O magkasingkahukugan na ang mga salitang militante at terorista? (Pero kung terorista kaya ang katawagang ginamit ng pamahalaan sa panahon ng pakikipagnegosasyon sa mga bumihag kay Angelo dela Cruz, palalayain pa rin kaya si Angelo at hindi pupugutan ng ulo?)

Bakit hindi terorista ang itawag sa mga nagmasaker sa mga magsasakang nagrali noon sa Mendiola? Bakit hindi rin terorista ang itawag sa mga nananakot, nandurukot, at pumapatay sa mga kasapi at pinuno ng mga cause-oriented group, labor union, at mga party list sa ating bansa?

Ano ang puwedeng itawag sa mga sundalong Amerikanong nagmasaker sa Balanggiga, Samar at pumatay sa libo-libong sibilyang Filipino noong unang bahagi ng nakaraang siglo, ayon sa ating kasaysayan?

Ano ang dapat itawag sa bansang naghulog ng bomba atomika noong buwan ng Agosto 1945 sa Hiroshima at Nagasaki, Japan na pumatay ng daan-daan libong sibilyang Hapones?

Ano ang dapat itawag sa bansang ito na hanggang ngayon ay may pinakamalaking stockpile ng sandatang nukleyar sa buong daigdig na sa isang iglap lamang ay kayang gunawin ang ating planeta?

Ano ang dapat itawag sa bansang ito na sa ngalan kuno ng kontra-terorismo, pagsagip sa demokrasya at kalayaan, o paghanap sa Weapons of Mass Destruction (WMD) ay basta na lamang lulusob, papatay, mananakop, at manghihimasok sa maliliit at mahihinang bansa gaya ng Afganistan at Iraq?

Ano ang dapat itawag sa bansang lumusob at pumatay ng 4.5 milyong Koreano at 6 na milyong Biyetnames dahil lamang sa giyera ng kontra-komunismo?

Ano ang dapat itawag sa mga opisyal at sundalong Amerikano na nagpapahirap ng mga bihag sa kulungan sa Al Greib sa Iraq? Ano rin ang dapat itawag sa mga opisyal sa kulungan ng Guantanamo Bay na sang-ayon sa mga dating bilanggong British ay sistematiko raw na nagto-torture sa mga bilanggong tulad nila?

Ano nga ba talaga ang terorismo? Sino nga ba talaga ang mga terorista?

Kung naimbento na sa Pilipinas noong unang panahon ang salitang terorista, hindi bandido o magnanakaw ng kalabaw ang itatawag kay Macario Sakay at sa mga Katipunerong patuloy na lumalaban sa mga dayuhang mananakop.

Tatawagin silang mga terorista!

Kaya sa aking palagay, hindi lang talaga dapat tawaging mga Salita ng Taon terorista at terorismo. Ang mga salitang ito ay tunay na mga kontrobersiyal na talinghaga at palaisipan ng taon.

SAWIKAAN 2004: Dagdag-Bawas


Ni Romulo P. Baquiran, Jr.

Sinasabi na pinadadaloy ng matematika ang mundo. Lahat ng kilos natin, sa totoo lamang, ay nakabatay sa prinsipyo ng matematika. Kasama sa kakayahan ng sibilisadong tao ang kakayahang magbilang nang tama, makakita ng kaugnayan ng bahagi sa kabuuan, at makakita ng padron sa mga pangyayaring naoobserbahan sa paligid. Samakatwid, mahalaga ang matematika upang maunawaan ang daloy at kalikasan ng mundo. Kasama na rito ang pag-unawa sa lipunan.

Nais ng tao na marating sa at mapanatili ang kaayusan. Dito nakabatay ang kaniyang lipunan. Kapag nakakita siya ng anomalya at hindi niya ito makompone, nagugulo ang kaniyang konsepto ng kaayusan at kagandahang-asal.

Kapag may dagdag-bawas a inaasahang normal, hindi siya mapakali. Alam niyang may mali. Saan mang larang ng kaniyang buhay kapag nangyari ito, dapat na may gawin siya para maiwasto ang lumilihis na mundo.

Ang eleksiyon na pangunahing ekspresyon ng demokratikong lipunan ay itinuturing na sagrado. Sa pamamagitan ng eleksiyon ay naipapahayag at naririnig ang boses ng bayan. Dito niya naipapaalam ang kaniyang pagpapasiya kung sino ang kakatawan sa kaniyang pampolitikang kapangyarihan at karapatan, kung sino ang magsasakatupran sa kaniyang kontribusyon sa pagpapadaloy ng lipunan.

At sa sektor ng mga kasangkot sa politika, alam nilang ang eleksiyon ang instrumento upang makapaglingkod sa bayan. O kaya ay magkamit ng kapangyarihan. At gagawin ng may ambisyon ang lahat para makuha ang kapangyarihang ito.

Sa eleksiyon ng mga senador, malas ng kandidatong mapupunta sa ikalabintatlong puwesto. Kasi labindalawa lamang ang kasama sa magic circle. Kapag panlabintatlo ka,

tsugi ka. Noong 1995 senatorial elections, si Aquilino Pimentel ang panlabintatlo. Panlabindalawa si Juan Ponce Enrile. Nagreklamo si Pimentel na biktima siya ng sistemang dagdag-bawas. Batay sa matematika, biktima siya ng bawas.

Pero siyempre, kailangan ng ebidensiya. Ito ang mahirap hanapin at patunayan. Sino ba ang gustong mahuli sa pandaraya? Wala. Sino ang gustong mahuli ang mandaraya? Pangunahin na iyong nadaya. At sa prinsipyo ng extension, higit na nadaya ang mga mamamayang bumoto sa karapat-dapat na kandidato.

Sabwatan ang nangyayari sa dagdag-bawas. May badyet na malaki para sa mga opisyal ng Comelec na makikipagkutsabahan sa mayamang politiko. Milyon ang usapan. Sa rehistrasyon pa lamang ay pinapalamanan na ng kasangkot na opisyal ang bilang ng botante. Inilalagay sa listahan ang mga yumao na at ang mga wala sa gulang para bumoto. Nagbabayad ng mga flying voter at double registrant para dumami ang bilang ng tao sa isang distrito. Dagdag iyan. Sa araw naman ng eleksiyon, marami ang nadidisenfranchise. Bawas iyan. Tapos, magbabayad ng mga maton para manggulo sa araw ng bilangan na balota. Kapag nagtakbuhan ang mga tao, pasok naman ang magdodoktor sa certificate of canvass. Ang gulo. Ito ang politika sa Filipinas at parang karaniwan na para sa maraming Filipino.

Sa pagtutuos, 2.5 porsiyento ang bilis ng ating pagdami ng populasyon. Pero may mga distrito sa Mindanao na lumalaki nang hanggang 70 porsiyento ang dami ng populasyon. Kaya madaling makita ang mga distritong may nangyayaring dayaan. Kailangan lamang ihambing ang mga registered voter at dami ng boto sa CoCs (certificate of canvass) para makita ang mga di-pagtutugma.

Pero sa dinami-dami ng mga kaso ng dagdag-bawas na isinampa sa korte, isa lamang ang napatunayang totoong nangyari. Ito ang kaso ng isang canvasser sa Pangasinan na nahuling nagbawas ng 5,000 boto mula sa nakuha ni Senador Aquilino Pimentel noong 1995. Nasentensiyahan siya ng anim na taong pagkabilanggo noong 2000, limang taon pagkaraan ng pagbabawas na ginawa niya. Ang tagal ng resulta. Hindi na naipagpatuloy ang ibang kaso. Natatakot din kasi ang mga huwes na masangkot sa mga kasong ganito. Mainit at delikado.

Pero ang sabi nga, kung walang maglalakas-loob na labanan ang sistemang ito na sinasabing nariyan na sa loob ng tatlong dekada mula pa noong dekada 1970, walang mangyayaring pagwawasto sa malaganap na korupsiyong ito.

Isang pasimula at patunay ang kaso sa Pangasinan na maaari namang mahuli ang mga kasangkot sa dagdag-bawas. Kapag hindi ito pinursigi, sadyang hindi maigagalang ang ating politika. Kundi may dagdag, may bawas. Hindi natin maisasakatuparan ang tunay na demokrasya kung ganito nang ganito ang mangyayari. Kaya napakahalaga ng salitang dagdag-bawas para palagian nating maaalala ang pagsisikap ng bayan na maisakatuparan ang ideal ng demokratikong lipunan at buhay para sa Filipino.

SAWIKAAN 2004: Tsíka


ni Rene Boy Facunla (aka Ate Glow)

Sa Espanyol, munti o maliit ang ibig sabihin ng chica. Casa chica. Cara chica. Maliit na bahay. Munting mukha. Tumutukoy rin ito sa batang munti, lalaki man o babae. Puwede rin itong term of endearment sa mga matalik na kaibigan—mi chico, mi chica. O pagbati o pangungumusta sa oras ng personal na pagkikita—Ola chica. Sa katotohanan, sa ekspresyong ito nagmula ang pakahulugan ng mga Filipino sa salitang tsika. Pero alam mo naman ang Pinoy, ang galing magpalawig ng mga bagay-bagay. Marami siyang nagagawa pagdating sa badyet, oras, relasyon, at depinisyon. Napapalawak niya ang sakop ng mga kahulugan. Ang bagay na hiniram, hindi nananatiling hiram kundi inaangkin na talaga. Nagiging Pinoy na. O di ba? Tingnan lang natin kung sinong Espanyol ang makakikilala sa nangyari sa kanilang terminong chica na tsika sa Filipino. Hindi na lang basta “munti” o “maliit” ang tsika. Lumawak at lumaki na ito.

Sa ngayon, laganap na ang salitang ito. Walang tsika talaga. Bading man o hindi, gumagamit na nito. Halimbawa, maaaring ganito ang marinig nating paggamit sa tsika:

1. Kapatid, matagal na tayong di tsika.Punta ka naman dito. Tsika tayo.
2. Ate, paano mo nakuha‘ yang account? Wala, tsika lang.
3. Sabi ko, gandahan mo mo‘ yung paper mo, ano ba, tsinika mo naman.
4. Ay, akala ko masungit ka. Tsika-tsika ka rin pala.
5. Anak, tsikahin mo ‘yung bisita, sige na. Ayoko, di ko naman ‘yun katsika.

Tsika 1. Sa una, “kuwentuhan” ang ibig sabihin ng tsika. Kapag malapit na kaibigan o katapatang-loob mo ang isang tao, karaniwan nang bahagi ng inyong pagkakaibigan ang pagkukuwentuhan. Kailangang mag-update kayo ng nangyayari sa buhay ng isa’t isa. O kailangang pagtsismisan ninyo ang mga kaibigan o kakilala. Tsikahan ang tawag dito. Kapag mahilig kang makipagkuwentuhan, tsikador o tsikadora ang tawag sa iyo. Puwedeng palakuwento ka lang talaga, daldalero. Puwede rin namang tsismoso/tsismosa ka na talaga.

Tsika 2. Sa ikalawa, naroon pa rin ang kahulugan ng kuwentuhan pero sa mas tiyak na pakahulugan. Nakuha niya ang account dahil “matsika” o maabilidad sa pakikipag-usap sa kliyente. Maaari rin namang magaling mambola ngunit dito’y ang positibong pakahulugan ang nangingibabaw. Kapag matsika ka, ikaw ay bibo, may tiwala sa sarili, at bukas makipag-ugnayan sa kapuwa tungo sa kapaki-pakinabang na mga layunin.

Tsika 3. Lumilitaw rito ang medyo hindi positibong kahulugan ng “tsika.” Mayroon na ritong elemento ng hindi pagseseryoso sa inaatas na mahalagang gawain. Kung baga, minadali ang pagsulat ng papel. Pinaa. Tsinika. Dito rin lilitaw ang kahulugan ng pagiging bolero ng isang tao. Tsumitsika lamang ito. Nagbibiro. Kapag gustong pawalan ng bisa ang isang nabanggit na pahayag, puwedeng sabihin na “Huwag mong paniwalaan, tsika lang iyon.”

Unang lumitaw ang salitang “tsika” noong kalagitnaan ng dekada otsenta. Kuwentuhan lamang ang ibig sabihin nito noon. Ginamit itong titulo ng programang pang-young adults—ang Chico Chica na prinodyus ng Philippine Children’s Television Foundation, ang prodyuser din ng Batibot. Isa sa mga talent ng Chico Chica si Richard Reynoso na sumikat na mang-aawit din.

