• HEADING-1 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-2 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-3 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-4 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE
  • HEADING-5 GOES HERE

    DESCRIPTION GOES HERE

Wednesday, April 7, 2004

SAWIKAAN 2004: Otso-otso


ni Rene O. Villanueva

Magtatapos ang taon 2003 nang sumikat ang kantang “Otso Otso” ni Bayani Agbayani. Pagpasok ng 2004, pambansang himig, pambansang galaw at pambansang bukambibig na ito. Bunga ng pag-imbulog ng kanta sa mass media, walang sawang sinabayan ang awit ng mga bata, matanda, babae, lalake, at iba pa, sa opisina, tahanan, at kalsada, habang yumuyugyog ang balikat at pinaaalon ang tiyan at gulugod nang nakatukod ang mga kamay sa magkabilang tuhod.

Ang anyayang “Tayo’y mag-otso-otso” ay tinugon ng balana ng “Otso-otso .. otso-otso pa!”

Bago nito, walang kahulugan ang salitang otso-otso; kahit ang bilang na otso ay hindi itinuturing na mahalaga, sa hanay man ng mga tradisyonal o moderno; kahit sa mga mapamahiin o sampalataya sa lotto. Walang natatanging taginting ang bilang na walo sa sinaunang mundo ng epiko at kuwentong-bayan. Hindi gaya ng numerong 1 (nangunguna, pinaka- ), 3 (karaniwang yugto ng buhay ng alinmang bagay), 7 (suwerte), 9 (pagbubuntis), o kahit ang sawimpalad na 13 (malas!). Maging sa kontemporanyong industriya at kalakalan, hindi rin mabigat ang bilang na walo. Pero lahat nang ito’y babaguhin at mababago ng kantang “Otso-otso.”

Nang maging pambansang bukambibig, naging tagpuan ang “otso-otso” ng maraming indibiwal at institusyon. Ang wika, kung susuysuyin ang prinsipyo ng heteroglossia ay hindi maaaring wika lamang ng indibidwal o iisa. Maririnig sa bawat salita ang wika at tinig ng marami, pati ang magkakasalungat at magkakatunggaling tinig.

Mapatutunayan ito ng salitang “otso-otso.” Sa unang dinig, wika ito ng propesyonal, ng isang indibidwal na may natatanging kakayahan. Wika ni Bayani Agbayani, isang popular na komedyante sa telebisyon, na siyang sumulat ng mga titik ng kanta. Bagaman ang komedyante ang sumulat ng titik ng kanta at nagpasikat ng awit sa mass media, hindi maituturing na wika lamang ni Bayani ang salitang ito. Katunayan, isa lamang si Bayani sa tinig na maririnig sa salitang “otso-otso.”

Wika rin ito ng pangmadlang komunikasyon, lalo ng radyo at telebisyon. Maririnig sa salitang ito ang alingawngaw ng maigting na network war ng dalawang higanteng estasyon ng telebisyon, ang ABS-CBN at ang GMA. Sapagkat ang kantang “Otso-otso” ni Bayani ay tugon ng Magandang Tanghali, Bayan ng ABS-CBN sa kantang “Ispagheting Pataas, Ispagheting Pababa” ng grupong Sexbomb mula sa Eat Bulaga! Ng GMA.

Wika rin ang “otso-otso” ng komersiyo at kulturang popular. Mula ang salita sa titik ng isa sa pinakamabentang kanta ng 2003. Hanggang sa kalagitnaan ng kasalukuyang taon, patuloy ang popularidad nito. Patuloy na isinasama ang kanta sa mga pirated album. Ayon sa pinakahuling ulat ng googles.com (July, 2004), marami ang patuloy na nagdadownload sa titik ng kanta at kabilang ito sa 50 most wanted lyrics. Walang dudang bahagi ng kulturang mainstream ang dati’y walang ibig sabihing “otso-otso.”

Dahil wika ng nakapangingibabaw na kultura, hindi maikakailang ang “otso-otso” ay bahagi ng bokabularyo ng kapangyarihan at estado, ng iilang nagtatakda kung ano, alin, at sino ang dapat ikubli at isantabi. Kung susuriin ang salitang “otso-otso” sa konteksto ng kanta, pansining ang kahulugan nito ay pag-eehersisyo. Mula sa pagiging pangngalang pamilang (otso-otso), ang salita ay naging pandiwa at pawatas (mag-otso-otso). Mag-ehersisyo bilang “pampatibay ng butong matamlay” sapagkat “ito ay pampahaba ng buhay.”

Kung tutuusin, kahit ang kahulugang ito ay ekstensiyon pa rin ng lumalalang network war. Ang “Ispagheting Pataas, Ispagheting Pababa” na naunang sumikat mula sa kalabang programa at estasyon ay sinasabing alusyon sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot, ang shabu na kapag ginamit ay kailangang pagulungin nang pataas at pababa.

Kaya ang pag-uutos o anyaya sa lahat (“ngipin man o wala”) na sumabay mag-otso-otso ay tinig ng kapangyarihang humahamon sa paglaganap ng droga sa bansa. Ngunit dahil ang wika ay may katangiang pangmaramihan, ang “otso-otso” ay wika rin ng mga ikinukubli at isinantabi, ng maraming tumatalima sa kapangyarihan at kailangang sumunod sa batas. Magiging malinaw ang ganitong punto kapag isinaalang-alang ang imbistasyon ng umaawit (na maaaring kumakatawan sa tinig ng kapangyarihan) at ang sagot ng koro (ng publikong tagasunod lamang). Sa anyayang “Tayo’y mag-otso-otso!” ang tugon ay “Otso-otso pa!”

Malikhain at may hibo ng subersiyon ang sagot na “otso-otso pa!” kung mahihiwatigan ng tagamasid/tagapakinig na sa mabilis, madulas, at malumay na bigkas sa unang pantig ng tugon, ang walang ibig sabihing “otso (pa)” ay nagkakaroon ng pailalim na kahulugan dahil ang naririnig ay selebrasyon ng isang sexual act (tsupa) o oral sex sa ari ng lalaki, na karaniwang hindi kabilang sa mga sex act na tinatanggap ng lipunan, estado at simbahan. Sa pamamagitan nito, nagkakatinig ang mga umid, ang mga pinatahimik, at isinantabi. At ang itinuring na bastos, dapat ikubli, hindi dapat pakinggan ay nalalantad. Hindi lamang nasasambit, ihinihiyaw pa!

Sa ganitong pagsasaalang-alang, nagiging tunay na wikang pambayan ang “otso-otso” na dati’y walang kahulugan ni kahalagahan sa kahit sino.

Kaya “otso-otso” ang dapat ituring na salita ng taon!