-
HEADING-1 GOES HERE
DESCRIPTION GOES HERE -
HEADING-2 GOES HERE
DESCRIPTION GOES HERE -
HEADING-3 GOES HERE
DESCRIPTION GOES HERE -
HEADING-4 GOES HERE
DESCRIPTION GOES HERE -
HEADING-5 GOES HERE
DESCRIPTION GOES HERE
Wednesday, April 7, 2004
Sapagkat Buháy ang Wikang Filipino
ni Virgilio S. Almario
(Bahagi ng Aklat ng Sawikaan 2004: Mga Salita ng Taon)
IBANG-IBA na ang wikang Filipino ngayon sa Pilipino noong kabataan ko at lalo na sa pinagbatayan nitong Tagalog nina Balagtas at Lope K. Santos. May bago na halimbawang alpabeto ang Filipino na ibang-iba sa baybayin at sa ipinalit na alpabetong romanisado ng mga Espanyol at kahit sa abakadang pinalaganap noong panahon ng Komonwelt. May mga panlapi ngayong gaya ng nakaka- at n-i sa “nakakatakot” at “nilalaman” na igigiit ng mga mambabalarila na dapat isulat na “nakatatakot” at “linalaman.” May mga lumang salita na nagbago ang bigkas, gaya ng “balatkayo” na mabilis ang bigkas sa Florante at Laura ngunit maragsa ang bigkas sa pag-awit ni Anthony Castelo. May mga salitang tulad ng “kaagulo” na higit na maiintindihan kung sasabihin mong “kerida” o “kabit.”
Isang buháy na wika ang Filipino kaya’t hindi dapat ipagtaka ang anumang pagbabago nito sa tunog, ispeling, balangkas ng pangungusap, at iba pang aspektong panlingguwistika. Kapansin-pansin ito sa larangan ng bokabularyo. Totoo na marami na tayong nalimot at hindi ginagamit sa bokabularyo ng panahon ni Balagtas. Subalit higit na maraming salitang likha at hiram na napalahok sa nakaraan lamang sandaang taon ng Tagalog at Filipino. Sa pamamagitan ng mga likha at hiram na ito yumayaman ang bokabularyo ng wikang Filipino.
May mapapansin ding pangunahing paraan ng pagpapayaman sa talasalitaan ng ating wika sa pana-panahon.
Noong panahon ng Espanyol, pinayaman ng kolonyalismo ang maraming katutubong wika sa Filipinas sa pamamagitan ng pagpapahiram ng daan-daang salita kaugnay ng idinulot na karanasang kolonyalista. Sa Tagalog, napakatiim ang timo ng Kristiyanismo at pagkaing dala ng mga Espanyol gaya halos isakatutubo ng mga Tagalog ang bigkas sa mga salitang tulad ng “kandila,” “pari,” “kampana,” “kusina,” “bintana,” at “toma.” May mga salitang halos mahirap nang bakasin ang orihinal na anyo ng hiniram, tulad sa “komang” na mula sa manco, “pader” na mula sa pared, at “silahis” na mula sa maramihang anyo ng celaje.
Ang problema, lubhang na-Espanyol ang ating dila kaya higit pa nating ginagamit ngayon ang “mas” at “pero” kaysa katutubo nating “higit” at “ngunit” o “subalit.” Kahit ang pagmumura natin ay na-Espanyol. Matimpi siyang nakasasambit pa ng “Lintik!” o “Naku!” Higit na mabilis lumalabas sa ating bibig kapag nagulat, nabigla, at lalo na kapag nagalit ang matunog na “Puta!” o ang binantuang “Putris!”
Napakahirap humanap ng salita na nalikha sa panahon ng Espanyol bilang sagot sa bagong pangangailangan ng mamamayan noon. Pinakaorihinal nang halimbawa ang “kundiman” bilang pangalan sa awit na nalikha at naging popular nitong ika-19 siglo mula sa pagsasanib ng himig Espanyol at damdaming Filipino. Nitong lumaganap ang damdaming mapagpalaya, lumitaw ang salitang “laya” at mga anyo nitong “malaya” at “kalayaan” bilang likhang pantapat sa Espanyol na libertad. Sa aking saliksik, unang lumitaw sa palimbag na paraan ang salitang ito sa salin ni Marcelo H. del Pilar ng “Amor Patrio” ni Rizal na nalathala sa Diariong Tagalog. Pagkaraan, ginamit ito at naging susing salita sa hanay ng mga Katipunero.