Noong kalagitnaan naman ng dekada nobenta, salamat sa Bubble Gang, na-transform ang tsika at ito’y naging “tsiken.” Sa programa sa telebisyon, magpapalabas ng kalokohan ang mga komedyante sa isang segment at magtatapos ito sa sabay-sabay na pagsigaw ng “Tsiken!!” Parang sinasabi na, “Ano ba iyan!” o kaya’y “Joke! Joke! Joke!” Napasok din ang bersiyong “tsikadi” na pagiging friendly ang ibig sabihin. Halimbawa, sa halip na sumunod sa isang seryoso at takdang patakaran, mas iibigin ng kasapi ng grupo ang tsikadi policy o yaong puwedeng mag-adjust sa pangangailangan ng mga kasapi. Kaya hindi “in” ang rabid feminism. Mas gusto halimbawa ni Joi Barrios, peministang iskolar, ang tsikadi feminism o feminism na umaangkop sa pakikisama at value na sinusunod ng mga Filipino at hindi isinunod lamang sa mga feminista ng mga taga-Europa at Estados Unidos. Pinahahalagahan sa ugaling “tsika” o “tsikadi” ang pakikisama at maayos na interpersonal na ugnayan.

Ngunit sandali lamang sumikat ang “tsiken” at “tsikadi” at muling nagbalik o hindi naman nawala ang bukambibig na tsika.

Sa isang poetry reading sa UP, may bumasa ng tula na puro salitang “tsika” lamang ang laman ng taludtod. At naiparating naman ng manunulat ang kaniyang ibig sabihin.

Patunay ang tsika sa pagkamalikhain ng Filipino pagdating sa pagbuo ng bagong bokabularyo. Maaaring hiram lamang ang salita ngunit makikita na ang husay ng Pinoy sa pag-imbento at pagbabagong-bihis sa kahulugan ng salita.

Laganap at bahagi na ng pang-araw-araw na bokabularyo ng mga Filipino ang “tsika” kaya sa palagay ko, nararapat itong tanghaling “Salita ng Taon.” Walang tsika.

SAWIKAAN 2004: Tsúgi


ni Rolando Tolentino

Hindi salitang Hapon ang tsugi, pero tila gayon din kalayo at over ang kahulugan nito. Tsugi ang isang bagay, karanasan, lugar, tao, at pagkatao kapag negatibo ang dating nito—loseng, loser, luz, Luz Valdez, Luzviminda, Luz Gallery, Arturo Luz, Paula Luz, at Lucila Lalu na pinsang-buo nina Chaka at Chaka Chan. Ang tsugi ang kabaligtaran ng wagi o winner, Winnie Santos, Winnie Monsod, Winnie the Pooh, at Winnie Mandela. Sa telebisyon, ang tsugi ang gamit para ilahad ang paninigbak sa mga show ng mga hari ng network. (Komentaryo ni Randy David sa panayam na papel.) Sibak na ligwak na naging tsugi—ito ay bahagi ng gay o swardspeak, isang idiolek ng pagkakaunawaan at  pagbibigay-ngalan at kahulugan sa mundong ibabaw ng grupong isinantabi.

Ang tsugi ay pantsatsaka o panlalait. Ang objek ng panlalait ay isang di makapasa sa  pamantayang ng subhetibismong bading. Ang subhetibismong bading ay ang etikang panuntunan sa pakikipagkapuwa-tao ng bading. Etika ito dahil may pagninilay-nilay kung sino ang ibabrand na tsugi at kung sino ang wagi. Tsugi ka kapag sobra-sobra ka sa mismong kalabisan ng bading, kasama na ang attachment sa kloseta o di-paglaladlad. Wagi ka kung isinasakatawan at kaluluwa mo ang ideal ng campiness ng bading gayong marami ring sub-identidad ang bading. Kaya nga ang etikang pagninilay at pagpili ay nakatuon sa paghulma ng subjectivation o overdeterminasyon ng pagiging bading sa simbolikong loob ng patriyarka at ng subjectivation o overdeterminasyon sa pantasya ng imahinaryo ng tagumpay, pagiging winner at Miss Universe ng bading.

Overdeterminasyon ito sa konsepto ng Marxistang si Louis Althusser dahil itinatakda ng mga aparatong represibo at ideolohiko ang aksiyon at kamalayan ng bading. Halimbawa, kapag biglang nagpakita sa iyo ang nakahubad na katawan ng modelong si Marc Nelson, hindi iilan ang magkakaroon ng strained neck at tila iwas-tingin sa nakahihigit na preokupasyon sa nilalang na ito. Interpellated ng simbolong Marc Nelson ang kabadingan dahil itinatakda nitong simbolo ang panlipunang relasyon ng bading sa heterosexual na lalaki, na sa isa namang pagbasa, ang pagkasakop ng pamantayang heterosexual na lalaki sa panlasa at oryentasyong bading. At sa maraming bading, ang lunggati (desire) ay libre at di naman ilegal; ito naman ang pantasya ng ahensiya ng kapangyarihan ng bading.

Nagagawa ang sirkulasyon ng diyalektiko ng simbolo at imahinaryo sa ilang lingguwistiko kapamaraanan. Ibinabagsak ng tsugi ang distingksiyon ng proper at generic noun, ng angkop at di-angkop na lugar, at nagkakaroon ng labis na kahulugan sa distingksiyon. Si Lucila LaLu ang unang chop-chop lady na tunay namang nalose sa krimeng karanasan sa karahasan sa kababaihan. Tulad ng urban legend, ang kapangyarihan ng oralidad, tulad ng idiolek, ay ang posibilidad sa transpormasyon ng kahulugan at konteksto ng pagkaunawa rito. Si Chaka Chan ay isang Aprikana-Amerikanang rhythm-and-blues singer na nagsasaad din ng rasismo dahil sa maliitang pagtingin sa identidad ng itim. Si Winnie Monsod ang maton na babaeng ekonomista na nagbebenta ng matalinong sabong panlaba at lingguhang nagre-referee sa telebiswal na debate. Si Arturo Luz ang pambansang alagad ng sining na isang haligi ng modernistang sining biswal na maaaring mapagkamalang disenyo ng ordinaryong vinyl tile o linoleum. Sa pamamagitan ng puwersa ng salitang tsugi, napangingibabaw ang subhetibismong bading bilang pananaw-panlipunan—walang sinasanto: ang B-movie actress tulad ni Luz Valdez ay nagiging icon sa kontrabidang over-acting, o ang sisterette ni “Star for All Season,” si Winnie Santos ay nagkakaroon ng dagdag na celebrity life sa pamamagitan ng apropriyasyon ng bading sa kaniyang ngalan.

Ang taktika ng panlalait at pagkalito ay bahagi ng mga subalternong grupo na mabigyang-depinisyon ang kanilang sarili. Ito ay nagmamarka kung sino ang nasa loob at nasa labas, at ang kabahagi nitong grupo ay sabayang nasa loob at labas. Nasa loob sila dahil kolektibo ang digri ng pagkaunawa sa mga salita at lohika ng pagbubuo ng idea. Nasa labas sila dahil napangingibabawan sila ng mas makapangyarihang kaayusan at pormasyong heterosexualidad gayong ang relasyon nila sa status quo ay nananatiling loob at labas din. Sila ang makapangyarihang negosyante, manggagawa, at manlilikhang gumawa sa mga tulad nina Marc Nelson bilang Ken Doll sa marami nitong ad sa Bench, halimbawa. Sila rin ang puwersang tumatangkilik ng mga produktong ipinapabenta kay Marc Nelson. Sa gayon, silang prodyuser ay sabayang konsumer din ng kanilang nilikha.

Ang tsugi o tsugs ay isang onomatopeia o ang pagbuo ng pananalita batay sa imitasyon sa natural na tunog na inihahalintulad sa objek o aksiyon—”echoismo” [mula sa Webster’s New World Dictionary Third College Edition (New York: Simon & Schuster, 1991)] o ekolalya, panggagaya. Katunog ng tsugs ang pagkaudlot o bangga ng objek. Ginagaya ng tunog ang aktuwal na kahulugan ng salita. Pero kung paniniwalaan natin si Ferdinand Saussure, wala naman talagang aktuwal na kahulugan ang mga salita. Mayroon lamang intimate o familiar na relasyon ang salita at kahulugan. Kung gayon, ang ginagaya ng tsugi at maging ang subhetibismong bading sa pangkalahatan ay isang inaakalang pamilyar at intimate na relasyong hindi naman talaga nandoon. Nawala na ang orihinaryong awtentikong kahulugan at relasyon. Sino nga ba sina Luz Valdez, Chaka Khan, Winnie Monsod sa kontemporanyong buhay? Ano ang naiaambag nilang dalumat para magkaroon ng pagkaunawa sa ating hyper-realidad?

Ginagaya ang isang bagay ng nanggagaya sa panggagaya ng awtentikong relasyon. Maging ang mitikong si Marc Nelson ay isang simulacrum na rin, o imahen na walang lalim, artiface na likha ng midya para tangkilikin ang lifestyle ng pagkalalaki nito. Kung siya ay simulacrum, di ba ang tumatangkilik sa kaniya ay higit na simulacrum dahil mayroon silang imahinaryo ng awtentikong identidad na di naman lalampas sa temporalidad ng pagkonsumo sa imahen?

Ang tsugi ay paglitaw at paglaho sa eyre. Tulad ng sine, ito si Brad Pitt o Julia Roberts o Robin Padilla pero hindi naman talaga sila ito. Ito sila at hindi sila itong higanteng imaheng kay bilis at kay laking nag-aaparisyon at naglalaho. Ang iniiwan ay ang latak ng labis. At mula sa latak ng labis, nagsisimula at umuunlad ang rehimentasyon ng ating buhay sa materyal at simbolikong mundo ng konsumerismo, at sa kasalukuyang panahon ng krisis, ang simulacrum ng konsumerismo. Sa pag-aakalang mayroon pang higit na nasa labas nitong imahen, sa kritikal na pagkaunawa sa signifikasyon at pagkalito sa proseso nito, inihahayag ang paralel na realidad ng imahinaryo, na mayroong ahensiya para patuwarin, patindigin, patihayain, paigkasin, padapain, pangibabawaan, at kung ano-ano pa ang mga simbolo ng kaayusan at karanasan kay Marc Nelson, patriyarka, kapitalismo, at piyudalismo.

SAWIKAAN 2004: Tapsilog


ni Ruby Gamboa Alcantara

Sa pag-aaral ng wika, mayroong kalakaran ng pagbuo ng mga bagong salita na tinatawag na neologism. Ito iyong paglikha ng mga bagong salita o bagong kahulugan at gamit ng isang lumang salita at/o ekspresyon, o pagsasalin sa isang wika ng hiram na salitang walang eksaktong katumbas sa pagsasalinang wika. Pangangailangan ang pangunahing dahilan ng paglikhang ito ng mga salita.

Kadalasan, pinagtatambal ang dalawang salita upang makabuo ng isang bagong salita. Pinagsasama ang mga pantig ng dalawa o higit pang salita. Halimbawa: aso + kalye = askal; itlog + manok = itnok. O hindi kaya, nilalagyan ng bagong panlapi (unlapi o hulapi) ang salita upang makabuo ng bago at naiibang kahulugan. Halimbawa: Imeldific. Maaari rin itong malikha sa pamamagitan ng pagdadaglat o pagbuo ng akronim. Halimbawa: IUD (iyong inihaw na bituka ng manok).

Nagsisimula ang bagong likhang salita bilang pabalbal o slang hanggang sa maging popular sa pamamagitan ng mass media o bukambibig o pasalin-salin sa mga tao at tuluyan nang matanggap ng komunidad at maging bahagi na ng kultura nito. Kung hindi pumasok sa kultura ng wika ang neolohismo, maaaring natural itong mawala at maglaho na lang. Kung kayat ang pagtanggap ng madla o publiko ang pinakamahalagang dahilan upang manatili ito bilang bahagi ng wika. Sinasabing kapag luma na ang isang salita at hindi na “exciting” hindi na ito neolohismo. Bagama’t maaari ring dekada ang bilangin upang maging luma ito. Pagtanggap pa rin ang mahalaga kaysa panahon ng pag-iral ng salita. Tulad ng tinahak ng nilikhang salitang tapsilog.

Tapsilog = tapa (maliliit na piraso ng karneng baka na ibinabad sa suka’t toyo na may kasamang bawang at paminta) + sinangag (kaning lamig na niluto sa mantikang pinaglutuan ng tapa) + itlog (estrellado o sunny side up).

Isang popular at tunay na nakabubusog na almusal ang tapsilog na pinalaganap noong 1983 ng isang sidewalk restaurant, ang Sinangag Plaza sa Ermita Food Plaza sa Adriatico St., Malate. Unang ginamit ang pinagtambal na mga salitang tapa-sinangag-itlog para tukuyin ang bagong menung ito. Pero nahirapan ang mga tagasilbi (waitresses) noon dahil may kahabaang bigkasin ito kung kaya sa katagalan pinaikli na nila at naging tapsilog.

Ngayon, kilala ang Sinangag Plaza bilang Sinangag Pa Rin at patuloy pa ring nagtitinda ng tapsilog, kasama ang iba pang bagong kombinasyon na naimpluwensiyahan at binigyang-inspirasyon nito tulad ng tosilog (tocino +sinangag + itlog), longsilog (longganisa +sinangag + itlog), bangsilog (bangus + sinangag + itlog), dangsilog (danggit + sinangag + itlog), cornsilog (corned beef + sinangag + itlog), at iba pa.

