Ginanap ang kauna-unahang Sawikaan noong Agosto 17, 2004. Dumalo sa talakayan ang mga kasapi ng FIT at ng kinatawan ng Blas F. Ople Foundation, kasama ang mga miyembro ng iba pang kasamang tagapagtaguyod na institusyon gaya ng UP Iinstitute of Creative Writing at UP Sentro ng Wikang Filipino. Dumalo rin ang ilang opisyal ng UP, mga mag-aaral, guro, at iskolar sa wika. Ang Pambansang Alagad ng Sining at Dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literatura na si Prop. Virgilio S. Almario ang nagbigay ng mensahe sa pagtitipon at siyang naglugar ng Sawikaan sa konteksto ng pagpapaunlad ng wikang pambansa.
Hinati sa dalawang pangkat ang presentasyon ng mga salita: pito sa umaga at pito sa hapon. Isa-isang iniharap sa kapulungan ang mga inihandang sanaysay na tumalakay sa etimolohiya o kasaysayan ng salita, ang gamit ng salita sa iba’t ibang diskurso, at ang mga katwiran kung bakit dapat na itanghal ito bilang salita ng taon. Dahil bahagi ng batayan sa pamimili ang presentasyon, sari-saring malikhaing teknik ang naisip ng mga tagapagtaguyod—tulad ng performance art, kasangkapang biswal, diyalogo—para umani ng hikayat mula sa mga tagapakinig.
Ang labing-apat na salita ay tinalakay ng mga iginagalang at maniningning na pangalan sa larang ng akademya at panitikan: ukay-ukay ni Delfin Tolentino; kinse anyos ni Teo Antonio, text ni Sarah Raymundo; jologs nina Alwin Aguirre at Michelle Ong; otso-otso ni Rene Villanueva (binasa ni Mark Chester Lobramonte); salbakuta ni Abdon Balde, Jr.; fashionista ni Jimmuel Naval; datíng ni Bienvenido Lumbera; tapsilog ni Ruby G. Alcantara; tsugi ni Roland Tolentino; tsika ni Rene Boy Facunla a.k.a. Ate Glow; dagdag-bawas ni Romulo Baquiran, Jr. (binasa ni Celine Cristobal); terorista at terorismo ni Leuterio C. Nicolas (binasa ni Joi Barrios); at canvass ni Randy David.
Nagkaroon ng malayang talakayan pagkatapos ng bawat pangkat ng presentasyon. Ang mga dumalo ay nakapagtanong sa mga tagapagtaguyod ng salita, ang iba’y naghayag ng kani-kanilang kuro-kuro kung bakit ang isang salita ang dapat tanghaling Salita ng Taon.
Pagkatapos ng labing-apat na presentasyon, bumoto ang mga dumalo gamit ang dalawang pangunahing batayan o criteria: una, ang kabuluhan ng salita sa buhay nating mga Filipino at/o pagsalamin nito ng katotohanan o bagong pangyayari sa ating lipunan; at ikalawa, ang paraan ng presentasyon, at kaugnay nito, ipinasaalang-alang ang lawak at lalim ng saliksik sa salita, gayundin ang retorika o ganda ng paliwanag, at paraan ng pagkumbinsi sa mga tagapakinig.
Ang tatlong salitang nagtamo ng pinakamataas na boto ang pumasok sa huling yugto ng labanan (apat ang lumabas dahil sa may dalawang nagtabla). Ito ang mga salitang canvass, tsika, tsugi, at ukay-ukay. Binigyan ng huling pagkakataon ang bawat tagapagtaguyod ng apat na salita para kumbinsihin ang piling hurado na kinabibilangan nina Prop. Almario, Direktor ng UP Sentro ng Wikang Filipino na si Dr. Lilia Antonio, at propesor sa wika ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas na si Prop. Ligaya Tiamson Rubin. Sila ang nagpasya sa pinal na ranggo ng apat na salita.
Sa katapusan, at pagkaraan ng mahabang deliberasyon ng mga hurado, nagtabla sa ikatlong gantimpala ang mga salitang tsugi at tsika, ikalawang gantimpala ang ukay-ukay, at itinanghal na Salita ng Taon ang canvass.