PAGDATING NG ika-20 siglo, higit na nagumon ang mga Tagalista sa paglikha kaysa panghihiram. Nanghiram pa rin ang bayan ng “pulis,” “istambay,” at “bulakbol” mulang Ingles. Subalit ang mga taliba ng wikang pambansa ay nagpaligsahan sa paglikha ng mga neolohismo na gaya ng “bantayog,” “katarungan,” “tatsulok,” “lathalain,” at “banyuhay.” Pinakamalaki’t pinakamatagumpay na proyekto sa gawaing ito ang “balarila” ni Lope K. Santos na nagpasok sa ating wika ng isang buong sistema ng karunungan na halos bumura sa alaala ng laganap na noong gramatika sa Espanyol.
Kung hindi lumilikha, binubuhay ng mga Tagalista ang mga lumang salita at nilalagyan ng bagong kahulugan. Ito ang naganap sa “sining,” “moog,” at “dagitab.” O kaya’y upang muling ipagpangaralan ang katutubong yaman ng sariling wika sa pagpapahayag ng mga dalumat na gaya ng “haraya,” “tayutay,” at “agham.” At kung manghiram man ay higit na makiling sila sa pagpapayaman mula sa ibang katutubong wika ng bansa, gaya sa nabanggit nang “katarungan,” sa “lungsod” at “bansa.”
Tinudyo ng mga kaaway ng wika ang naturang hilig sa pagtuklas at pagtitiwala sa katutubong wika. Pinakamaanghang na tudyo ang ambag ni Senador Francisco “Soc” Rodrigo na “salumpuwit” at “salunsuso” bilang panumbas diumano sa “silya” at “bra.” Nitong dekada 1970, mabubuo ang ganitong uyam at tuligsa tungo sa atake laban sa “purismo” at siya diumanong tinatangkilik na uri ng wikang pambansa sa Surian ng Wikang Pambansa. Napasubo ang Surian sa isang mahabang usaping pangwika at dito pumasok ang iba’t ibang panukala ng inhenyeriyang pangwika na naglundo sa pagbago ng pangalan ng wikang pambansa mula sa “Pilipino” tungo sa “Filipino.” Naipit sa usaping ito ang matagal nang nilulutong “wikang maugnayin” ni Gonzalo del Rosario at nasayang ang eksperimento sa wikang pang-agham at teknolohiya ng National Science Development Board at ng Araneta University. Nanaig ang kilusang “anti-purismo” na may iba’t iba ring mungkahing paraan ng pagpapayaman sa bagong wikang “Filipino.” Natatangi sa mga ito ang eksperimento sa wikang balbal at kolokyal ng Taliba, pangunahing peryodiko noon sa wikang pambansa at kapatid ng malaganap na Manila Times, ang haluhalong pangwika ni Geruncio Lacuesta, at ang Filipino batay sa language universals kuno ni Dr. Ernesto Constantino.
Sa aking pananaw, sinupil ng kilusang “anti-purismo” ang labis na hilig sa paglikha upang payamanin ang wikang pambansa. Dumalang pa sa patak ng ulan ang mga opisyal na neolohismong gaya ng “balikbayan” at “batasang pambansa.” Dumako naman ngayon ang mga akademistang pasimuno ng Filipino sa lansakang panghihiram mulang Ingles at sapilitang pagpapalaganap ng mga ito sa anyong alinsunod sa ating katutubong palabaybayan. Ibig nitong burahin kahit ang leksikon ng balarila upang ipalit ang “nawn,” “sentens,” at iba pang hiram sa Ingles. Sa U.P., may mga titser na ayaw ng “patakaran” dahil mas gusto ang “polisiya” at “palisi”; ayaw ng “agham panlipunan” kaya ipinilit na pangalan ng kolehiyo ang “sosyal sayans”; ayaw ng matagal nang likhang “sinupan” at marahil ng Espanyol na “artsibo” kaya’t “arkayb” ang nasa karatula ng kanilang silid na alay kay Cecilio Lopez.
