• HEADING-1 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-2 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-3 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-4 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-5 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE

Wednesday, April 7, 2004

SAWIKAAN 2004: Úkay-úkay


ni Delfin Tolentino, Jr.

Kasaysayan at Etimolohiya


Tinutukoy ng salitang ukay-ukay ang mga mga segundamanong damit na galing sa ibang bansa at ipinagbibili sa Filipinas sa napakamurang halaga (“Laging nakapustura si Grace pero alam mo ba na puro ukay-ukay ang suot niya?”). Tinutukoy rin nito ang mga tindahan o pamilihan na nagbebenta ng ganitong paninda (“Mabaliw-baliw si Dina noong mag-shopping kami sa ukay-ukay.”).

Pumasok ang ukay-ukay sa bokabularyo at kamalayan ng mga Filipino nitong nakaraang dekada. Ang kasaysayan ng ukay-ukay ay kasaysayan ng isang pambihirang pangyayari sa ating panahon, at kasaysayan itong malamang na maganap lamang sa isang lipunang hikahos.

Wala itong tiyak na simula. Ayon sa isang ulat, nagsimula ang ukay-ukay noong dekada sisenta sa Baguio at Cebu nang maisipan ng ilang may hilig sa negosyo ang pagbebenta ng mga segunda-manong damit na nakolekta ng mga Filipinong nagtatrabaho sa ibang bansa. Inipon ang mga damit na ito, ipinadala sa Filipinas, inilusot sa Customs nang walang taripa sapagkat hindi idineklarang paninda, at pagkatapos ay ipinagbili nang mura sa mga bahay-bahay at mga tiyangge.

Ngunit ang lalong popular na kuwento ay tungkol sa pagsilang ng ukay-ukay sa Baguio noong mga unang taon ng dekada nobenta, nang ipauwi ng mga domestic helper sa Hong Kong ang mga segunda-manong damit na nahingi o nabili nila roon upang ipagbili sa presyong baratilyo sa mga sidewalk ng Baguio. Pumatok nang husto ang ganitong munting negosyo hanggang sa pasukin ito ng mga propesyonal na negosyante. Hinalughog ng mga negosyante ang mga bodega ng mga Intsik sa Hong Kong at pinakyaw hindi lamang ang mga segunda-manong damit kundi pati na rin ang mga reject at product sample ng mga pabrika at ang mga lumang stock ng mga department store. Ang mga balikbayan box na pinaglalagyan ng mga lumang damit ay hinalinhan ng mga shipping crate. Sa kalaunan, nagsulputan ang mga tindahan ng mga imported ngunit napakamurang damit, at napatanyag ang Baguio bilang sentro ng negosyong ukay-ukay sa bansa. At sapagkat kumalat na ang balita na matubong negosyo ito, ngayon ay matatagpuan na ang ukayukay mula Batanes hanggang Jolo. Kaya hindi kataka-taka na lumikha ito ng sariling mitolohiya. Mayroong mga kuwento na ang mga ibinebentang damit sa ukay-ukay ay damit ng mga patay o maysakit. Ayon naman sa isa pang salaysay, ang mga damit na ito ay mga donasyon ng ibang bansa para sa mga biktima ng sakuna sa Filipinas.

Nagmula sa salitang Bisaya ang ukay-ukay na ang ibig sabihin ay maghalungkat sa mga damit na itinumpok sa mesa, itinambak sa kahon, o ikinalat sa nakalatag na sako. Konektado ang ukay-ukay sa salitang Tagalog na hukay. Sa unang yugto ng kasaysayan ng ukay-ukay, ganito ang itsura ng mga paninda: halo-halo, walang ayos, bunton-bunton. At parang naghahalukay ng lupa ang mga mamimiling naghahanap ng makukursunadahang damit. Kapag nakasumpong ng medyo natipuhang palda, polo, pantalon, o pajama, ilalabas ito nang husto at iwawagwag na parang bandera, upang siguruhin na wala itong punit, walang nawawalang butones, walang mantsa. Kaya ang ukay-ukay ay tinatawag ding wagwagan.