Noong 1984, naghanap ang SM Food Court Management ng isang uri ng pagkain na masarap pero maibebenta rin nang mura sa mga restoran at iba pang uri ng kainan. Bunga ng paghahanap na ito, ipinanukala ni Mrs. Teresa Dula-Laurel, presidente ng Cater King Food Corporation, ang pagtitinda ng goto at lugaw na may kasamang tokwa’t baboy. Dito ipinanganak ang Goto King.

Dahil bago pa lamang ang konsepto ng Goto King, pinayagan lang itong maibenta sa isang kart sa loob ng SM Food Court Cubao. Pero nang mapatunayang bumenta nang malaki sa loob lamang ng isang taon, binigyan ito ng isang regular na puwesto sa SM Food Court Cubao at pinayagang magdagdag ng menu na pangmeryenda at pampalamig. Pinatunayan lamang nito na mayroon talagang lulugaran ang ganitong mga klaseng pagkaing Filipino sa mga fast food court. At upang samantalahin ang pagkakataong ito, nagbukas na rin ang Cater King ng mga sangay sa iba’t ibang food court sa mga mall na bukas sa loob ng 24 oras.

Kasabay ng pagpapalawak na ito ng mga kainan ang pagpapaunlad din ng menu. Dito nakasama ang tapsilog at nakilala bilang isa sa Pinoy Deli Meals, kasama ng altanghap (almusal + tanghalian + hapunan), makabayan, at almusarap (almusal + masarap).

Sa ngayon, kilalang-kilala na ang tapsilog hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga probinsiyang tulad ng Cavite, Batangas, Cebu, Davao, Cagayan de Oro, Lucena, Pampanga, at marami pang iba. Hindi kataka-taka kung laganap ito sa buong kapuluan dahil napakamura (makabibili na sa halagang P38.50 lamang o mababa pa), napakamasustansiya (may itlog at tapa para sa protina), at nakabubusog (mabigat dahil sa sinangag na may mantika at bawang) na pagkain ng karaniwang mamamayang Filipino. Nadala na rin ang tapsilog sa ibang bansa. Pangunahing menu ito sa Manila Grill na matatagpuan sa Mountain View, California at popular na popular sa mga Filipino roon dahil sa murang presyo ($4.00), tulad din ng ibang baryasyon nito—ang bangsilog, tosilog, longsilog, at ang bagong dagdag na adosilog (adobo), porksilog (pork/baboy), tuyosilog (tuyo).

Dito mapatutunayan na dinamiko ang ating wika. Malaki ang kakayahan nitong umangkop at makabuo ng bagong mga kombinasyong salita tulad ng napakapopular at madaling tandaang tapsilog. At dahil sa madaling tandaan, madaling orderin sa mga kainan. Kahit na goto ang pangunahing menu ng Goto King, mas rumampa ang tapsilog at inampon na rin ng mga restoran, karinderya, pondahan, kariton, kantina sa mga eskuwelahan, at iba pang kainan. Sa ngayon, 21 taon na ang tapsilog na nagsisilbi sa karaniwang empleado, estudyante, drayber, konduktor, janitor, tindera sa palengke, at kung sino-sino pa.

SAWIKAAN 2004: Datíng


ni Bienvenido Lumbera

Pagtatanghal Sa Salitang Datíng

Sisipiin ko ang ilang bahagi ng aking sanaysay na may pamagat na “Datíng”: Panimulang Muni sa Estetika ng Panitikang Filipino” na lumabas sa dyornal na Lagda (Blg. 1, 1999, pp. 33-42):

Sa ating paglilinaw sa estetika ng panitikang Filipino, may salita tayo na maaaring gawing susi sa pagbubukas ng talakayan tungkol sa mga sangkap ng estetikang nasabi. Iyon ay ang salitang datíng. Noon ay ugat ito na ang ibig sabihin ay ang kaganapan ng paglalakbay mula sa pinanggalingan tungo sa pupuntahan. Hindi pa kalaunan nagsimulang gamitin ang salita sa di-pormal na kumbersasyon upang tukuyin ang impresyong naiiwan sa isang tao ng pagmumukha, bihis, pananalita, at kilos ng isang indibidwal. Halimbawa, ‘Suplada ang datíng ng kaibigan mo.’ Pansinin na ang batayan ng pahayag ay mga larawan at tunog ng mga kongkretong bagay na pumasok sa kamalayan ng nagsasalita sa pamamagitan ng paningin at pandinig.

Kapag nahaharap tayo sa isang likhang-sining, sa ganyan ding paraan pumapasok sa ating kamalayan ang mga katangiang umaakit na magustuhan o ayawan natin ang trabaho ng manlilikha. Ang isang painting, tugtugin, o pagtatanghal ay dumarating sa audience na nakaabang, parang destinasyon sa isang paglalakbay, sa magaganap sa kamalayan nito. Ang kaganapan ng pagsapit ng likha, ang dating ng likha, ay tinutugon ng nagmamasid sa painting, nakikinig sa tugtugin, at nanonood ng pagtatanghal. Sa pagtugon sa dating ng likha, nagbibitiw ang audience ng pahayag ng pagkatuwa, pagkasiya o paghanga. Kapag sinuri natin ang relasyon ng audience at ng likhang dumating, simula iyon ng paglilinaw sa estetika ng nasabing likha.”

Palasak na salita ang datíng . Hinango ito sa kolokyal na kumbersasyon at binigyan ng natatanging kahulugan upang makatulong sa pagpapaliwanag sa bisa ng likhang-sining sa kamalayan ng indibidwal. Kailangang makahanap sa katutubong wika ng mga terminong maglilinaw sa estetika ng likhang-sining ng mga Filipino. Hangga’t hindi iyan nagagawa ng mga kritiko at teorista natin, mangyayaring ang mga pamantayang ipinansusukat sa likhang Filipino ay pamantayang nakalangkap sa mga hiram na dayuhang termino, at angkop lamang sa mga likhang dayuhan.

SAWIKAAN 2004: Fashionista


ni Jimmuel C. Naval

Fashionista Ka Ba o Fashionista Ka Lang?

Nakasampa ka na ba sa rampa? O para mas tiyak, rumampa ka na ba? Nakapanood ka na ba ng tumutulay sa catwalk o hanggang Catwalk sa kahabaan ng Quezon Avenue lang ang narating mo? Tagasunod ka ba ng Fashionista sa MTV sa Miami, Paris, at Rio sa Brazil, o hanggang Fashion Channel ka lang para panoorin ang mga posteng modelong halos wala nang damit? Ang mga ito ang daigdig ng mga fashionista.

Kilala mo ba ang magkapatid na Tutay at Tinay Ocampo na dating pakalat-kalat sa AS walk sa UP? Kamaganak ba nila ang mga Anonymous na sina Rico at Celina Ocampo? Isinusuot ba ninyo si Ben Chan, at ipinanggigimik ang mga abubot ni Jolina? Palo ba kayo sa mga siste’t pagiinarte nina Robby at Rissa Mananquil? Siyempre, sinong hindi makakikilala kina Tessa Prieto Valdez at Tim Yap ng Super B? FYI, sila ang mga fashionista.

Sino, Ano Paano, Saan, Bakit, Kailan ang Fashionista?

Walang nakaaalam kung paano at kailan eksaktong nagsimula ang kasaysayan ng pagbuo ng mga salitang katulad nito. Ngunit ang sigurado, may mga lumikha ng mga kakatwang tunog at nagkabit-kabit ng mga letra sabay humimay sa kung ano ang nais ipakahulugan sa mga ito.

Kung bibigyan ng pilosopikong pagsusuri ang salitang fashionista tulad ng iba pang salita, lalabas na arbitraryo ito, kumbensiyonal, at pangkulturang simbolo. Nalikha ito upang arbitraryong mailarawan ang isang kumbensiyong binuo o nabuo upang magsulong o/at magpasimula ng isang pangkulturang pagbabago. Gaya ng minsang nasabi ng kilalang pilosopo ng ika-20 siglo na si Ludwig Wittgenstein: “ang paggamit ng salitang tulad nito ay isang aktibidad na maaaring magpakita ng isang anyo ng buhay.” Ito ang nais tukuyin ng sandaling-suring ito—ang busisiin ang laro sa lengguwahe (language game) na makikita sa paggamit ng salitang fashionista.

Ang fashionista ay mula sa salitang ugat na fashion na ang ibig sabihin ay umiiral na uso o moda na maaaring sa pananamit, kultura, at kaugalian. Dinagdagan ito ng morfema español na ista para maging pang-uri, bagama’t tumutukoy rin itong tumukoy sa paglalarawan ng isang lalang o sa lalang mismo.

Ang salitang fashionista ay hindi na bago. Matagal na itong ginagamit at umiiral. Bukambibig na ito ni Pitoy Moreno noong 1967 nang una niyang nakita si Imelda Marcos sa isang piging na dinaluhan sa bakuran ni pangalawang pangulong Fernando Lopez sa Jaro, Iloilo. Nang sambutin ni Christian Espiritu ang responsabilidad na magdisenyo ng mga terno ni Ginang Marcos, ang salitang fashionista ay natabunan ng bagong salita noon na “Meldita” o mas kilala sa Oxford Dictionary na “Imeldific.”

Subalit ang fashionistang tinutukoy at sumulpot ngayon, una sa daigdig ng mga magdidisenyo, modista, at sastre; at ikalawa sa daigdig ng showbiz lalo na yaong nagmomodelo at rumarampa, ay unang narinig at ipinakalat sa labas ng bansa. Nagsimula bilang “Catwalk Fashionista,” una itong narinig sa mga gusali ng sentrong aliwan sa kabayanan ng Sao Paulo at Rio de Janeiro sa Brazil. (Marahil kung bakit binuntutan ng ista dahil narinig sa bansang nagsasalita ng Espanyol). Nang lumao’y tumawid ito sa France, Italy, at Germany. Noong kalagitnaan ng dekada 1990, pumirmi ito sa Berlin na itinuring na Fashionista Capital.

Sa Filipinas, muling dumating ang salita at kalakarang ito nang damputin nina VJ Donita Rose at Sarah Meir sa Fashionista MTV sa Amerika. Dulot marahil ng pagkaloka nila sa mga supermodel na sina Naomi Campbell at Cindy Crawford kaya ginawang pang-araw-araw na bokabularyo sa TV ang salita. Samantala sa mga fashion magazine, sina Tessa Prieto Valdez, Tim Yap, Talz Diaz, at Eric Ramos ng FHM ang may gawa kung bakit kumalat ang salita.

Madaling pumaloob sa daigdig ng showbiz ang salitang fashionista. Sa mga Gabi ng Parangal lamang ng iba’t ibang award giving body, bentang-benta na ang salitang fashionista. Kapag kakaiba ang tabas ng damit, kumbinasyon ng kulay, o kapag kapansin-pansin ang kabaduyan ng isang artistang dumalo, tatatakan ka agad ng “Tigbak Authority” ng Startalk sa GMA7 na “nag-iinarteng fashionista o pasaway na fashionista.” Ilan sa mga ito ay ang mga palaos nang nagmumurang kamyas na artista at mga naglalako ng sarili at talento na mga starlet.

Sa pagdaan ng panahon, ang salitang fashionista ay nanganak ng iba’t ibang kahulugan. Fashionista ka hindi lang dahil kakaiba kang mag-ayos na katulad ni Jolina Magdangal, kundi dahil nagtatakda ka ng kalakaran na minsa’y walang kaugnayan sa moda. Maaari ring humihiwalay sa kumbensiyon at nagpapakilala ng bago at kakaiba.

Halimbawa, matagal nang itinuring na fashionista ang bargas at pasaway na dating forward ng Chicago Bulls na si Dennis Rodman dahil sa pagko-cross dress nito tuwing gimikan sa Los Angeles kapag may laro sila sa Staple Center. Gayundin ang bandang Parokya ni Edgar nang magdaster sila sa isang gigs sa dating Club Dredd sa Cubao. Fashionista rin si Kris Aquino dahil sa lakas ng loob niyang aminin sa national television na may STD siya.

Ikaw, fashionista ka ba o fashionista lang? Sa wikang Filipino, uso at umiiral na moda ang pinakamalapit na salin nito. Kung gagawing pang-uri o itatawag na mismo sa isang tao, ano nga ba? Puwede bang usowista o modista?

Ang salitang fashionista ay nalikha upang arbitraryong mailarawan ang isang kumbensiyong binuo o nabuo upang magsulong o/at magpasimula ng isang pagbabagong pangkultura. Kaya ang dating fashionista nina Pitoy Moreno at Christian Espiritu ay kakaiba na sa fashionista nina Sarah Meir, Tessa Prieto Valdez, at Eric Ramos na kakaiba rin sa fashionista nina Boy Abunda, Billy Balbastro, at Lolit Solis sa daigdig ng pelikula. Kung ikokonsidera ang lawak at lawig ng pagpapakahulugan dito, maaari na ring ituring na fashionista sina Vim Nadera, Congressman Manuel ‘Way Kurat’ Zamora, Sen. Miriam Defensor Santiago, at Chairman Bayani Fernando. Kayo na ang humula kung bakit isang tipak sila ng mga “fashionista.”