ANG MAGANDA, habang nagbabangayan ang mga akademista sa ispeling ng mga hiram na salita mula sa wikang banyaga ay hindi nabibimbin ang pagyaman ng bokabularyong Filipino. Ang bayan mismo ang nagsasagawa ng paglikha, paghiram, pagbuhay sa lumang salita, o pagbaluktot sa pormal na salita. At ito naman ang dapat mangyari. Hindi natin dapat kalimutan na ang wika ay kasangkapan para sa lahat ng mamamayang gumagamit nito. Sinasalita ng mamamayan ang wika para sa iba’t ibang layuning pangkomunikasyon Dahil dito, nagbabago ang wika alinsunod sa pangangailangan ng mga nagsasalita nito. Dili kaya, binabago ng mga mamamayan ang wika nang hindi nila namamalayan o kahit wala sa kanilang isip ang layuning baguhin ito. Malimit nga na pumapasok ang isang salita sa bokabularyo ng bayan nang hindi nila napapansin ang nagaganap na pagbabago sa kanilang wika.
Noon pa man, kahit ang mga musmos ay lumilikha ng mga salita para sa kanilang paglalaro. Sila lamang ang makaiimbento ng “pen-pen de sarapen” at “tong-tong pakitong-kitong” na sila lamang din ang nakaaalam kung ano ang ibig sabihin. Aliwan lamang para sa kanila ang paglasap sa mga tunog ng titik at pantig ngunit mahalaga ang naturang pag-aaliw sa pagkalikha ng maraming tinatawag nating onomatopeya: “aliw-iw” ng batis, “alit-it” ng siit ng kawayan, “pagaspas” ng hangin o bagwis, “lagaslas” ng talon, at nitong makabagong panahon, “harurot” ng kotse.
Gayunman, ang mga tin-edyer ang tunay at seryoso sa paglikha ng bagong bokabularyo. Hindi lamang nila gustong maglaro kapag umiimbento ng sarili nilang jargon. Nais nilang maging tatak ng kanilang barkada o henerasyon ang naiiba nilang paraan ng pagsasalita. Ang isang leksiyon nga sa lingguwistika ay ganito: Tumatatag ang isang sistema ng paggamit sa isang wika upang maging parang opisyal na wika ng isang tumandang henerasyon at upang tangkain namang baguhin at wasakin ng sumusunod na henerasyon. Waring bahagi mismo ng generation gap ang magkaibang paraan at pagpapakahulugan sa wika ng katandaan at ng kabataan.
Dahil sa kanilang saloobing rebelde, natitiyak kong mga kabataan lamang ang panggagalingan ng mga binaligtad na bokabularyo. At mukhang makikipagtagalan sa panahon ang ilan, gaya ng “astig” (tigas), “erpat” at “ermat” (father at mother), “datan” (matanda), at “tsekot”(kotse). May tatak din ng barkada ang iba’t ibang naging popular na paraan ng pagputol sa mga salita at paglalagay ng isang paboritong pantig. Halimbawa, “syota” (bata), “syoke” (may kike?), at “syobi” (bisyo) na maaaring inspirado ng syomai at syopaw sa pansiterya ng Chinatown. O kaya ang “dyakul” (cool?), “dyoga” (magang-maga o nakakadaga?), at “dyinggel” (jingle) na maaaring bahagi ng paglalaro sa Tinagalog na anyo ng “dyip” at “dyutay.”
Kailangan ang masusi at matiyagang paghimay sa mga naturang salitang balbal upang matuklas ang sistema sa likod ng mga naturang kodigo ng kabataan.