Mga Gamit ng Salita

Katulad ng maraming matagumpay na negosyo, pinasok ng ukay-ukay ang iba pang larangan. Mula sa sidewalk, ang ukay-ukay ay umusad sa mga regular na tindahan hanggang sa marating ang mga shopping complex. Sa Baguio, ngayon ay mistulang mall ang mga lumang gusaling nilusob ng ukayukay. At sa paglawak ng teritoryong sakop nito, ang negosyong ukay-ukay ay nag-diversify. Bagama’t segundamanong damit ang orihinal na tinutukoy ng ukay-ukay, ngayon ay tukoy na rin nito ang iba pang segunda-manong produkto na ibinebenta ng mga mag-uukay: lahat ng klase ng bag, stuffed toys at iba pang laruan, sapatos, tsinelas, sinturon, kumot, kobrekama at punda ng unan, mga gamit sa kusina, kurtina, baseball caps, Christmas décor, at pati bookmarks na galing sa Ehipto at Turkiya. Madalas, ang ekspedisyon sa ukay-ukay ay tila nagiging pagdalaw sa maalamat na Serendip: bumubulaga ang magagandang sorpresa. Sa graduation ng Unibersidad ng Pilipinas sa Baguio, kapag nagmartsa na ang kaguruan, mapapansin ang ilang guro na kakaiba ang suot na toga, sapagkat mga toga ito ng Princeton University o Concordia College na na-jackpot nila sa ukay-ukay.

Napakalaki ng potensiyal ng salitang ukay-ukay kaya natural lamang na lumawak pa ang kahulugan nito. Sa hanay ng mga sikat na fashion designer na tulad nina Rajo Laurel, ginagamit ngayon ang ukay-ukay para tukuyin ang “vintage fashion.” Dahil sa ukay-ukay, naging “in” ang mga lumang damit na ngayon ay nire-recycle at ginagamit sa paglikha ng mga makabagong kasuotan na kinatutuwaan ng mga fashionista.

Dahil sa koneksiyon nito sa mga bagay na luma o gamit na, ang ukay-ukay ay nagamit na rin bilang katumbas ng “archive,” tulad halimbawa ng paggamit ng UP Film Institute sa salitang ito para tukuyin ang archive ng sineng Filipino na dapat halukayin upang mahanap ang mga lumang pelikula na nabaon na sa limot.

Kahit sa internet ay mayroon na ring ukay-ukay. May isang masuwerte at kilalang dot com na naging matagumpay dahil sa estratehiya nito: naghahanap ito ng mga imbentaryo ng mga “patay” nang dot com, pinapakyaw ang mga ito sa mababang halaga, at pagkatapos ay muling ipinagbibili nang mura. Ngunit mura man ipagbili ay pinagtubuan na nang malaki. Ayon sa ilang estratehista ng Ayala Corp., ito ang “pilosopiyang ukay-ukay.” Isa pa itong gamit ngayon ng ukay-ukay.

Kaugnay pa rin ng computer technology, at dahil naman sa koneksiyon ng ukay-ukay sa mababang presyo na kayang abutin kahit ng mga taong wala namang kaya, kamakailan ay nanawagan ang isang computer specialist na sana ay maglabas ang Microsoft ng isang operating system na makakayang bilhin ng mga tao sa isang mahirap na bansang tulad ng Filipinas. Ito ang tatawaging “ukay-ukay edition” ng Microsoft OS.

May iba pang gamit ang salitang ukay-ukay. Noong nagkakagulo sa Kongreso dahil sa pagpoposisyon ng mga politiko na naghahangad na makuha ang ganito o ganoong komite, nakiusap si Cong. Rodolfo Plaza ng Agusan del Sur sa kaniyang mga katoto: “Huwag natin itong gawing subasta, o ukay-ukay ng mga posisyon sa Kongreso!” Maaaring katawa-tawa ang ilang gamit ng salitang ukay-ukay, ngunit maaari rin itong makabagbag ng damdamin. Ayon sa isang ulat sa diyaryo, ikinumpisal ng isang batang ilang taon nang naninirahan sa lansangan na ang mga batang kalye na tulad niya ay nagnanakaw at kung minsan ay namamalimos para mabuhay. At naghahalungkat din sila ng pagkain sa mga basurahan. Ukay-ukay ang tawag nila sa kanilang mga pagkain na galing sa basura ng Jolibee, McDonald, at iba pang fastfood restaurant.