SAWIKAAN 2004: Salbakuta


ni Abdon M. Balde, Jr.

Sa Kabikulan unang lumaganap ang salitang salbakuta na ayon sa matatanda ay ginagamit na noon pa mang panahon ng mga Espanyol.

Ang etimolohiya ng salita ay salvaje (Espanyol) na nangangahulugang mabangis, mailap, hindi sibilisado, taong-bundok at hijo de puta (Espanyol) na nangangahulugang anak ng puta, anak ng masamang babae, anak ng pampam, burikak, patutot, malgarit, atbp.

Ang salbakuta ay tahasang pagmumura na pinapurol ang pangil ng kalaswaan sa pamamagitan ng pagpapalit ng tunog ng ilang pantig upang kunwari ay magkaroon ng ibang kahulugan ngunit naroon pa rin—maaaninaw na tila nababalutan lamang ng manipis na saplot at mauulinig na pasaring—ang bigat at diin ng poot na ibig ipahatid ng nasubhang damdamin. Kaya ang salbaheng anak ng puta ay maaaring ipagkamali sa pagsalbar sa kuta, na nanggaling sa mga salitang salvar (Espanyol), pagligtas o pagtatanggol, at ng salitang kuta, na moog, tanggulan o muralya ang kahulugan.

Ang ganitong pagkukubli ng kalaswaan at kahalayan ng pagmumura ay laganap sa Bikol, lalo na sa mga lalawigan ng Sorsogon, Albay at sa Pook Rinconada ng Camarines Sur. Halimbawa ang iho de puta ay nagiging ihodepungal o simpleng dipungal na lamang. Sa Katagalogan man ang iho de puta ay minsan nagiging anak ng pusa, anak ng huweteng, anak ng pating at namputsa.

Sa Bikolnon ang salbakuta ay ginagamit sa maraming paraan:

1. Makaraw na aki, salbakuta! “Malikot na bata, salbakuta!” Maaari ring “Salbakuta kang bata ka, ang likot mo!”

2. Salbakuta! Matagas an payo! “Salbakuta! Matigas ang ulo!” Maririnig ang ganitong salita sa distrito ng Rinconada (mga bayan ng Iriga, Baao, Bato, Buhi), Camarines Sur, kung saan malimit ipakahulugang katigasan ng ulo ang salitang salbakuta.

3. Dai ko pighuna na salbakutahon mo ako!! “Hindi ko akalaing sasalbakutahin mo ako!” Babastusin ang ibig sabihin ng salbakuta sa ilang panig ng Camarines Sur.

4. Salbaheng ihodeputa! Salbakuta! “Salbaheng anak ng puta!” Ito ang pinakamalaswang pagmumura na maririnig sa Albay.

5. Salbahe! Sulpato! Salbatana! Salbakuta!

Ang salbatana ay sumpak. Ang sulpato ay sulfato (Espanyol) na galing sa sulfato de sosa (sodium sulfate) ngunit sa bulgar na Bikol ang totoong ibig sabihin ay sulpanit, na ang katumbas sa Katagalogan ay hindot o kantot. Ito’y mga salita ng pagkabigla o paunang bulalas sa paglalarawan ng isang hindi pangkaraniwang bagay o pangyayari—mabuti man o masama.

“Salbakutang orag mo pre!” Salbakutang galing mo, p’re!
“Salbakutang siram kan pinangat!” Salbakutang sarap ng pinangat!
“Salbakutang gayon kan babaye!” Salbakutang ganda ng babae!

Lumaganap ang katanyagan ng salitang salbakuta noong 1998 nang ito ay gamiting pangalan ng tatlong Bikolanong rapper o hip-hop artist na nagpasikat sa “S2PID LUV” at “Ayoko ng Ganitong Life.” Ang tatlo ay sina Bendeatha, Charlie Mac, at Mad Killah (Edwin Encarnacion) na binuo sa gabay at pamamahala ni Andrew E. sa ilalim ng Dongalo Wreckords, sa lungsod ng Parañaque.

Narito ang ilang bahagi ng S2PID LUV ng Salbakuta:

S2pid luv, ang ma in love ako sa ‘yo
kala ko’y pag-ibig mo ay tunay
pero hindi nag-tagal lumabas din ang tunay na kulay
ang iyong kilay laging mapagmataas at laging
namimintas pero sarili kong pera ang iyong
winawaldas para kang sphinx ugali mo’y napaka-stink
kung hiyain mo ‘ko talagang nakaka-shrink
girlie biddy bye bye don’t tell a lie
bakit mo ako laging dini-deny…

Marami ang hindi nagkagusto sa musika at pananalita ng Salbakuta. Narito ang ilang puna:

1. …kainis talaga iyong clip nila! Buti ipinakita iyon ng on-air…para malaman ng sambayanang pinas ang true meaning of the word JOLOGS. They are the perfect embodiment of the word. The group salbakuta and jologs are synonymous.”

2. The’re giving hip-hop a bad name. They took the worst aspects of the hip-hop culture and now they shamelessly flaunt their faults. I don’t think I’m alone in wishing that they be ravaged by a hungry pack of hyenas.

3. …sana mabasa ‘to ng SALBAKUTA o baka naman SALBATUTA? hehehe…JOLOGS talaga kayo! One hit wonder lang naman kayo! Bakit ang yabang yabang nyo…sana malaos kayo agad…MGA JOLOGS LAHAT NG TUMANGKILIK SA SALBATUTA!!! Este SALBAKUTA hehehehe!!!

Sa kabila ng mga pamimintas ay narito ang ilang positibong pahayag tungkol sa musikang likha ng Salbakuta:

1. You hear that stupidly brilliant song everywhere you go, in the malls and on jeepneys, haunting you like a bad refrain. Salbakuta have proven that they are everything but (stupid). Surprisingly, they have taken their success in stride and with much humility–values they obviously learned from the Dongalo community under the guidance of Andrew E. who has supported Pinoy rap for so long…

2. Sure there’s a lot of profanity here that merits a “parental guidance, explicit language” warning on the cover, but this only befits any hip-hop group worth their salt. The overall gangsta attitude that pervades “Ayoko ng Ganitong Life” may be more than just a pose, as Salbakuta’s members are said to have grown up in neo-ghetto neighborhoods in Metro Manila, so that they know whereof they rap.

Sa larangan ng musika o maging sa pang-araw-araw na usapan, ang salitang salbakuta ay mananatili at gagapang na tila isang uod sa madusing, malaswa, madilim at mababang panig ng kaisipan at antas ng buhay. Isinilang ito sa lusak ng kahirapan na kinalulubluban ng ating mga mamamayan mula pa noong panahon ng mga Kastila, nakipagtalad sa sungit at haplit ng nagbabago-bagong panahon at lipunan. Karuwagan, pagtalikod sa katotohanan at malubhang pagkukunwari sa buhay kung tatangkaing isantabi o burahin sa isip ang salbakuta.

Tanggapin na natin ang salbakuta na maging isang mahalagang salita ng ating wika, semilya ng kapariwaraan, at supling ng kahirapan. Kung uod man ito ay kupkupin at alagaan natin—katulad ng uod na nagpapaasim sa suka at nagbibigay sarap sa ating pagkain. Magiging isang mahalagang sangkap ito na magbibigay ng kakaibang lasa at kulay sa paglalarawan ng katangian ng tao at aspekto ng buhay.

Matagal nang laganap sa Kabikolan ang salbakuta, panahon nang kilalalanin natin ang salbakuta, at itanghal na Salita ng Taon!

SAWIKAAN 2004: Otso-otso


ni Rene O. Villanueva

Magtatapos ang taon 2003 nang sumikat ang kantang “Otso Otso” ni Bayani Agbayani. Pagpasok ng 2004, pambansang himig, pambansang galaw at pambansang bukambibig na ito. Bunga ng pag-imbulog ng kanta sa mass media, walang sawang sinabayan ang awit ng mga bata, matanda, babae, lalake, at iba pa, sa opisina, tahanan, at kalsada, habang yumuyugyog ang balikat at pinaaalon ang tiyan at gulugod nang nakatukod ang mga kamay sa magkabilang tuhod.

Ang anyayang “Tayo’y mag-otso-otso” ay tinugon ng balana ng “Otso-otso .. otso-otso pa!”

Bago nito, walang kahulugan ang salitang otso-otso; kahit ang bilang na otso ay hindi itinuturing na mahalaga, sa hanay man ng mga tradisyonal o moderno; kahit sa mga mapamahiin o sampalataya sa lotto. Walang natatanging taginting ang bilang na walo sa sinaunang mundo ng epiko at kuwentong-bayan. Hindi gaya ng numerong 1 (nangunguna, pinaka- ), 3 (karaniwang yugto ng buhay ng alinmang bagay), 7 (suwerte), 9 (pagbubuntis), o kahit ang sawimpalad na 13 (malas!). Maging sa kontemporanyong industriya at kalakalan, hindi rin mabigat ang bilang na walo. Pero lahat nang ito’y babaguhin at mababago ng kantang “Otso-otso.”

Nang maging pambansang bukambibig, naging tagpuan ang “otso-otso” ng maraming indibiwal at institusyon. Ang wika, kung susuysuyin ang prinsipyo ng heteroglossia ay hindi maaaring wika lamang ng indibidwal o iisa. Maririnig sa bawat salita ang wika at tinig ng marami, pati ang magkakasalungat at magkakatunggaling tinig.

Mapatutunayan ito ng salitang “otso-otso.” Sa unang dinig, wika ito ng propesyonal, ng isang indibidwal na may natatanging kakayahan. Wika ni Bayani Agbayani, isang popular na komedyante sa telebisyon, na siyang sumulat ng mga titik ng kanta. Bagaman ang komedyante ang sumulat ng titik ng kanta at nagpasikat ng awit sa mass media, hindi maituturing na wika lamang ni Bayani ang salitang ito. Katunayan, isa lamang si Bayani sa tinig na maririnig sa salitang “otso-otso.”

Wika rin ito ng pangmadlang komunikasyon, lalo ng radyo at telebisyon. Maririnig sa salitang ito ang alingawngaw ng maigting na network war ng dalawang higanteng estasyon ng telebisyon, ang ABS-CBN at ang GMA. Sapagkat ang kantang “Otso-otso” ni Bayani ay tugon ng Magandang Tanghali, Bayan ng ABS-CBN sa kantang “Ispagheting Pataas, Ispagheting Pababa” ng grupong Sexbomb mula sa Eat Bulaga! Ng GMA.

Wika rin ang “otso-otso” ng komersiyo at kulturang popular. Mula ang salita sa titik ng isa sa pinakamabentang kanta ng 2003. Hanggang sa kalagitnaan ng kasalukuyang taon, patuloy ang popularidad nito. Patuloy na isinasama ang kanta sa mga pirated album. Ayon sa pinakahuling ulat ng googles.com (July, 2004), marami ang patuloy na nagdadownload sa titik ng kanta at kabilang ito sa 50 most wanted lyrics. Walang dudang bahagi ng kulturang mainstream ang dati’y walang ibig sabihing “otso-otso.”

Dahil wika ng nakapangingibabaw na kultura, hindi maikakailang ang “otso-otso” ay bahagi ng bokabularyo ng kapangyarihan at estado, ng iilang nagtatakda kung ano, alin, at sino ang dapat ikubli at isantabi. Kung susuriin ang salitang “otso-otso” sa konteksto ng kanta, pansining ang kahulugan nito ay pag-eehersisyo. Mula sa pagiging pangngalang pamilang (otso-otso), ang salita ay naging pandiwa at pawatas (mag-otso-otso). Mag-ehersisyo bilang “pampatibay ng butong matamlay” sapagkat “ito ay pampahaba ng buhay.”

Kung tutuusin, kahit ang kahulugang ito ay ekstensiyon pa rin ng lumalalang network war. Ang “Ispagheting Pataas, Ispagheting Pababa” na naunang sumikat mula sa kalabang programa at estasyon ay sinasabing alusyon sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot, ang shabu na kapag ginamit ay kailangang pagulungin nang pataas at pababa.

Kaya ang pag-uutos o anyaya sa lahat (“ngipin man o wala”) na sumabay mag-otso-otso ay tinig ng kapangyarihang humahamon sa paglaganap ng droga sa bansa. Ngunit dahil ang wika ay may katangiang pangmaramihan, ang “otso-otso” ay wika rin ng mga ikinukubli at isinantabi, ng maraming tumatalima sa kapangyarihan at kailangang sumunod sa batas. Magiging malinaw ang ganitong punto kapag isinaalang-alang ang imbistasyon ng umaawit (na maaaring kumakatawan sa tinig ng kapangyarihan) at ang sagot ng koro (ng publikong tagasunod lamang). Sa anyayang “Tayo’y mag-otso-otso!” ang tugon ay “Otso-otso pa!”

