-
HEADING-1 GOES HERE
DESCRIPTION GOES HERE -
HEADING-2 GOES HERE
DESCRIPTION GOES HERE -
HEADING-3 GOES HERE
DESCRIPTION GOES HERE -
HEADING-4 GOES HERE
DESCRIPTION GOES HERE -
HEADING-5 GOES HERE
DESCRIPTION GOES HERE
Wednesday, April 7, 2004
SAWIKAAN 2004: Tsúgi
ni Rolando Tolentino
Hindi salitang Hapon ang tsugi, pero tila gayon din kalayo at over ang kahulugan nito. Tsugi ang isang bagay, karanasan, lugar, tao, at pagkatao kapag negatibo ang dating nito—loseng, loser, luz, Luz Valdez, Luzviminda, Luz Gallery, Arturo Luz, Paula Luz, at Lucila Lalu na pinsang-buo nina Chaka at Chaka Chan. Ang tsugi ang kabaligtaran ng wagi o winner, Winnie Santos, Winnie Monsod, Winnie the Pooh, at Winnie Mandela. Sa telebisyon, ang tsugi ang gamit para ilahad ang paninigbak sa mga show ng mga hari ng network. (Komentaryo ni Randy David sa panayam na papel.) Sibak na ligwak na naging tsugi—ito ay bahagi ng gay o swardspeak, isang idiolek ng pagkakaunawaan at pagbibigay-ngalan at kahulugan sa mundong ibabaw ng grupong isinantabi.
Ang tsugi ay pantsatsaka o panlalait. Ang objek ng panlalait ay isang di makapasa sa pamantayang ng subhetibismong bading. Ang subhetibismong bading ay ang etikang panuntunan sa pakikipagkapuwa-tao ng bading. Etika ito dahil may pagninilay-nilay kung sino ang ibabrand na tsugi at kung sino ang wagi. Tsugi ka kapag sobra-sobra ka sa mismong kalabisan ng bading, kasama na ang attachment sa kloseta o di-paglaladlad. Wagi ka kung isinasakatawan at kaluluwa mo ang ideal ng campiness ng bading gayong marami ring sub-identidad ang bading. Kaya nga ang etikang pagninilay at pagpili ay nakatuon sa paghulma ng subjectivation o overdeterminasyon ng pagiging bading sa simbolikong loob ng patriyarka at ng subjectivation o overdeterminasyon sa pantasya ng imahinaryo ng tagumpay, pagiging winner at Miss Universe ng bading.
Overdeterminasyon ito sa konsepto ng Marxistang si Louis Althusser dahil itinatakda ng mga aparatong represibo at ideolohiko ang aksiyon at kamalayan ng bading. Halimbawa, kapag biglang nagpakita sa iyo ang nakahubad na katawan ng modelong si Marc Nelson, hindi iilan ang magkakaroon ng strained neck at tila iwas-tingin sa nakahihigit na preokupasyon sa nilalang na ito. Interpellated ng simbolong Marc Nelson ang kabadingan dahil itinatakda nitong simbolo ang panlipunang relasyon ng bading sa heterosexual na lalaki, na sa isa namang pagbasa, ang pagkasakop ng pamantayang heterosexual na lalaki sa panlasa at oryentasyong bading. At sa maraming bading, ang lunggati (desire) ay libre at di naman ilegal; ito naman ang pantasya ng ahensiya ng kapangyarihan ng bading.
Nagagawa ang sirkulasyon ng diyalektiko ng simbolo at imahinaryo sa ilang lingguwistiko kapamaraanan. Ibinabagsak ng tsugi ang distingksiyon ng proper at generic noun, ng angkop at di-angkop na lugar, at nagkakaroon ng labis na kahulugan sa distingksiyon. Si Lucila LaLu ang unang chop-chop lady na tunay namang nalose sa krimeng karanasan sa karahasan sa kababaihan. Tulad ng urban legend, ang kapangyarihan ng oralidad, tulad ng idiolek, ay ang posibilidad sa transpormasyon ng kahulugan at konteksto ng pagkaunawa rito. Si Chaka Chan ay isang Aprikana-Amerikanang rhythm-and-blues singer na nagsasaad din ng rasismo dahil sa maliitang pagtingin sa identidad ng itim. Si Winnie Monsod ang maton na babaeng ekonomista na nagbebenta ng matalinong sabong panlaba at lingguhang nagre-referee sa telebiswal na debate. Si Arturo Luz ang pambansang alagad ng sining na isang haligi ng modernistang sining biswal na maaaring mapagkamalang disenyo ng ordinaryong vinyl tile o linoleum. Sa pamamagitan ng puwersa ng salitang tsugi, napangingibabaw ang subhetibismong bading bilang pananaw-panlipunan—walang sinasanto: ang B-movie actress tulad ni Luz Valdez ay nagiging icon sa kontrabidang over-acting, o ang sisterette ni “Star for All Season,” si Winnie Santos ay nagkakaroon ng dagdag na celebrity life sa pamamagitan ng apropriyasyon ng bading sa kaniyang ngalan.
