ni Teo T. Antonio
Naging kontrobersiyal ang ad copy ng Tanduay na “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” na nailabas noong Pebrero 2004. Mula sa wikang Espanyol ang mga salitang quince at añona pinagmulan ng kinse anyos. Sadyang nakatanim na sa bokabularyong Filipino ang pagbilang ng numero sa wika ng mananakop, mula sa pagbilang ng pera at maging ng edad. Madali tayong magkaunawaan sa panghihiram nating ito ng bokabularyo. Ngayon na lamang madalas gamitin ang pagbilang ng pera o edad sa wikang Ingles gaya ng “sweet sixteen.” Bukod pa, ang salitang “fifteen-thirty” na tumutukoy sa mga “ghost employee” ng gobyerno na sumasahod tuwing akinse at atrenta.
Ang “Kinse anyos sa munting lupa” ay isang awiting naging napakapopular noong dekada singkuwenta.Tumatalakay ito sa sentensiya ng taong mabibilanggo kung sakaling menor-de-edad o wala pa sa hustong gulang ang nilapastangan. Gaya ng popular na biruan ngayon na, “Baka ka ma-Echagaray?” kapag may binibirong menor-de-edad.
Ang kinse anyos noon na babae o lalaki ay wala pang karapatang makihalo sa usapan ng matatanda. Hindi pa hinog ang kaniyang karanasan at wala pa siyang sinasabi sa lipunang kanyang ginagalawan. Nagtatapos sa mababang paaralan ang mga bata sa edad na dose anyos at disisais anyos sa pagtatapos ng hay-iskul. Ang kinse anyos ay tinatawag na binatilyo kapag lalaki, dalaginding o dalagita kapag babae. Hindi pa sila ganap na binata o dalaga na binibigyan ng karapatang makilahok sa usapan ng matatanda at malayang makapagpasiya sa sarili. Kapag umabot na sila sa gulang na disiotso anyos ay puwede nang bumoto at tatawagin nang nasa legal na edad.
Ang ginamit na ad copy ng Napoleon Brandy na “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” sa malaking tarpaulin o billboard ay naging mainit ang isyu. Nanguna ang kilusang Gabriela na ipagtanggol ang dangal ng kababaihan. Isa raw itong paglapastangan sa kawalang-malay ng kabataang babae na wala pa sa hustong gulang. Sa ilalim ng ating pamahalaang demokratiko, may karapatan ang lahat na tumuligsa o magtanggol sa inaakala nilang mali o tama.
Sa daigdig ng advertising, ang pag-iisip ng “kinse anyos” ay tungkol sa edad ng iniimbak na alak. Ang kasabihan nga, “Aged wine is the best wine.” Kapag mas may edad ang inimbak na alak ay mas masarap ang lasa at suwabeng inumin.
Kung ito’y inilapat sa isang produkto ng alak na—”Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?”—naglalayon naman itong mapanatili sa isipan ng mamimili ang produkto. Ito ang tinatawag nilang “recall.”
Pero iba ang naging recall nito sa kilusan ng mga kababaihan. Ang tumimo sa kanilang isipan ay paglapastangan sa murang edad ng walang malay na batang babae.
Matatandaan na buwan ng Pebrero nang uminit ang isyu sa ad copy na “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” Marso ang kasunod na buwan, ang Women’s Month. Tila pinagtiyap ng pagkakataon na ang advertising impact ng alak na naging kontrobersiyal ay nagbigay naman sa Kilusan ng Kababaihan ng media exposure. Magkasabay halos ang media mileage ng advertising” ng inendosong alak at ng Kilusan ng Kababaihan sa buwan ng Marso.
Pero ayon sa isang babaeng sociologist, umunlad na ang pag-aadvertise ng alak. Kahit ginamit ang “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” ay wala naman itong anumang borloloy kundi mismong alak lamang. Di tulad noon na may seksing babae na naka-bathing suit o naka-bikini at bra at nakasakay sa kabayo. Tunay na ang paggamit ng sikat, seksing artistang babae ay bahagi ng advertising ng alak. Ngayo’y salita lamang ang kinasabitang kontrobersiyal pero nayanig ang daigdig ng advertising ng pakikidigma ng kilusan ng mga kababaihan.
Ngunit nakaligtas sa kanilang pagsusuri na may mga advertisement sa telebisyon na tungkol sa isang produktong pampalakas ng katawan na ang endorser ay isang sikat na artistang seksi ang nagsabi, “Tatagal ka ba?” O kaya’y ang kapsulang nagbibigay bitamina sa sigla ng katawan na kausap na babae ang esposo na pagod sa trabaho at naguusap sila sa kuwarto, “Kaya mo pa ba?” Sasagot ang esposo, “Ako pa!”
Maraming kahulugang sexual o nakakakiliti sa isipan ang mga salitang ito. Pero ang recall ng mga ito’y hindi naging kontrobersiyal tulad ng “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” Maraming nakakakiliti sa isipan na advertisement na gaya ng panti, bra, panlinis ng ari ng babae, sanitary napkins na hindi na pinagkakaabalahang pansinin. Hindi na ito bastos.
Kung hindi pinansin ang ad copy ay baka normal lamang ang benta ng alak. Pero mas nagtagumpay pa ang produkto ng alak dahil sa kontrobersiyal na copy at lalong dumami ang bumili ng alak. Kung sa iba’y nakakalapastangan ang recall ng advertisement, sa mamimili’y lalong matiim ito kaya malamang na bilhin, inumin, at lasapin nila ang alak na inimbak sa loob ng labinlimang taon o kinse anyos.
Sa daigdig ng advertising, kapag higit na pinag-uusapan ang produkto, lalo itong nagiging mabili. Kahit naging matagumpay ang kampanya ng kilusan ng kababaihan, lumabas na naging matagumpay ang kompanya ng alak dahil lalong dumami ang benta ng kanilang produktong alak.Tunay na sa daigdig ng advertising na ginagamit ang malalaking billboard, publikasyon, radyo at telebisyon ay malakas ang kapangyarihan ng panghikayat sa madla.