Malikhain at may hibo ng subersiyon ang sagot na “otso-otso pa!” kung mahihiwatigan ng tagamasid/tagapakinig na sa mabilis, madulas, at malumay na bigkas sa unang pantig ng tugon, ang walang ibig sabihing “otso (pa)” ay nagkakaroon ng pailalim na kahulugan dahil ang naririnig ay selebrasyon ng isang sexual act (tsupa) o oral sex sa ari ng lalaki, na karaniwang hindi kabilang sa mga sex act na tinatanggap ng lipunan, estado at simbahan. Sa pamamagitan nito, nagkakatinig ang mga umid, ang mga pinatahimik, at isinantabi. At ang itinuring na bastos, dapat ikubli, hindi dapat pakinggan ay nalalantad. Hindi lamang nasasambit, ihinihiyaw pa!

Sa ganitong pagsasaalang-alang, nagiging tunay na wikang pambayan ang “otso-otso” na dati’y walang kahulugan ni kahalagahan sa kahit sino.

Kaya “otso-otso” ang dapat ituring na salita ng taon!

SAWIKAAN 2004: jologs


nina Alwin Aguirre at Michelle Ong

Noong dekada 1970, may isang salita na kinilala ng lahat bilang pang-uri ng lahat ng bagay na hindi nakaabot sa mga kinikilalang pamantayan ng kagandahan at kahusayan; iyong nagsikap pero kinapos, iyong nanggaya pero di nakuha, iyong inunawa ang mga pamantayang ito pero nagkamali pa rin—ang “bakya,” na noong dekada 1980 naman ay naging “baduy.”

“You’re so baduy” kapag masang-masa, kapag pelikula ni Nora, kapag malabo ang japorms, kapag ayaw kang payagan ng ermats na makitipar. Kapag baduy ka, mayroong isang bagay na hindi ka—burgis. Hindi sosyal, hindi mataas ang pinag-aralan, hindi pino, hindi mayaman, hindi maganda’t guwapo, hindi makapag-Ingles nang diretso. Pero dagdag pa, kapag hindi ka burgis, alam mo ang buhay at hinagpis ng nakararaming kababayan mong Filipino. Hindi ka burgis; hindi ka nagbubulagbulagan sa nangyayaring mga pang-aabuso ng makapangyarihan.

Bagama’t tinitignan ang baduy bilang kadikit ng pagiging mahirap at mahina, ito ay salitang nagdala ng kapangyarihan. Marami ang naipagmalaki na sila ay baduy, sila ay masa, at hindi burgis. Siguro kung mayroong nominasyon noon para sa “Salita ng Taon,” ito na ang tiyak na panalo.

Kaya’t ngayong 2004, isang salitang naiiba ngunit may katulad na kapangyarihan ang aming isinusulong bilang Salita ng Taon. Ang Bagong Baduy—ang jologs.

Sinasabing tumutukoy ang jologs sa fans ni Jolina Magdangal na epitome ng pagka-jologs. Parang buhok na ginawang krismas tri. May nagsasabing galing ito sa “tuyo at itlog,” na karaniwang ulam ng karaniwang mahihirap na Pinoy.

Nararapat lang na kilalanin sa kasaysayan ang salitang jologs. Ang jologs—binabaklas, binabangga, binubulabog ang nakagawiang mga dikotomiya ng mataas at mababa, ng maganda at pangit, ng sining at kulturang popular. Inaalis nito ang pananalig natin sa pagkakaroon ng absolutong kahulugan at kaayusan ng mga bagay-bagay. Sabay nito, tinutulay ng jologs ang magkabilang dulo ng mga dikotomiyang ito.

Jologs ba si Nora Aunor na nakatanggap na ng kung ilang ulit ng mga parangal para sa kanyang pag-arte? Hindi ba jologs sina Imee Marcos, Kris Aquino, Mikee Arroyo na mga anak-mayaman at politiko na nagkaroon ng mga (sawing) showbiz career? Ang maganda sa jologs, hindi mo alam kung maganda ba talaga ito o pangit. Ang masama, mainam nga ba ito o masama? May mga naiinsulto kapag tinatawag silang jologs, dahil nangangahulugan ito ng kawalan ng class at taste. Pero ganoon din, may mga taong tinatawag ang sarili na jologs at ipinagmamalaki ito, dahil nangangahulugan ng pagkakaroon ng panlasa at pagkilala para sa karanasan ng simple at karaniwang tao.

At tulad ng postmordernong chuvalu, ang jologs o jologyolismo, kung ito’y ituturing na isang diskurso, ay isang kakampi at kalaban. Maaaring magamit sa kasamaan at sa kabutihan. Kapangyarihang magwasak at lumikha, magbigay direksiyon o magdala sa wala. Keri ba ito o tsugi?

Ang salitang jologs ay may kapangyarihan na dapat kilalanin at purihin. Hindi lamang ito salita ng taon kundi potensiyal na kontra-diskurso ng kasalukuyang panahon. Kami, sampu ng iba pang mga jologs sa sangkalupaan, ay humihingi ng pagkilalang napapanahon na, at nanghihimok, nananawagan, para sa higit pang kapangyarihan: ALL JOLOGS UNITE!!!

SAWIKAAN 2004: Text


ni Sarah Raymundo

Maniniwala ka ba kung sasabihing text ang lahat ng nakikita mo ngayon at pati na rin ang hindi mo nakikita? Text ang nanay mo, mga kaibigan at kaaway mo, text ang lahat ng taong may koneksiyon man o walang koneksiyon sa iyo. Lahat ng edipisyong nakita mo sa tanang buhay mo, mga artistang pinanonood mo, mga kantang pinakikinggan o kinakanta mo mismo, mga kuwento at tsismis na naririnig at ipinapasa mo, text pa rin. Pati ikaw text. Text din ako na kasalukuyan mong binabasa. Text ang lipunan. Samakatwid, text ang buong mundo at lahat ng nasa ibabaw nito. Paanong nangyari ito?

Nagmula ang salitang text sa wikang Pranses na texte at sa wikang Latin na textus na tumutukoy sa tissue, estruktura at konteksto ng isang bagay. Habang ang pormang pandiwa nito na textere ay nangangahulugang maghabi, maghubog o magbuo. Sa teknikal namang paggamit ng salitang textus at texte, tumutukoy ito sa nilalaman ng anumang nailimbag at naisulat at ang porma ng anumang sinusulat o binibigkas.

Samakatwid, hindi lang tumutukoy ang salitang text sa lahat ng kahulugang bitbit ng mga salita, senyas at simbolo kundi pati rin sa proseso ng pagbubuo at paghahabi ng kahulugan para sa mga ito. Paano nga ba nagiging makabuluhan ang iyong engkuwentro sa mga bagay, lugar at tao? Hindi ba’t sa proseso rin ng paghahabi at pagbubuo ng mga kahulugan ukol sa mga ito? Kung gayon, bumubuo ka ng pagkakaunawa sa pamamagitan ng text.

Kumakatawan sa interbensiyon ng tao na lumikha ng saysay sa pangaraw-araw na buhay ang salitang text.

Sapagkat angkin natin ang kakanyahang maghabi ng kahulugan sa pamamagitan ng pakikisangkot sa buhay ng ibang tao sa lipunan, nagagawa nating makabuluhan ang ating karanasan. Nangangahulugan na sa ating pagdanas sa buhay, lagi’t lagi tayong nagbabasa ng sitwasyon, upang matantiya kung paano poposisyon. Sa pamamagitan ng interaksiyon, paulit-ulit na naisusulat sa aklat ng kasaysayan ng kolektibong memorya ang istorya ng text na walang iba kundi ang kuwento natin.

Kasabay ng pagkakatayo ng pormal na edukasyon ang paggamit sa salitang text. Ginagamit ito sa konteksto ng mga babasahin sa iba’t ibang asignatura. Ito ang katawan ng mga tinipong akda na pumopokus sa partikular na kaalaman. Noong unang bahagi naman ng dekada ’80, naging sikat na laro ang tex sa mga bata. Modernong bersiyon ito ng kara-krus. Sa halip na barya, maliliit na baraha ang gamit dito. Kadalasan, nakaguhit dito ang mga banyagang super hero at action star gaya nina Superman, Wonderwoman at Mr. T. May kaakibat na text na nagpapakita ng thought bubble o dialogue na hango sa ilang eksena sa kanilang mga pelikula. Inihahagis ang mga ito at ang maging kapareho ng master card ay magkakaroon ng takdang puntos. Ang interesante dito’y pati ang kahihinatnan ng master card ay hindi matitiyak dahil depende pa rin sa trajectory ng pagkakahagis.

Hindi ba’t ang praktika ng paggagap sa karanasan bilang resulta ng pamumuhay sa lipunan ay maiuugat sa kahulugan ng salitang text? Tulad ng larong tex, walang absolutong konstruksiyon o paghahabi ng kahulugan. Nasa proseso ng paghahabi ang lahat, nakikipagtunggalian ang lahat para sa kahulugan. Wala itong ipinagkaiba sa pagbabasa ng akademya sa mga nakalimbag na texto. Ang pagturing sa mga ito bilang text ay nangangahulugang pagkilala sa pagiging madulas ng kahulugan. Sa salitang text, nagsasanib ang pagbabasa at pagsusulat. sa parehong pagkakataon, naghahabi at lumilikha ng kahulugan ang tao ayon sa limitasyon at posibilidad na itinatakda ng lipunang kinapapalooban niya.

Mas matingkad ang ganitong kahulugan ng text sa kasalukuyan at pinakasikat na paggamit sa salitang text. Ang modernong teknolohiya na ito ay napapabalitang matagal nang ginagamit ng military. Samantala, sinimulan namang ikalakal ito sa merkado at kinonsumo ng mga may-kayang Filipino noong huling bahagi ng dekada ’90. Sa ngayon, hindi lamang ang mga mayayaman o mga propesyonal ang nagtetext. Maging ang kanilang mga anak at yaya nagtetext na rin. Sa kasalukuyan, maaari nang magkaroon ng load ang isang texter sa halagang limang piso. Sa katunayan maaari na siyang makakuha ng libreng load kung papasahan siya ng isa pang texter. Ang text ay pangngalan at pandiwa na nagsisignify ng komunikasyon at connectivity. Texter naman ang tawag sa taong gumagamit ng cellphone para magtext. Hinahamon nito ang nakagawiang porma ng interaksiyon. Kaiba ang text sa sulat o telegrama dahil mas mabilis ang sagutan dito. Iba rin ang text sa tawag dahil bukod sa mas mura at hindi kailangang sagutin agad, dumadaan ito sa proseso ng pagsusulat na may kaibang moda sa pormal na pagsusulat dahil pinapaikli at kung minsan, hindi na kailangan ang salita, puwede na ang smiley. Sa pagtetext, nawawala na ang mga katawan, bagaman sila’y nandiyan pa rin sa larangan ng realidad na virtual. Ano ang epekto ng ganitong fusion ng modernong teknolohiya sa pampublikong larangan at ang pribadong pagkokonstrak ng identidad at realidad sa pamamagitan ng paggamit ng sariling cellphone?

Maraming nagsasabi na napapabilis ng text ang pagpapakilos para iba’t ibang porma ng pamumuhay at pakikibaka. Mula sa pakikibaka laban sa korupsiyon, imperyalismo, pagtaas ng presyo ng langis, pakikibaka para sa mataas na budget, para sa pag-ibig at para sa sariling career. Kapag napapabilis ang karanasan at nalalampasan nito ang espasyo, nagiging matindi ang posiblidad ng meaning-making at life-altering moment sa buhay ng tao.

Ngayon, balikan nating ang tanong: Text nga ba ang lahat? Nagiging text lang ang lahat dahil sa aktibong pakikilahok natin sa pagbibigay kahulugan. Ang kapangyarihan ng salitang text ay nakasalalay sa kahulugan nito bilang paghahabi o pagbubuo ng tao ng mga kategorya upang maging posible ang buhay sa lipunan. Ang pagbubuo nating ito ay kinokondisyon din naman ng lipunan. Sa prosesong ito, maraming kalahok na nagtutunggalian upang tanghalin bilang tumpak na kahulugan. Mababatid na kinakatawan ng salitang text hindi lamang paghahabi ng kahulugan kundi ang pagiging madulas ng mga ito. Kung gayon, may radikal na potensiyal ang salitang text. Para sa lahat ng marginalisado, tulad mo, tulad ko, tulad ng nanay mo, ng ibang kaibigan at ibang kaaway mo, tulad ng lipunang Filipino, sa salitang text at lahat ng kinakatawan nito, nakakapa natin ang ating posisyon sa isang globalisadong mundo.