Ang taktika ng panlalait at pagkalito ay bahagi ng mga subalternong grupo na mabigyang-depinisyon ang kanilang sarili. Ito ay nagmamarka kung sino ang nasa loob at nasa labas, at ang kabahagi nitong grupo ay sabayang nasa loob at labas. Nasa loob sila dahil kolektibo ang digri ng pagkaunawa sa mga salita at lohika ng pagbubuo ng idea. Nasa labas sila dahil napangingibabawan sila ng mas makapangyarihang kaayusan at pormasyong heterosexualidad gayong ang relasyon nila sa status quo ay nananatiling loob at labas din. Sila ang makapangyarihang negosyante, manggagawa, at manlilikhang gumawa sa mga tulad nina Marc Nelson bilang Ken Doll sa marami nitong ad sa Bench, halimbawa. Sila rin ang puwersang tumatangkilik ng mga produktong ipinapabenta kay Marc Nelson. Sa gayon, silang prodyuser ay sabayang konsumer din ng kanilang nilikha.
Ang tsugi o tsugs ay isang onomatopeia o ang pagbuo ng pananalita batay sa imitasyon sa natural na tunog na inihahalintulad sa objek o aksiyon—”echoismo” [mula sa Webster’s New World Dictionary Third College Edition (New York: Simon & Schuster, 1991)] o ekolalya, panggagaya. Katunog ng tsugs ang pagkaudlot o bangga ng objek. Ginagaya ng tunog ang aktuwal na kahulugan ng salita. Pero kung paniniwalaan natin si Ferdinand Saussure, wala naman talagang aktuwal na kahulugan ang mga salita. Mayroon lamang intimate o familiar na relasyon ang salita at kahulugan. Kung gayon, ang ginagaya ng tsugi at maging ang subhetibismong bading sa pangkalahatan ay isang inaakalang pamilyar at intimate na relasyong hindi naman talaga nandoon. Nawala na ang orihinaryong awtentikong kahulugan at relasyon. Sino nga ba sina Luz Valdez, Chaka Khan, Winnie Monsod sa kontemporanyong buhay? Ano ang naiaambag nilang dalumat para magkaroon ng pagkaunawa sa ating hyper-realidad?
Ginagaya ang isang bagay ng nanggagaya sa panggagaya ng awtentikong relasyon. Maging ang mitikong si Marc Nelson ay isang simulacrum na rin, o imahen na walang lalim, artiface na likha ng midya para tangkilikin ang lifestyle ng pagkalalaki nito. Kung siya ay simulacrum, di ba ang tumatangkilik sa kaniya ay higit na simulacrum dahil mayroon silang imahinaryo ng awtentikong identidad na di naman lalampas sa temporalidad ng pagkonsumo sa imahen?
Ang tsugi ay paglitaw at paglaho sa eyre. Tulad ng sine, ito si Brad Pitt o Julia Roberts o Robin Padilla pero hindi naman talaga sila ito. Ito sila at hindi sila itong higanteng imaheng kay bilis at kay laking nag-aaparisyon at naglalaho. Ang iniiwan ay ang latak ng labis. At mula sa latak ng labis, nagsisimula at umuunlad ang rehimentasyon ng ating buhay sa materyal at simbolikong mundo ng konsumerismo, at sa kasalukuyang panahon ng krisis, ang simulacrum ng konsumerismo. Sa pag-aakalang mayroon pang higit na nasa labas nitong imahen, sa kritikal na pagkaunawa sa signifikasyon at pagkalito sa proseso nito, inihahayag ang paralel na realidad ng imahinaryo, na mayroong ahensiya para patuwarin, patindigin, patihayain, paigkasin, padapain, pangibabawaan, at kung ano-ano pa ang mga simbolo ng kaayusan at karanasan kay Marc Nelson, patriyarka, kapitalismo, at piyudalismo.