Gaya rin ng pangyayaring mahirap mahulaan ang paraan ng pag-imbento sa tinatawag ngayong “swardspeak” (wikang bakla). Sa tingin ko, bukod sa kabataan, pinakamasigla ngayong sektor ang mga bakla sa paglikha ng sariling kodigo. Mabilis ding kumakalat ang kanilang imbensiyon dahil sa impluwensiya nila sa mass media. Ang tawag nila mismo sa kanilang sarili ay nagkaroon na ng mga transpormasyon, mula sa “badaf” (babae dapat) na naging “bading” hanggang “muher” (mujer) at “swarding.” Hindi rin maikakait ang halina ng kanilang makulay na lengguwahe, gaya ng “imbiyerna” na malayo sa orihinal na invierna ng mga Espanyol o ng “tsugi” na hindi mo malaman kung halaw sa Niponggo o Tibetan.
Ang mass media mismo ay nag-aambag ng bagong salita at malimit na dahil sa mababaw na kaalaman sa wikang ginagamit. Pinakapopular na halimbawa ng ganitong katangahan ang “kaganapan” na mahirap nang alisin kahit sa dila ng mga kagalang-galang na Brodkaster Noli de Castro at Joe Taruc. Hndi naman nahuhuli sa ganitong kamangmangan ang ilang akademistang nais mag-Espanyol ngunit mahirap usisain kung saan nila napulot na diksiyonaryo ang “aspeto,” “imahe,” “pesante” (para sa magsasaka), at “kontemporaryo.”
Gayunman, kahit ang mga nabanggit na aberasyon at ang tinatawag kong salitang “siyokoy” ay bahagi ng masaya at masiglang paggamit ngayon sa wikang Filipino. Hindi mapipigil kahit ng Komisyon sa Wikang Filipino ang magiging iba’t ibang paraan ng paggamit ng sambayanan sa kanilang wikang pambansa. Wika nila ito kaya’t nasa kanila kapangyarihan upang hubugin ito alinsunod sa kanilang hilig at pangangailangan. Hindi rin wasto na ituring ang nalilikha ng bayan na bulgar at may mababang uri, lalo na’t kapag ikinompara sa isinasagawa diumanong “intelektuwalisasyon” ng mga akademista sa wikang Filipino. Walang silbi ang anumang pagsisikap tungo sa “pagtataas” ng nilalaman ng wikang Filipino kung hindi ito gagamitin ng bayan–lalo na’t mapagkuro nila na walang kaugnayan sa kanilang buhay at hindi nila kailangan. Tulad ng “japayuki” noong dekada 1980 at ng“kudeta” nitong panahon ni Cory, tumitimo sa isip ng taumbayan ang “otso-otso” at “ukay-ukay” hindi lamang dahil makulay ang anyo kundi dahil may matalik itong kaugnayan sa kanilang kasalukuyang karanasan. May nasasaling itong malalim at maselang pilas ng kanilang damdamin at gunita. Sabihin mang baduy o tahasang baboy, wika ito ng kanilang tunay na buhay at higit nilang tatangkilikin kaysa mga “pragmatiks” at “sayantipik perspertiv” sa hindi nila kailanman maisasapusong wika ng mga “fild resertser” at “akademiks.”
Kailangang magkatagpo ang eksperimento sa akademya at ang malikhaing gawain sa wika ng sambayanan. Magaganap lamang ito kapag natutong magsalita ang mga intelektuwal at propesyonal sa wika ng bayan. Ibig sabihin, naipaloob ng mga tagaakademya ang kanilang banyagang kaalaman sa daigdig ng karunungan ng karaniwang taumbayan. Naging bahagi ng karanasan ng bayan ang ngayo’y nasa mga makapal at mahirap basahing aklat. At magaganap din lamang ang pagtatagpong iyon kapag nagbago mismo ang buhay ng taumbayan. Halimbawa, kapag umigpaw ang kabuhayang bansa mula sa kumunoy ng “otso-otso,” “ukay-ukay,” at “ofw.’ Kapag luminis ang lipunan at nawala ang “kotong,” “kurakot,” “trapo,” “pork barrel,” at “dagdag-bawas.” Kapag... kapag... kapag...
Pagkaraan ng lahat, nagbabago lamang naman ang wika alinsunod sa nagbabago sa buhay ng gumagamit nito. Tulad ng halaman, lumalago ito’t namumulaklak kapag mataba ang lupa’t mapagpala ang kaligiran. Nababansot ito’t kulu-kulubot ang dahon kapag tumubo sa burak at puro peste ang nakakapit.