SAWIKAAN 2004: Kinse Anyos


ni Teo T. Antonio 

Naging kontrobersiyal ang ad copy ng Tanduay na “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” na nailabas noong Pebrero 2004. Mula sa wikang Espanyol ang mga salitang quince at añona pinagmulan ng kinse anyos. Sadyang nakatanim na sa bokabularyong Filipino ang pagbilang ng numero sa wika ng mananakop, mula sa pagbilang ng pera at maging ng edad. Madali tayong magkaunawaan sa panghihiram nating ito ng bokabularyo. Ngayon na lamang madalas gamitin ang pagbilang ng pera o edad sa wikang Ingles gaya ng “sweet sixteen.” Bukod pa, ang salitang “fifteen-thirty” na tumutukoy sa mga “ghost employee” ng gobyerno na sumasahod tuwing akinse at atrenta. 

Ang “Kinse anyos sa munting lupa” ay isang awiting naging napakapopular noong dekada singkuwenta.Tumatalakay ito sa sentensiya ng taong mabibilanggo kung sakaling menor-de-edad o wala pa sa hustong gulang ang nilapastangan. Gaya ng popular na biruan ngayon na, “Baka ka ma-Echagaray?” kapag may binibirong menor-de-edad.  

Ang kinse anyos noon na babae o lalaki ay wala pang karapatang makihalo sa usapan ng matatanda. Hindi pa hinog ang kaniyang karanasan at wala pa siyang sinasabi sa lipunang kanyang ginagalawan. Nagtatapos sa mababang paaralan ang mga bata sa edad na dose anyos at disisais anyos sa pagtatapos ng hay-iskul. Ang kinse anyos ay tinatawag na binatilyo kapag lalaki, dalaginding o dalagita kapag babae. Hindi pa sila ganap na binata o dalaga na binibigyan ng karapatang makilahok sa usapan ng matatanda at malayang makapagpasiya sa sarili. Kapag umabot na sila sa gulang na disiotso anyos ay puwede nang bumoto at tatawagin nang nasa legal na edad. 
Ang ginamit na ad copy ng Napoleon Brandy na “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” sa malaking tarpaulin o billboard ay naging mainit ang isyu. Nanguna ang kilusang Gabriela na ipagtanggol ang dangal ng kababaihan. Isa raw itong paglapastangan sa kawalang-malay ng kabataang babae na wala pa sa hustong gulang. Sa ilalim ng ating pamahalaang demokratiko, may karapatan ang lahat na tumuligsa o magtanggol sa inaakala nilang mali o tama.  

Sa daigdig ng advertising, ang pag-iisip ng “kinse anyos” ay tungkol sa edad ng iniimbak na alak. Ang kasabihan nga, “Aged wine is the best wine.” Kapag mas may edad ang inimbak na alak ay mas masarap ang lasa at suwabeng inumin. 

Kung ito’y inilapat sa isang produkto ng alak na—”Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?”—naglalayon naman itong mapanatili sa isipan ng mamimili ang produkto. Ito ang tinatawag nilang “recall.” 
Pero iba ang naging recall nito sa kilusan ng mga kababaihan. Ang tumimo sa kanilang isipan ay paglapastangan sa murang edad ng walang malay na batang babae. 

Matatandaan na buwan ng Pebrero nang uminit ang isyu sa ad copy na “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” Marso ang kasunod na buwan, ang Women’s Month. Tila pinagtiyap ng pagkakataon na ang advertising impact ng alak na naging kontrobersiyal ay nagbigay naman sa Kilusan ng Kababaihan ng media exposure. Magkasabay halos ang media mileage ng advertising” ng inendosong alak at ng Kilusan ng Kababaihan sa buwan ng Marso.  
Pero ayon sa isang babaeng sociologist, umunlad na ang pag-aadvertise ng alak. Kahit ginamit ang “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” ay wala naman itong anumang borloloy kundi mismong alak lamang. Di tulad noon na may seksing babae na naka-bathing suit o naka-bikini at bra at nakasakay sa kabayo. Tunay na ang paggamit ng sikat, seksing artistang babae ay bahagi ng advertising ng alak. Ngayo’y salita lamang ang kinasabitang kontrobersiyal pero nayanig ang daigdig ng advertising ng pakikidigma ng kilusan ng mga kababaihan. 
Ngunit nakaligtas sa kanilang pagsusuri na may mga advertisement sa telebisyon na tungkol sa isang produktong pampalakas ng katawan na ang endorser ay isang sikat na artistang seksi ang nagsabi, “Tatagal ka ba?” O kaya’y ang kapsulang nagbibigay bitamina sa sigla ng katawan na kausap na babae ang esposo na pagod sa trabaho at naguusap sila sa kuwarto, “Kaya mo pa ba?” Sasagot ang esposo, “Ako pa!”
Maraming kahulugang sexual o nakakakiliti sa isipan ang mga salitang ito. Pero ang recall ng mga ito’y hindi naging kontrobersiyal tulad ng “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” Maraming nakakakiliti sa isipan na advertisement na gaya ng panti, bra, panlinis ng ari ng babae, sanitary napkins na hindi na pinagkakaabalahang pansinin. Hindi na ito bastos. 

Kung hindi pinansin ang ad copy ay baka normal lamang ang benta ng alak. Pero mas nagtagumpay pa ang produkto ng alak dahil sa kontrobersiyal na copy at lalong dumami ang bumili ng alak. Kung sa iba’y nakakalapastangan ang recall ng advertisement, sa mamimili’y lalong matiim ito kaya malamang na bilhin, inumin, at lasapin nila ang alak na inimbak sa loob ng labinlimang taon o kinse anyos. 

Sa daigdig ng advertising, kapag higit na pinag-uusapan ang produkto, lalo itong nagiging mabili. Kahit naging matagumpay ang kampanya ng kilusan ng kababaihan, lumabas na naging matagumpay ang kompanya ng alak dahil lalong dumami ang benta ng kanilang produktong alak.Tunay na sa daigdig ng advertising na ginagamit ang malalaking billboard, publikasyon, radyo at telebisyon ay malakas ang kapangyarihan ng panghikayat sa madla.

SAWIKAAN 2004: Úkay-úkay


ni Delfin Tolentino, Jr.

Kasaysayan at Etimolohiya


Tinutukoy ng salitang ukay-ukay ang mga mga segundamanong damit na galing sa ibang bansa at ipinagbibili sa Filipinas sa napakamurang halaga (“Laging nakapustura si Grace pero alam mo ba na puro ukay-ukay ang suot niya?”). Tinutukoy rin nito ang mga tindahan o pamilihan na nagbebenta ng ganitong paninda (“Mabaliw-baliw si Dina noong mag-shopping kami sa ukay-ukay.”).

Pumasok ang ukay-ukay sa bokabularyo at kamalayan ng mga Filipino nitong nakaraang dekada. Ang kasaysayan ng ukay-ukay ay kasaysayan ng isang pambihirang pangyayari sa ating panahon, at kasaysayan itong malamang na maganap lamang sa isang lipunang hikahos.

Wala itong tiyak na simula. Ayon sa isang ulat, nagsimula ang ukay-ukay noong dekada sisenta sa Baguio at Cebu nang maisipan ng ilang may hilig sa negosyo ang pagbebenta ng mga segunda-manong damit na nakolekta ng mga Filipinong nagtatrabaho sa ibang bansa. Inipon ang mga damit na ito, ipinadala sa Filipinas, inilusot sa Customs nang walang taripa sapagkat hindi idineklarang paninda, at pagkatapos ay ipinagbili nang mura sa mga bahay-bahay at mga tiyangge.

Ngunit ang lalong popular na kuwento ay tungkol sa pagsilang ng ukay-ukay sa Baguio noong mga unang taon ng dekada nobenta, nang ipauwi ng mga domestic helper sa Hong Kong ang mga segunda-manong damit na nahingi o nabili nila roon upang ipagbili sa presyong baratilyo sa mga sidewalk ng Baguio. Pumatok nang husto ang ganitong munting negosyo hanggang sa pasukin ito ng mga propesyonal na negosyante. Hinalughog ng mga negosyante ang mga bodega ng mga Intsik sa Hong Kong at pinakyaw hindi lamang ang mga segunda-manong damit kundi pati na rin ang mga reject at product sample ng mga pabrika at ang mga lumang stock ng mga department store. Ang mga balikbayan box na pinaglalagyan ng mga lumang damit ay hinalinhan ng mga shipping crate. Sa kalaunan, nagsulputan ang mga tindahan ng mga imported ngunit napakamurang damit, at napatanyag ang Baguio bilang sentro ng negosyong ukay-ukay sa bansa. At sapagkat kumalat na ang balita na matubong negosyo ito, ngayon ay matatagpuan na ang ukayukay mula Batanes hanggang Jolo. Kaya hindi kataka-taka na lumikha ito ng sariling mitolohiya. Mayroong mga kuwento na ang mga ibinebentang damit sa ukay-ukay ay damit ng mga patay o maysakit. Ayon naman sa isa pang salaysay, ang mga damit na ito ay mga donasyon ng ibang bansa para sa mga biktima ng sakuna sa Filipinas.

Nagmula sa salitang Bisaya ang ukay-ukay na ang ibig sabihin ay maghalungkat sa mga damit na itinumpok sa mesa, itinambak sa kahon, o ikinalat sa nakalatag na sako. Konektado ang ukay-ukay sa salitang Tagalog na hukay. Sa unang yugto ng kasaysayan ng ukay-ukay, ganito ang itsura ng mga paninda: halo-halo, walang ayos, bunton-bunton. At parang naghahalukay ng lupa ang mga mamimiling naghahanap ng makukursunadahang damit. Kapag nakasumpong ng medyo natipuhang palda, polo, pantalon, o pajama, ilalabas ito nang husto at iwawagwag na parang bandera, upang siguruhin na wala itong punit, walang nawawalang butones, walang mantsa. Kaya ang ukay-ukay ay tinatawag ding wagwagan.

Mga Gamit ng Salita

Katulad ng maraming matagumpay na negosyo, pinasok ng ukay-ukay ang iba pang larangan. Mula sa sidewalk, ang ukay-ukay ay umusad sa mga regular na tindahan hanggang sa marating ang mga shopping complex. Sa Baguio, ngayon ay mistulang mall ang mga lumang gusaling nilusob ng ukayukay. At sa paglawak ng teritoryong sakop nito, ang negosyong ukay-ukay ay nag-diversify. Bagama’t segundamanong damit ang orihinal na tinutukoy ng ukay-ukay, ngayon ay tukoy na rin nito ang iba pang segunda-manong produkto na ibinebenta ng mga mag-uukay: lahat ng klase ng bag, stuffed toys at iba pang laruan, sapatos, tsinelas, sinturon, kumot, kobrekama at punda ng unan, mga gamit sa kusina, kurtina, baseball caps, Christmas décor, at pati bookmarks na galing sa Ehipto at Turkiya. Madalas, ang ekspedisyon sa ukay-ukay ay tila nagiging pagdalaw sa maalamat na Serendip: bumubulaga ang magagandang sorpresa. Sa graduation ng Unibersidad ng Pilipinas sa Baguio, kapag nagmartsa na ang kaguruan, mapapansin ang ilang guro na kakaiba ang suot na toga, sapagkat mga toga ito ng Princeton University o Concordia College na na-jackpot nila sa ukay-ukay.

Napakalaki ng potensiyal ng salitang ukay-ukay kaya natural lamang na lumawak pa ang kahulugan nito. Sa hanay ng mga sikat na fashion designer na tulad nina Rajo Laurel, ginagamit ngayon ang ukay-ukay para tukuyin ang “vintage fashion.” Dahil sa ukay-ukay, naging “in” ang mga lumang damit na ngayon ay nire-recycle at ginagamit sa paglikha ng mga makabagong kasuotan na kinatutuwaan ng mga fashionista.

Dahil sa koneksiyon nito sa mga bagay na luma o gamit na, ang ukay-ukay ay nagamit na rin bilang katumbas ng “archive,” tulad halimbawa ng paggamit ng UP Film Institute sa salitang ito para tukuyin ang archive ng sineng Filipino na dapat halukayin upang mahanap ang mga lumang pelikula na nabaon na sa limot.

Kahit sa internet ay mayroon na ring ukay-ukay. May isang masuwerte at kilalang dot com na naging matagumpay dahil sa estratehiya nito: naghahanap ito ng mga imbentaryo ng mga “patay” nang dot com, pinapakyaw ang mga ito sa mababang halaga, at pagkatapos ay muling ipinagbibili nang mura. Ngunit mura man ipagbili ay pinagtubuan na nang malaki. Ayon sa ilang estratehista ng Ayala Corp., ito ang “pilosopiyang ukay-ukay.” Isa pa itong gamit ngayon ng ukay-ukay.

Kaugnay pa rin ng computer technology, at dahil naman sa koneksiyon ng ukay-ukay sa mababang presyo na kayang abutin kahit ng mga taong wala namang kaya, kamakailan ay nanawagan ang isang computer specialist na sana ay maglabas ang Microsoft ng isang operating system na makakayang bilhin ng mga tao sa isang mahirap na bansang tulad ng Filipinas. Ito ang tatawaging “ukay-ukay edition” ng Microsoft OS.