Ang Ukay-Ukay Bilang Salita ng Ating Panahon

Kinakatawan ng salitang ukay-ukay ang kultura at lipunang Filipino sa kontemporanyong panahon. Nakapaloob dito ang larawan ng isang mahirap na bansa na tambakan ng basura ng mga nakaririwasang bansa. Nakapaloob din dito ang larawan ng maabilidad  na Filipino na nakikita ang kayamanan sa basura ng iba. Demokratiko ang ukay-ukay. Sa pamamagitan nito, nakakaya ng mahihirap na bumili ng damit. Samantala, ang mga Filipinong sunod sa moda ngunit manipis ang bulsa ay nakapagsusuot ng mga Yves Saint Laurent o Oscar de la Renta nang hindi kailangang ipagbili ang kaluluwa. Sabi nga ng isang peryodista: “Kilala daw ang Filipino sa pagiging ‘wais’. Sa lahat ng bagay maging sa pansariling gamit ay pangunahing layunin ng Pinoy ang makatipid. Ngunit sa kabila ng kagustuhang makatipid ay mahilig din sa imported at signature na kasuotan ang Pinoy. Ang magkataliwas na hilig ay nabigyang solusyon sa pamamagitan ng ukay-ukay.”

Noong una, marami ang ayaw na masabing parokyano ng ukay-ukay. Nahihiya sila. Ngunit ngayon ay makakasalubong sa mga sentro ng ukay-ukay ang lahat ng klase ng tao, mula sa mahihirap hanggang sa mga sosyal. Senyas ito ng panahon ng kagipitan. Apektado ng krisis ang lahat.

Sinususugan din ng ukay-ukay ang ugali ng maraming Filipino na sa ganitong panahon ng kagipitan ay umaasa na lang sa pagdating ng suwerte, sa hulog ng langit: kaya hinahalukay ng mga parokyano ng ukay-ukay hindi lamang ang mga bunton ng damit kundi pati na rin ang mga bulsa ng mga nabili nilang damit sa pag-asang matatagpuan dito ang ilang dolyar na nakasingit, o alahas na nakalimutang alisin ng dating may-ari.

Tunay ngang naging bahagi na ng buhay-Filipino sa ating panahon ang ukay-ukay. Ibinandera na ito sa isang eksibit ng mga likhang-sining sa isang gallery sa Maynila. Ang kaisipang ukay-ukay ang baka rin makapagpaliwanag kung bakit naging isa sa  pinakaimportanteng klase ng kontemporanyong sining sa Filipinas ang mixed media na gumagamit ng mga found object—mga lumang bagay o basura na napulot sa kung saan.

Itinanghal na rin sa pelikula ang ukay-ukay. Sa “Annie B, Bida ng Ukay-Ukay, Bongga S’ya Day,” tampok si Jolina Magdangal bilang ukay-ukay vendor na mahilig mag-goodtime sa gabi. Ang tindera ng ukay-ukay ang tumatayo ngayon bilang Annie Batungbakal ng kasalukuyan, isang bagong arketipo para sa bagong milenyo.

Maging sa larangan ng karunungan ay naroon din ang ukay-ukay. Ang pangunahing bilihan ng libro ngayon sa Filipinas ay hindi na ang mga mega-bookstores kundi ang maliliit at masisikip na Booksale outlet sa iba’t ibang parte ng bansa na nagtitinda ng mga segunda-manong libro mula sa Amerika. Ang Booksale ang ukay-ukay ng mga intelektuwal at mambabasang Filipino.

At ilan sa atin ang may alam na pinapaksa na rin angukay-ukay sa mga international conference at tinatalakay sa mga refereed journal? “‘Ukay-ukay’ chic: Tales of fashion and trade in second-hand clothing in the Philippine Cordillera” ang pamagat ng isang seryosong pag-aaral na ginawa ng isang antropologong taga-Canada.

Talaga namang laganap na ang ukay-ukay sa lipunang Filipino. Hindi na mabilang ang mga bahay na nagmistulang tahanang ukay-ukay sapagkat galing sa ukay-ukay ang halos lahat ng gamit, mula sa bedsheet na ikinukumot sa katawan hanggang sa mantel na itinatakip sa hapag-kainan.

At malapit na ring lusubin ng ukay-ukay ang larangang espiritwal. Sa labas ng bantog na simbahan ng Birhen ng Manaoag sa Pangasinan, sumisingit na sa hanay ng mga  tindera ng kandilang pang-alay sa birhen ang mga ukayukay vendor na lumalapit sa Diyos.