May iba pang gamit ang salitang ukay-ukay. Noong nagkakagulo sa Kongreso dahil sa pagpoposisyon ng mga politiko na naghahangad na makuha ang ganito o ganoong komite, nakiusap si Cong. Rodolfo Plaza ng Agusan del Sur sa kaniyang mga katoto: “Huwag natin itong gawing subasta, o ukay-ukay ng mga posisyon sa Kongreso!” Maaaring katawa-tawa ang ilang gamit ng salitang ukay-ukay, ngunit maaari rin itong makabagbag ng damdamin. Ayon sa isang ulat sa diyaryo, ikinumpisal ng isang batang ilang taon nang naninirahan sa lansangan na ang mga batang kalye na tulad niya ay nagnanakaw at kung minsan ay namamalimos para mabuhay. At naghahalungkat din sila ng pagkain sa mga basurahan. Ukay-ukay ang tawag nila sa kanilang mga pagkain na galing sa basura ng Jolibee, McDonald, at iba pang fastfood restaurant.

Ang Ukay-Ukay Bilang Salita ng Ating Panahon

Kinakatawan ng salitang ukay-ukay ang kultura at lipunang Filipino sa kontemporanyong panahon. Nakapaloob dito ang larawan ng isang mahirap na bansa na tambakan ng basura ng mga nakaririwasang bansa. Nakapaloob din dito ang larawan ng maabilidad  na Filipino na nakikita ang kayamanan sa basura ng iba. Demokratiko ang ukay-ukay. Sa pamamagitan nito, nakakaya ng mahihirap na bumili ng damit. Samantala, ang mga Filipinong sunod sa moda ngunit manipis ang bulsa ay nakapagsusuot ng mga Yves Saint Laurent o Oscar de la Renta nang hindi kailangang ipagbili ang kaluluwa. Sabi nga ng isang peryodista: “Kilala daw ang Filipino sa pagiging ‘wais’. Sa lahat ng bagay maging sa pansariling gamit ay pangunahing layunin ng Pinoy ang makatipid. Ngunit sa kabila ng kagustuhang makatipid ay mahilig din sa imported at signature na kasuotan ang Pinoy. Ang magkataliwas na hilig ay nabigyang solusyon sa pamamagitan ng ukay-ukay.”

Noong una, marami ang ayaw na masabing parokyano ng ukay-ukay. Nahihiya sila. Ngunit ngayon ay makakasalubong sa mga sentro ng ukay-ukay ang lahat ng klase ng tao, mula sa mahihirap hanggang sa mga sosyal. Senyas ito ng panahon ng kagipitan. Apektado ng krisis ang lahat.

Sinususugan din ng ukay-ukay ang ugali ng maraming Filipino na sa ganitong panahon ng kagipitan ay umaasa na lang sa pagdating ng suwerte, sa hulog ng langit: kaya hinahalukay ng mga parokyano ng ukay-ukay hindi lamang ang mga bunton ng damit kundi pati na rin ang mga bulsa ng mga nabili nilang damit sa pag-asang matatagpuan dito ang ilang dolyar na nakasingit, o alahas na nakalimutang alisin ng dating may-ari.

Tunay ngang naging bahagi na ng buhay-Filipino sa ating panahon ang ukay-ukay. Ibinandera na ito sa isang eksibit ng mga likhang-sining sa isang gallery sa Maynila. Ang kaisipang ukay-ukay ang baka rin makapagpaliwanag kung bakit naging isa sa  pinakaimportanteng klase ng kontemporanyong sining sa Filipinas ang mixed media na gumagamit ng mga found object—mga lumang bagay o basura na napulot sa kung saan.

Itinanghal na rin sa pelikula ang ukay-ukay. Sa “Annie B, Bida ng Ukay-Ukay, Bongga S’ya Day,” tampok si Jolina Magdangal bilang ukay-ukay vendor na mahilig mag-goodtime sa gabi. Ang tindera ng ukay-ukay ang tumatayo ngayon bilang Annie Batungbakal ng kasalukuyan, isang bagong arketipo para sa bagong milenyo.

Maging sa larangan ng karunungan ay naroon din ang ukay-ukay. Ang pangunahing bilihan ng libro ngayon sa Filipinas ay hindi na ang mga mega-bookstores kundi ang maliliit at masisikip na Booksale outlet sa iba’t ibang parte ng bansa na nagtitinda ng mga segunda-manong libro mula sa Amerika. Ang Booksale ang ukay-ukay ng mga intelektuwal at mambabasang Filipino.

At ilan sa atin ang may alam na pinapaksa na rin angukay-ukay sa mga international conference at tinatalakay sa mga refereed journal? “‘Ukay-ukay’ chic: Tales of fashion and trade in second-hand clothing in the Philippine Cordillera” ang pamagat ng isang seryosong pag-aaral na ginawa ng isang antropologong taga-Canada.

Talaga namang laganap na ang ukay-ukay sa lipunang Filipino. Hindi na mabilang ang mga bahay na nagmistulang tahanang ukay-ukay sapagkat galing sa ukay-ukay ang halos lahat ng gamit, mula sa bedsheet na ikinukumot sa katawan hanggang sa mantel na itinatakip sa hapag-kainan.

At malapit na ring lusubin ng ukay-ukay ang larangang espiritwal. Sa labas ng bantog na simbahan ng Birhen ng Manaoag sa Pangasinan, sumisingit na sa hanay ng mga  tindera ng kandilang pang-alay sa birhen ang mga ukayukay vendor na lumalapit sa Diyos.

SAWIKAAN 2004: Mga Kalahok


Alwin Aguirre at Michelle Ong. Guro ng Panitikan at Kulturang Popular sa UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas si Alwin Aguirre. Nagsusulat siya ng maikling kuwento, science fiction, bukod sa gumagawa ng maiikling pelikula. Guro sa UP Departamento ng Sikolohiya si Michelle Ong. Isa rin siyang research fellow sa UP Center for Integrative and Development Studies. Katatapos lang ng kanyang MA, at ang kanyang tesis ay tungkol sa pag-iimahen sa katawan ng mga Filipina.

Ruby Alcantara. Full Professor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas si Ruby Gamboa Alcantara.. Kasalukuyan siyang Deputy Director ng UP Institute of Creative Writing. Autor siya ng Diksiyonaryong Hiligaynon-Filipino na nagwagi ng National Book Award.

Teo T. Antonio. Kabilang sa mga pangunahing makata ng bansa at maraming beses nang nagwagi sa mga pambansang patimpalak sa panitikan. Nakapaglathala na siya ng sampung aklat ng tula kabilang na ang tulang epiko na Piping Dilat na nagwagi ng Centennial Literary Prize noong 1998.

Abdon M. Balde, Jr. Bikolanong inhinyero at ngayo’y sumisikat na kuwentista. Nagwagi sa Gawad Palanca ang kaniyang maikling kuwentong Supay; at ang kaniyang pangatlong aklat na Mayong ay ginawaran ng 2003 National Book Award.

Romulo P. Baquiran, Jr. Guro ng Malikhaing Pagsulat sa U.P. Department of Filipino si Romulo P. Baquiran, Jr. Nakalapaglabas na ng dalawang libro ng tula—Mga Tula ng Paglusong at Onyx. Nagwagi sa 2003 National Book Award ang ikalawa. Kasapi ng LIRA at Oragon Poets’ Circle.

Randy David. Full Professor sa UP Departamento ng Sosyolohiya. Kolumnista sa Philippine Daily Inquirer. Magkasunod na nalathala ang kaniyang premyadong mga aklat na Reflections in Sociology and Philippine Society (2001) at Nation, Self, and Citizenship: An Invitation to Philippine Sociology (2002).

Rene Boy Facunla (Ate Glow).  Kilalang-kilala bilang Ate Glow sa komedyang pantelebisyon. Seryosong mag-aaral  ng BA Malikhaing Pagsulat ng U.P. Kolehiyo ng Arte at Literatura.

Bienvenido Lumbera. Kilalang guro, kritiko, librettist, at iskolar. Noong 1993, pinagkalooban siya ng Ramon Magsaysay Award for Jounalism, Literature, and Creative Communication Arts. Kailan lamang ay nagwagi ng National Book Award ang kaniyang Sa Sariling Bayan, isang koleksiyon ng mga dulang musikal.

Jimmuel Naval.  Kasalukuyang Associate Dean for Research and Publications ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, UP Diliman. Premyadong mangangatha at mananaysay, isa rin siya sa mga unang nagwagi ng Writers Prize na iginawad ng NCCA sa mahuhusay na manunulat.

Leuterio Nicolas. Isang accountant, libangan ni Boy Nicolas ang pag-aalaga ng honeybee. Una siyang nagsulat ng mga iskrip sa komiks bago ng mga maiikling kuwento at mga lathalain. Ang isang akda niya ay nagkamit ng Second Prize sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.

Sarah Raymundo. Nagtuturo ng kulturang popular sa Departamento ng Sosyolohiya sa UP Diliman. Siya ay kasalukuyang Sekretaryo-Heneral ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy o CONTEND.

Delfin Tolentino. Dekano ng Kolehiyo ng Sining at Komunikasyon ng UP Baguio. Kilalang iskolar at manunulat, nagtuturo siya ng comparative literature, at nakatuon ang mga saliksik sa panitikan, kasaysayan, at kulturang materyal ng Cordillera. Siya po ay si Prop. Delfin Tolentino.

Roland Tolentino. Kasaluyang direktor ng U.P. Film Institute at propeso sa Department of Film and Audiovisual Communication ng UP College of Mass Communications si Dr. Roland B. Tolentino. Isa siya sa pinakaprolipikong mananaliksik at manunulat sa mga larang ng malikhaing pagsulat, kulturang popular, kritisismong pampelikula, araling pang-media, at araling pangkultura.

Rene Villanueva. Isang pangunahin at premyadong mandudula, manunulat ng panitikang pambata, at mananaysay si Rene O. Villanueva. Isa siya sa iilang manunulat na nagawaran ng Hall of Fame Award ng Gawad Palanca at kinilala rin bilang Ten Outstanding Young Persons of the World noong 1993.

Sapagkat Buháy ang Wikang Filipino


ni Virgilio S. Almario
(Bahagi ng Aklat ng Sawikaan 2004: Mga Salita ng Taon)

IBANG-IBA na ang wikang Filipino ngayon sa Pilipino noong kabataan ko at lalo na sa pinagbatayan nitong Tagalog nina Balagtas at Lope K. Santos. May bago na halimbawang alpabeto ang Filipino na ibang-iba sa baybayin at sa ipinalit na alpabetong romanisado ng mga Espanyol at kahit sa abakadang pinalaganap noong panahon ng Komonwelt. May mga panlapi ngayong gaya ng nakaka- at n-i sa “nakakatakot” at “nilalaman” na igigiit ng mga mambabalarila na dapat isulat na “nakatatakot” at “linalaman.” May mga lumang salita na nagbago ang bigkas, gaya ng “balatkayo” na mabilis ang bigkas sa Florante at Laura ngunit maragsa ang bigkas sa pag-awit ni Anthony Castelo. May mga salitang tulad ng “kaagulo” na higit na maiintindihan kung sasabihin mong “kerida” o “kabit.”

Isang buháy na wika ang Filipino kaya’t hindi dapat ipagtaka ang anumang pagbabago nito sa tunog, ispeling, balangkas ng pangungusap, at iba pang aspektong panlingguwistika. Kapansin-pansin ito sa larangan ng bokabularyo. Totoo na marami na tayong nalimot at hindi ginagamit sa bokabularyo ng panahon ni Balagtas. Subalit higit na maraming salitang likha at hiram na napalahok sa nakaraan lamang sandaang taon ng Tagalog at Filipino. Sa pamamagitan ng mga likha at hiram na ito yumayaman ang bokabularyo ng wikang Filipino.

May mapapansin ding pangunahing paraan ng pagpapayaman sa talasalitaan ng ating wika sa pana-panahon.

Noong panahon ng Espanyol, pinayaman ng kolonyalismo ang maraming katutubong wika sa Filipinas sa pamamagitan ng pagpapahiram ng daan-daang salita kaugnay ng idinulot na karanasang kolonyalista. Sa Tagalog, napakatiim ang timo ng Kristiyanismo at pagkaing dala ng mga Espanyol gaya halos isakatutubo ng mga Tagalog ang bigkas sa mga salitang tulad ng “kandila,” “pari,” “kampana,” “kusina,” “bintana,” at “toma.” May mga salitang halos mahirap nang bakasin ang orihinal na anyo ng hiniram, tulad sa “komang” na mula sa manco, “pader” na mula sa pared, at “silahis” na mula sa maramihang anyo ng celaje.

Ang problema, lubhang na-Espanyol ang ating dila kaya higit pa nating ginagamit ngayon ang “mas” at “pero” kaysa katutubo nating “higit” at “ngunit” o “subalit.” Kahit ang pagmumura natin ay na-Espanyol. Matimpi siyang nakasasambit pa ng “Lintik!” o “Naku!” Higit na mabilis lumalabas sa ating bibig kapag nagulat, nabigla, at lalo na kapag nagalit ang matunog na “Puta!” o ang binantuang “Putris!”

 Napakahirap humanap ng salita na nalikha sa panahon ng Espanyol bilang sagot sa bagong pangangailangan ng mamamayan noon. Pinakaorihinal nang halimbawa ang “kundiman” bilang pangalan sa awit na nalikha at naging popular nitong ika-19 siglo mula sa pagsasanib ng himig Espanyol at damdaming Filipino. Nitong lumaganap ang damdaming mapagpalaya, lumitaw ang salitang “laya” at mga anyo nitong “malaya” at “kalayaan” bilang likhang pantapat sa Espanyol na libertad. Sa aking saliksik, unang lumitaw sa palimbag na paraan ang salitang ito sa salin ni Marcelo H. del Pilar ng “Amor Patrio” ni Rizal na nalathala sa Diariong Tagalog. Pagkaraan, ginamit ito at naging susing salita sa hanay ng mga Katipunero.

PAGDATING NG ika-20 siglo, higit na nagumon ang mga Tagalista sa paglikha kaysa panghihiram. Nanghiram pa rin ang bayan ng “pulis,” “istambay,” at “bulakbol” mulang Ingles. Subalit ang mga taliba ng wikang pambansa ay nagpaligsahan sa paglikha ng mga neolohismo na gaya ng “bantayog,” “katarungan,” “tatsulok,” “lathalain,” at “banyuhay.” Pinakamalaki’t pinakamatagumpay na proyekto sa gawaing ito ang “balarila” ni Lope K. Santos na nagpasok sa ating wika ng isang buong sistema ng karunungan na halos bumura sa alaala ng laganap na noong gramatika sa Espanyol.

Kung hindi lumilikha, binubuhay ng mga Tagalista ang mga lumang salita at nilalagyan ng bagong kahulugan. Ito ang naganap sa “sining,” “moog,” at “dagitab.” O kaya’y upang muling ipagpangaralan ang katutubong yaman ng sariling wika sa pagpapahayag ng mga dalumat na gaya ng “haraya,” “tayutay,” at “agham.” At kung manghiram man ay higit na makiling sila sa pagpapayaman mula sa ibang katutubong wika ng bansa, gaya sa nabanggit nang “katarungan,” sa “lungsod” at “bansa.”

Tinudyo ng mga kaaway ng wika ang naturang hilig sa pagtuklas at pagtitiwala sa katutubong wika. Pinakamaanghang na tudyo ang ambag ni Senador Francisco “Soc” Rodrigo na “salumpuwit” at “salunsuso” bilang panumbas diumano sa “silya” at “bra.” Nitong dekada 1970, mabubuo ang ganitong uyam at tuligsa tungo sa atake laban sa “purismo” at siya diumanong tinatangkilik na uri ng wikang pambansa sa Surian ng Wikang Pambansa. Napasubo ang Surian sa isang mahabang usaping pangwika at dito pumasok ang iba’t ibang panukala ng inhenyeriyang pangwika na naglundo sa pagbago ng pangalan ng wikang pambansa mula sa “Pilipino” tungo sa “Filipino.” Naipit sa usaping ito ang matagal nang nilulutong “wikang maugnayin” ni Gonzalo del Rosario at nasayang ang eksperimento sa wikang pang-agham at teknolohiya ng National Science Development Board at ng Araneta University. Nanaig ang kilusang “anti-purismo” na may iba’t iba ring mungkahing paraan ng pagpapayaman sa bagong wikang “Filipino.” Natatangi sa mga ito ang eksperimento sa wikang balbal at kolokyal ng Taliba, pangunahing peryodiko noon sa wikang pambansa at kapatid ng malaganap na Manila Times, ang haluhalong pangwika ni Geruncio Lacuesta, at ang Filipino batay sa language universals kuno ni Dr. Ernesto Constantino.

Sa aking pananaw, sinupil ng kilusang “anti-purismo” ang labis na hilig sa paglikha upang payamanin ang wikang pambansa. Dumalang pa sa patak ng ulan ang mga opisyal na neolohismong gaya ng “balikbayan” at “batasang pambansa.” Dumako naman ngayon ang mga akademistang pasimuno ng Filipino sa lansakang panghihiram mulang Ingles at sapilitang pagpapalaganap ng mga ito sa anyong alinsunod sa ating katutubong palabaybayan. Ibig nitong burahin kahit ang leksikon ng balarila upang ipalit ang “nawn,” “sentens,” at iba pang hiram sa Ingles. Sa U.P., may mga titser na ayaw ng “patakaran” dahil mas gusto ang “polisiya” at “palisi”; ayaw ng “agham panlipunan” kaya ipinilit na pangalan ng kolehiyo ang “sosyal sayans”; ayaw ng matagal nang likhang “sinupan” at marahil ng Espanyol na “artsibo” kaya’t “arkayb” ang nasa karatula ng kanilang silid na alay kay Cecilio Lopez.

ANG MAGANDA, habang nagbabangayan ang mga akademista sa ispeling ng mga hiram na salita mula sa wikang banyaga ay hindi nabibimbin ang pagyaman ng bokabularyong Filipino. Ang bayan mismo ang nagsasagawa ng paglikha, paghiram, pagbuhay sa lumang salita, o pagbaluktot sa pormal na salita. At ito naman ang dapat mangyari. Hindi natin dapat kalimutan na ang wika ay kasangkapan para sa lahat ng mamamayang gumagamit nito. Sinasalita ng mamamayan ang wika para sa iba’t ibang layuning pangkomunikasyon Dahil dito, nagbabago ang wika alinsunod sa pangangailangan ng mga nagsasalita nito. Dili kaya, binabago ng mga mamamayan ang wika nang hindi nila namamalayan o kahit wala sa kanilang isip ang layuning baguhin ito. Malimit nga na pumapasok ang isang salita sa bokabularyo ng bayan nang hindi nila napapansin ang nagaganap na pagbabago sa kanilang wika.

Noon pa man, kahit ang mga musmos ay lumilikha ng mga salita para sa kanilang paglalaro. Sila lamang ang makaiimbento ng “pen-pen de sarapen” at “tong-tong pakitong-kitong” na sila lamang din ang nakaaalam kung ano ang ibig sabihin. Aliwan lamang para sa kanila ang paglasap sa mga tunog ng titik at pantig ngunit mahalaga ang naturang pag-aaliw sa pagkalikha ng maraming tinatawag nating onomatopeya: “aliw-iw” ng batis, “alit-it” ng siit ng kawayan, “pagaspas” ng hangin o bagwis, “lagaslas” ng talon, at nitong makabagong panahon, “harurot” ng kotse.

Gayunman, ang mga tin-edyer ang tunay at seryoso sa paglikha ng bagong bokabularyo. Hindi lamang nila gustong maglaro kapag umiimbento ng sarili nilang jargon. Nais nilang maging tatak ng kanilang barkada o henerasyon ang naiiba nilang paraan ng pagsasalita. Ang isang leksiyon nga sa lingguwistika ay ganito: Tumatatag ang isang sistema ng paggamit sa isang wika upang maging parang opisyal na wika ng isang tumandang henerasyon at upang tangkain namang baguhin at wasakin ng sumusunod na henerasyon. Waring bahagi mismo ng generation gap ang magkaibang paraan at pagpapakahulugan sa wika ng katandaan at ng kabataan.

Dahil sa kanilang saloobing rebelde, natitiyak kong mga kabataan lamang ang panggagalingan ng mga binaligtad na bokabularyo. At mukhang makikipagtagalan sa panahon ang ilan, gaya ng “astig” (tigas), “erpat” at “ermat” (father at mother), “datan” (matanda), at “tsekot”(kotse). May tatak din ng barkada ang iba’t ibang naging popular na paraan ng pagputol sa mga salita at paglalagay ng isang paboritong pantig. Halimbawa, “syota” (bata), “syoke” (may kike?), at “syobi” (bisyo) na maaaring inspirado ng syomai at syopaw sa pansiterya ng Chinatown. O kaya ang “dyakul” (cool?), “dyoga” (magang-maga o nakakadaga?), at “dyinggel” (jingle) na maaaring bahagi ng paglalaro sa Tinagalog na anyo ng “dyip” at “dyutay.”

Kailangan ang masusi at matiyagang paghimay sa mga naturang salitang balbal upang matuklas ang sistema sa likod ng mga naturang kodigo ng kabataan.

Gaya rin ng pangyayaring mahirap mahulaan ang paraan ng pag-imbento sa tinatawag ngayong “swardspeak” (wikang bakla). Sa tingin ko, bukod sa kabataan, pinakamasigla ngayong sektor ang mga bakla sa paglikha ng sariling kodigo. Mabilis ding kumakalat ang kanilang imbensiyon dahil sa impluwensiya nila sa mass media. Ang tawag nila mismo sa kanilang sarili ay nagkaroon na ng mga transpormasyon, mula sa “badaf” (babae dapat) na naging “bading” hanggang “muher” (mujer) at “swarding.” Hindi rin maikakait ang halina ng kanilang makulay na lengguwahe, gaya ng “imbiyerna” na malayo sa orihinal na invierna ng mga Espanyol o ng “tsugi” na hindi mo malaman kung halaw sa Niponggo o Tibetan.

Ang mass media mismo ay nag-aambag ng bagong salita at malimit na dahil sa mababaw na kaalaman sa wikang ginagamit. Pinakapopular na halimbawa ng ganitong katangahan ang “kaganapan” na mahirap nang alisin kahit sa dila ng mga kagalang-galang na Brodkaster Noli de Castro at Joe Taruc. Hndi naman nahuhuli sa ganitong kamangmangan ang ilang akademistang nais mag-Espanyol ngunit mahirap usisain kung saan nila napulot na diksiyonaryo ang “aspeto,” “imahe,” “pesante” (para sa magsasaka), at “kontemporaryo.”

Gayunman, kahit ang mga nabanggit na aberasyon at ang tinatawag kong salitang “siyokoy” ay bahagi ng masaya at masiglang paggamit ngayon sa wikang Filipino. Hindi mapipigil kahit ng Komisyon sa Wikang Filipino ang magiging iba’t ibang paraan ng paggamit ng sambayanan sa kanilang wikang pambansa. Wika nila ito kaya’t nasa kanila kapangyarihan upang hubugin ito alinsunod sa kanilang hilig at pangangailangan. Hindi rin wasto na ituring ang nalilikha ng bayan na bulgar at may mababang uri, lalo na’t kapag ikinompara sa isinasagawa diumanong “intelektuwalisasyon” ng mga akademista sa wikang Filipino. Walang silbi ang anumang pagsisikap tungo sa “pagtataas” ng nilalaman ng wikang Filipino kung hindi ito gagamitin ng bayan–lalo na’t mapagkuro nila na walang kaugnayan sa kanilang buhay at hindi nila kailangan. Tulad ng “japayuki” noong dekada 1980 at ng“kudeta” nitong panahon ni Cory, tumitimo sa isip ng taumbayan ang “otso-otso” at “ukay-ukay” hindi lamang dahil makulay ang anyo kundi dahil may matalik itong kaugnayan sa kanilang kasalukuyang karanasan. May nasasaling itong malalim at maselang pilas ng kanilang damdamin at gunita. Sabihin mang baduy o tahasang baboy, wika ito ng kanilang tunay na buhay at higit nilang tatangkilikin kaysa mga “pragmatiks” at “sayantipik perspertiv” sa hindi nila kailanman maisasapusong wika ng mga “fild resertser” at “akademiks.”

Kailangang magkatagpo ang eksperimento sa akademya at ang malikhaing gawain sa wika ng sambayanan. Magaganap lamang ito kapag natutong magsalita ang mga intelektuwal at propesyonal sa wika ng bayan. Ibig sabihin, naipaloob ng mga tagaakademya ang kanilang banyagang kaalaman sa daigdig ng karunungan ng karaniwang taumbayan. Naging bahagi ng karanasan ng bayan ang ngayo’y nasa mga makapal at mahirap basahing aklat. At magaganap din lamang ang pagtatagpong iyon kapag nagbago mismo ang buhay ng taumbayan. Halimbawa, kapag umigpaw ang kabuhayang bansa mula sa kumunoy ng “otso-otso,” “ukay-ukay,” at “ofw.’ Kapag luminis ang lipunan at nawala ang “kotong,” “kurakot,” “trapo,” “pork barrel,” at “dagdag-bawas.” Kapag... kapag... kapag...

Pagkaraan ng lahat, nagbabago lamang naman ang wika alinsunod sa nagbabago sa buhay ng gumagamit nito. Tulad ng halaman, lumalago ito’t namumulaklak kapag mataba ang lupa’t mapagpala ang kaligiran. Nababansot ito’t kulu-kulubot ang dahon kapag tumubo sa burak at puro peste ang nakakapit.